Aykon
Enero 6, 2010
Kapag napag-uusapan ang teknolohiyang pangkalawakan, madalas nagiging simbolo ang space shuttle ng NASA. Nakadaling tanggapin at napakadaling mamangha ngunit hindi natin alam na ang simbolong ito ay matagal nang nilampaso ng teknolohiya ng mga Ruso.
Ang Buran ang isang kahawig at katunggali ng Space Shuttle pagdating sa tinatawag nilang re-usable spacecrafts. Halos sa lahat ng aspeto ay lamang sa teknolohiya ang Buran.
1. Ang Buran ay nagkakahalagala lamang ng 14bilyun habang ang Space Shuttle ay 145bilyun.
2. Ang Buran ay kayang magkarga ng 120 toneladang kagamitan habang ang Space Shuttle ay 30 tenolada lamang.
3. Ang Space Shuttle ay nangangailan pa ng piloto habang ang Buran ay kayang pumailanlang at lumapag mag-isa.
4. Ang booster ng Buran ay maaaring gamitin pa ng 10 beses habang ang Space Shuttle ay isang beses lamang [hindi nya nagampamanan ang esensiya ng pagiging re-usable].
5. Mas ligtas ang Buran dahil ito’y gumagamit ng liquid propellant sa kanyang boosters habang ang Space Shuttle ay hindi. Ito ang dahilan ng pagsabog ng Challenger noong 1986.
Sa kasamaang palad, naubos ang kaperahan ng Russia matapos ang una at natatanging paglipad ng Buran. Gayunpaman, napatunayan ng mga Ruso na mas marami silang nagagawa kahit sa kakaunting halaga lamang. Ang kasinupan ang isang mahalagang bagay na hindi natutunan ng US. Sinasamantala lamang nila ang kapangyarihan ng pera upang maupo sa pedestal ng katanyagan sa agham at teknolohiyang pangkalawakan.
Kung manatili lamang tayong tumitingin at pumapalakpak sa mga nasa luklukan ng karunungan, hindi tayo uusad. Bakit di natin uugaliing maging mapanuri? Alamin natin kung alin ang teknolohiyang huwaran at tunay na nagsusulong ng kaunlaran. Hindi lamang ang pagiging popular ang basehan ng tagumpay.
Ebolusyon Ng Wika
Disyembre 28, 2009
Matapos malingat sa pagsusulat at iwanan pansamantala ang mundo ng pagpipinta sa loob ng kalahating taon, ngayon ko lang napansin na pinagdedebatehan pala ng mga nasa institusyon ang kahandaan ng wikang Filipino sa literaturang pang-agham. Marami palang walang tiwala sa yaman ng sariling wika. Sa pananaw yata nila hindi pa kaya ng wika natin ang ipahayag ang mga terminong teknikal ng agham, matematika at maging pilosopiya. Madali lang naman ang solusyon diyan. ‘Wag tayo masyadong umasang mabubuhay pa ang mga sinaunang terminong tagalog at huwag na rin nating ipagpilitang gamitin ang mga terminong espanyol kung ito’y nagpapasama ng estitikong lasa ng panitikan.
Halimbawa ang paggamit ng salitang absoluto na pwede mo naman gawing absolut. Tapat tayo sa paggamit ng salitang merkado na pwede naman gamitin ang salitang market. Bakit tayo takot gamitin ang hiram na ingles gayong bumabalik din naman tayo sa hiram na espanyol. Pareho namang hiram iyon. Kung mapapako tayo sa mga terminong makaluma at matatakot tayo sa ebolusyon ng wika, mamamatay ang ating wika tulad ng Latin.
Ang paghiram ng wika ay hindi nangangahulugan ng kakainin ng ibang wika ang ating wika. Hindi mangyayari ‘yan habang meron tayong panlapi. Tulad ng salitang kyut, magiging ating ito kung gamitan mo ito ng panlapi tulad ng “nag-pa-kyut” at “na-kyut-an.” Hayaan nating magkaroon ng ebolusyon ang wika. Alalahanin natin na ang wika ay nagsisilbi sa masa at hindi ang masa ang magsisilbi sa wika. Hindi ba natin gagamitin ang termino kung wala ito sa diksyunaryo. Alam nyo ba na sa lahat ng diksyunaryo, ang mga termino ay kumakalat muna sa popular na dila bago isali sa talaan?
Bakit di muna natin simulang subukan ang literaturang pang-agham, teknolohiya, pilosopiya at matematika bago natin itala sa diksyunaryo ang mga wikang teknikal tulad ng ispeys, taym, kwadrant, hayperbola, substans at presyur. Kung ang uubusin natin ang oras natin para pag-debatehan ito, wala tayong patutunguhan. Mungkahi ko ay subukan nating gawin. Sa huli naman, ang mga mambabasa ang maghuhusga kung na-gets talaga nila ang nais nating iparating.
Absinthe
Disyembre 17, 2009
Ang absinthe ay isang uri alak na naging popular noong pagtatapos ng ika-19 siglo hanggang sa pagbubukas ng ika-20 siglo. Kakaiba ito sa ordinaryong alak. Parang itong droga na magdadala sa ‘yo sa mundong di makatotohanan. Dahil madalas maging dahilan ito ng krimen noon, ipinagbawal ang pagtitinda ng alak na ito sa maraming bansa. Ngunit noong Disyembre 2007, ito’y muling ibinalik sa Estados Unidos. Gayunpaman, kailangang tanggalin ang isang substansiyang nagiging dahilan ng pagkabangag bago ito pahintulutan ibenta sa nasabing bansa.
Hinihinala na ito ang madalas inumin noon ng pamosong pintor na si Vincent Van Gogh. Napraning siya noon at nagawa niyang putulin ang kanyang tenga upang ialay sa kasintahan pokpok. Ito rin marahil ang naglugmok sa kanya sa matinding depresyon na siya ring nagtulak sa kanyang tangkang pagpapatiwakal.
Popular ang absinthe sa mga artista noon sa Yuropa, lalong-lalo na sa bansang Pranses. At ito ay talagang nakaka-adik. Itinuring nila itong musa ng mga pintor, manunulat, kompositor, iskultor at iba pang mga alagad ng sining. Dahil sa berdeng kulay nito, binansagan itong “luntiang diwata” ng mga manginginom.
Sa makabagong panahon, may bagong mukha ang absinthe para mga artist. Merong medyo mabait na nagtitiis na lamang sa Tanduay, Gin Bulag o kaya’y Ursus. Ang mga walang pake ay tumitira naman tsongki at shabu. Meron namang gusto ay legal kaya tumutira ng lamang ng cough syrup. Sa mga kuripot naman at wala talagang pera ay nagtitiis na lamang sa paghitit ng katol o kaya’y paglanghap ng gamit na medyas na pinatuyo sa init ng araw.
Ako naman ay gustong maiba kaya nagsagawa ako ng isang eksperimento. At nakita kong epektibo ang aking imbensiyon. Ito ay ang pagpipigil ng utot hanggang sa punto na makakakita ka na ng mga pangitain. Dahil parang ka nang nilalagnat sa mga sandaling ‘yon, makikita mo na ang “luntiang diwata” na sumasayaw habang ikaw ay pinagpapawisan nang malamig.
Madalas tayo mag-panic makahanap lang ng musa. Ngunit sa bandang huli, tayo rin pala ang biktima. Hindi lang droga o katol ang musang nakakasama. Kasama na dito ang mga babaeng nag-gagandahan o kalalakihang binalutan ng masel. Minsan ay pera, katanyagan at kapangyarihan. Nakakapanghinayang na matapos mamulat natin ang ating kapwa dahil sa magagandang obra, tayo naman pala ang bubulusok sa walang hanggang karimlan.
Paano Di Matawag Na Panget?
Disyembre 14, 2009
Pagdating sa usapin ng sining, abala ang mga artista sa pagpapalabas ng kagandahan, kahulugan, katatawanan, kaartehan, damdamin at kung anu-ano pang pwedeng ilabas mula sa kanilang mga obra. Merong humahagilap ng kasagutan mula sa sariling pagsisikap, meron naman mula sa karanasan at ang iba naman ay naglalaan ng pera at panahon sa pag-aaral. Pero ano ba talaga ang basehan ng kagandahan?
Sa mga pinalad na nakapag-aral sa mga pamantasan at dalubhasaan, siyempre lalabas diyan ang balance, depth, harmony, proportion, hue at iba pang mga sukatang itinakda ng estitika. Diyan mo na rin mararanasan na unti-unti ka nang naglalaway at nahuhumaling sa mga obra ni Mozart, Picasso at Shakespeare na dati’y di mo pinapansin o kaya’y binabato ng makahulugang hikab. At mapapansin mo na lang na nasusuka ka na kapag naririnig mo ang kantang Osto-Otso, Totoy Bibo at Spaghetting Pababa na dati’y feel na feel mo pang sayawin.
Kung wala ka namang pera o panahong mag-aral ng sining o kaya’y wala ka talagang intensyong magpaka-dalubhasa, mapapansin mo na lamang na kusa pa ring lumalabas sa iyo ang sining. Habang ikaw ay nagtuturo, bigla na lang makakaisip ka ng joke na patok sa mga istudyante. Habang nag-aararo sa bukid mapapansin mo na lang bigla na magkakaroon ng magandang hugis ang lupang binungkal. Minsan ay mapapakanta ka ng ala-Luciano Pavarotti kapag nabagsakan ng maso ang iyong paa. Ngunit dahil hindi mo talaga mundo ang paggawa ng arte ay wala ka ring panahon upang kunsultahin ang mga institusyon kung tama ba o nasa pamantayan ang iyong nagawang sining nang di sinasadya.
Gayunpaman, alam mo na ang mga ito’y nakakatulong sa pagpapahayag mo ng saloobin o kaya’y paglalabas ng napaka-tinding emosyon. Alam mo ring dahil dito’y nailalabas mo ang stress mula sa trabaho, tensiyon mula sa mga problema at depresyon dala ng pagkamatay ng itong tuta. Minsan ay batid mo ring naililigtas ka nito mula sa tendency mo na masiraan ng tuktok dahil sa wala kang mautangan o dahil sa kaiisip kung nauna ba talaga ang itlog sa manok.
Maging ang masa ay may tinatangkilik na sining. Gaano man kababaw ang pagtanaw dito ng mga intelektwal, sining pa rin itong kanilang tinitingala. Dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng aliw, aliw na maaaring minsa’y nagsisilbing pampamanhid sa kahirapang nararamdaman. Gayunpaman, meron din namang mga piyesang patok sa masa ngunit kapupulutan ng aral at minsa’y nagmumulat ng isip. Ang ang mga piyesang ito’y bihira mong makita sa merkadong umiinog lamang sa paksa ng ligawan, karahasan at katatawanan.
Habang umuusad ang sining ng kabihasnan, tahimik na nag-a-agaw-buhay ang katutubong arte sa mga pusod ng gubat. Dahil nangangabulok ang mga dahon at balat ng kahoy na nagtaglay ng mga liriko, kwento at guhit nila, umaasa na lamang ang pananatili nito sa pagsasalin-salin sa mga dila ng henerasyon. Mabuti na lamang at hindi nabubulok ang kanilang mga gawang yari sa luwad. Walang hugis, walang sinusunod na batas at walang merkadong nagtatanyag… …ngunit mayaman sa ekspresyon, malayang pag-iisip at walang bahid ng pagkukunwari. Sa paglipas ng panahon ay nanatili itong tapat sa pagnanais na papurihan ang higit na nakakataas na pag-iral at i-respeto ang kalikasang kanilang kinagisnan.
Sa pagsipat mula sa mga ibat-ibang perspektiba ng pagtingin sa sining, naguguluhan na ako kung saan sa mga ito ang tamang pamantayan ng sining upang masabi na maganda o panget ang isang gawa. Nangangamba na kase ako na tawaging panget ang aking gawa. Baka lalong bumaba ang aking self-esteem. Baka hindi na ako magpatuloy sa pagpinta, pagsusulat at paglikha ng awit. Baka isang araw ay may dalubhasang pumuna sa sa aking mga obra.
Mga obrang hitik sa diwa ng pamantasan, mga gawang kusang lumabas lamang dala ng pangangailangan o mga ekspresyon ng payak na pakikipagniig sa kalikasan… …sino nga ba ang totoo sa mga ito? Saan ako papanig? Nagsisimula na akong magpanic. Hindi na ako makakain. Hindi na rin ako makatulog. Para na akong sinapak sa laki ng aking aybags. Pinagpapawisan na ako nang malagkit. Namumutla na ang aking mga labi. Pang gustong kong sumigaw ng “Saklolo!”
Gayunpaman, may positibong enerhiya akong nararamdaman sa kasalukuyan. Dahil natututunan ko nang i-appreciate… …ang mga likha ni Fanny Seranno, Pitoy Moreno at Boy Abunda.
Paglalakbay Sa Ikatlong Bahagdan Ng Abstraksyon
Disyembre 6, 2009
Inilipat ko dito ang mga isinulat ko sa nauna kong blog…
Mga Kathang Isinulat Sa Dagta
Dumaloy ang dagta mula sa sugat ng puno; isang simbolo ng mapait na nakaraan. Sinulatan ito ng mga kathang hinalaw mula sa nadidimlang isip. Nag-iwan ito ng mga titik sa dagta. At nang matuyo, ang mga titik ay nanatili… …at nabasa ng isang kaluluwang pagod. Aba! naka-relate si kaluluwa. Natuwa siya, nagdiwang, pagkat ang nakikita niya ay puro saya. Teka! Teka! Di ba’t halaw ‘to mula sa loob ng nagdidilim na isip? Bat s’ya sumaya? May kakatwa bang nangyayari? May nakialam bang engkanto?
Naguluhan din ako habang sinusulat ito. Gayunpaman, nagpatuloy ako sa pagsusulat. Ano nga ba ang koneksyon ng dagta sa titik, at ng kaluluwa sa nadidimlang isip? Masyado akong napaisip. Halos magkaroon na ako ng wrinkles. Di ako makakain, di rin makapag-text. Apektado na nito ang buhay ko. Hanggang sa napagod na akong mag-isip… …at tinamad na ring mag-isip.
Ayun! napagkasunduan ko na lamang na magbigay ng isang konklusyon: typographical error lamang ang nangyari. Di pala dapat natuwa si kaluluwa, dapat nalungkot s’ya. Kaso, wala na akong magagawa dahil sa wala na akong lakas magbura. Tamad na rin akong magbura. Kaya paninindigan ko na lng na ganun ang istorya.
Ipagpatuloy n’yo na lang ang pagbabasa. Sana wag naman magdilim ang inyong isip.
Pagmumuni Ng May Akda
Tahimik na binabasa ni kaluluwa ang mga titik na nakaukit sa dagta. Halata sa mga mata n’ya ang kagalakan. Mukhang naibsan din ang kanyang pagod. Patuloy pa rin akong nagtaka sa mga pangyayari. Akala ko ba nabuo ko na ang konklusion? Eh, bakit di pa rin ako mapalagay? Napaisip na naman ako. Di na uli ako makakain, di makatulog at di na magawang mag text. Natuluyan na rin akong magkaroon ng wrinkles. At di lang wrinkles, tinubuan na rin ako ng tighiyawat at sinumpong ng rayuma. So, hindi nga typographical error ang nangyari.
Lumipas ang mga araw, malaki ang pagbabago ni kaluluwa. Nakikita na n’ya ang kagandahan ng mga bagay na dati’y hindi n’ya napapansin, napapahalagahan na n’ya ang mga konseptong dati’y itinuring n’yang walang saysay. Ngunit, sa magandang nangyayari kay kaluluwa, ako nama’y naguguluhan.
Napatingin ako sa salamin. Sinuri ang mga sugat na tinagpian ng pagkukunwari, ninamnam ang mga pait na pilit na kinalimutan at binalikan ang nakaraang tila multong gumagambala sa aking gunita. Bakit sa kabila ng tagpi-tagping pagkatao ay napasaya ko si kaluluwa? Bakit hindi kapaitan at panaghoy ang isinisigaw ng mga titik sa dagta? Bakit aliw at katatawanan ang hatid ng mga titik? Bakit pag-asa ang nilalarawan ng mga salita?
Namalayan ko na lang ang aking sarili, nakatayo sa gitna ng dilim, nakatingala sa langit. At sa gitna ng karimlan, may liwanag na nagmumula sa itaas… mula sa isang bumbilya. Ano nga ba ang brand ng bumbilyang ire? At nagpatuloy ako sa paglalakad…
Hindi ko pa rin maarok ang kasagutan. Marahil ay malalim lang talaga ang misteryong bumabalot sa dagta. O kaya’y ipinanganak lang talaga akong bobo. Marahil ay hindi ako nakakain ng iodized salt nung bata pa ‘ko. Hay! tamad na talaga akong mag-isip.
Gusto ko nang malaman ang kasagutan. Dahil pagod na ako mag-isip at gusto ko na uling kumain ng pakbet. Gusto ko ring balikan ang aking mga ka-text. Ngunit kung talagang di ko kayang arukin ang kasagutan, masaya na rin ako. Dahil napasaya ko si kaluluwa at natuto akong suriin ang sarili kong pagkatao.
At ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad…
Mga Tanikalang Iginuhit Sa Pader
Namalayan ko na lang ang aking sarili sa nasa isang madilim na silid. Tahimik, wala akong naririnig kundi mga mumunting patak ng tubig mula sa isang gripong di gaanong nasarhan. May munting sinag na lumalagos sa isang maliit na bintana. At sa kaunting liwanag na ‘yon ay nababanaagan ko ang mga tanikalang iginuhit sa pader.
Di ako gumagalaw mula sa aking pagkakaupo sa sahig. Nakatitig ako sa mga iginuhit na tanikala, titig na matagal, ninanamnam ang kanyang kahulugan. Hindi ko namamalayan na pumapatak na ang aking mga luha. Ang mga iginuhit na tanikala, tila sa akin nakagapos; pumupulupot sa buo kong katawan. Sinasakal n’ya ang aking mga bisig, paa, leeg, pati ang aking laman-loob, ang aking baga, puso, atay at balunbalunan. Parang binabanat ang aking mukha at ang aking isip ay umiinog sa mundong walang pakialam.
Ramdam ko sa mula sa aking kaloob-looban ang hadpi ng kahapon. Nagpupumiglas ang mga damdaming pinigilan ng matagal na panahon, gustong kumawala, gustong maging malaya. Nagpupuyos naman ang galit na lagi kong nilulukuban ng mabait at pasensyosong mukha. Umaalma ang mga pagnananasang tinakpan ko ng disenteng kasuotan at iskapularyo. At gustong sumambulat ang mga ideyang itinuring ko na marumi at kalapastanganan. Lahat sila’y pinigil ng tanikala.
Nakatitig pa rin ako sa pader. Ramdam ko ang kanyang pahiwatig. Patuloy ang pag-agos ng aking luha. Sumama ang aking sipon. Tumulo na rin ang aking laway. At pabulong ngunit galit kong sinabi, “Tangna mo, tanikala, TANTANAN MO ‘KO!!!” Bigla, may narinig akong tinig, “HINDI KITA TATANTANAN!!!” Aba! Nagsalita si tanikala! Ka-boses n’ya si Mike Enriquez. Namamalikmata ba ako? Naistorbo ko ba ng mga anito’t kaluluwang naglipana sa silid na ‘to? Wala naman akong nagawa sa kanilang masama kundi ang mag-emote dito mag-isa.
Napabuntong hininga na lang ako, umiiling, habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo. Sa wakas, nahimasmasan na rin ako. Wala na ang tinig, normal na uli ako. Hindi na rin nagsasalita ang tanikalang iginuhit sa pader. At naipangako ko sarili ko… hindi na ako muling hihitit ng katol. Hinding hindi na. Promise!
Kapalaran Ni Mad Scientist
Nahimasmasan na rin ako sa hinitit na aktol habang naglalakad sa bangketa. Puno na ang bakpak ko sa mga pinamili sa ukay-ukay nang may isang pamilyar na mukha akong nabanaagan… …si Mad Scientist! Oo nga! Hindi ako maaaring magkamali. Si Mad Scientist nga itong na itong nasa harap ko. Nanlaki rin ang mata ni Mad Scientist nang makita ako. Tuwang-tuwang kaming nagyakap, parang mga batang walang pakialam sa mundo. Bakas sa aming mga labi ang mga ngiting unti-unting naglalaho at napapalitan ng pangamba habang nililingon ang mga taong nakatingin sa aming dalawa. Unti-unting kumalas kami sa pagkakayakap at ni-regain ang composure ng pagiging tunay na lalaki.
Naupo kami sa tabi ng ukay-ukay habang imiinom ng sago at kumakain ng isaw. Masayang binalikan namin ang nakaraan. Varsity player ako ng basketball noon sa aming unibersidad habang siya ay 1st placer lagi sa science at math contests. Naalala ko pa nung ipinaliwanag n’ya sa akin ang gamit ng parabola sa pang-araw-araw na buhay, mula sa flashlight hanggang sa antenna ng cable TV. Sa kanya ko rin nalaman na may mga bagay pala sa kalawakan na 100 beses na mas maliwanag sa araw na ang tawag ay quasar.
Hanga ako sa dedikasyon ni Mad Scientist sa agham lalo na sa larangan ng astronomiya. Kaya n’yang hulaan ang galaw ng mga planeta sa pamamagitan ng kalkulasyong s’ya lang ang nakakaalam. Sa buong unibersidad, itinuturing na sagrado ang kanyang utak at halos sambahin sya ng mga kababaihan kahit s’ya ay ubod ng… …forget it. Ayaw kong manlait ng tao. Basta ganun, isa s’yang henyo na maaari sanang magpabago sa takbo ng buhay ng karamihan.
Ngunit asan na s’ya ngayon? Andito sa bangketa. Nanghuhula ng kapalaran ng mga dumadaan sa halagang bente pesos sa pamamagitan ng horoscope. Wala kase s’yang naging trabaho sa kaaantay na mapondohan ang proposal nya na magkaroon isang obserbatoryong astronomikal, isang pangakong inabot ng buwan, taon, dekada at nabaon sa limot. Ngunit umaasa pa rin si Mad Scientist na balang araw may mga pulitiko o negosyanteng maniniwala sa kanya. At alam kong may mga naniniwala pa rin sa kanya kahit papano. Isa na ako sa mga ‘yon, ‘pagkat s’ya ang dahilan kung bakit ako pumasa sa Math.
Kahulugan Ng Parallel
Patuloy ang balitaktakan namin ni Mad Scientist sa banketa nang mapunta ang paksa sa matematika. “Maalaala ko nga pala, hindi mo natapos ang pagpapaliwanag sa akin noon tungkol sa kahulugan ng parallel. Nagmamadali na kase ang isang seksi na manuod kayo ng sine… …ang guwapo mo kase. Sobra!” Kinilabutan ako sa kasinungalingang nagawa. “Ganito kase ‘yan…,” sagot niya, “… ang parallel ay dalawang linya na magkatabi at hindi na magtatagpo kailanman.” Tila patay malisya s’ya sa katagang “guwapo” na aking nabanggit at nagpatuloy s’ya sa pagpapaliwanag habang tahimik akong nakikinig sa kanya.
“As in… …di sila magtatagpo kailanman?” Kunot ang noo’t salubong ang kilay akong nagtanong. “Hanggang sa dulo ng walang hanggan,” sagot n’ya. Napabuntong hininga ako. Nagsisimula na naman akong ma-stress. Alam ko na ang kasunod nito… “hindi ako makakakain, di makakatulog at di makakapag-text sa paliwanag mong ‘yan,” bulalas ko kay Mad Scientist. “Wala akong magagawa,” tugon n’ya, “‘yan ay batas na pinanday at pinatunayan na ng panahon. Wala pang batikang mathematician ang nangahas na baliin ang batas na ‘yan. Ikaw baka gusto mong i-try.” “Aba! ‘Wag ako. Hirap nga ako ipasa ang math, mangangahas pa akong baliin ang batas,” sagot ko.
“Ngunit ang batas ng matematika ay mababali…” patuloy ni Mad Scientist, “…nakasaad ‘yun sa mga hula ng mga pantas.” Lalong kumunot ang aking noo at nagsalubong ang aking kilay. Lalo akong na-stress. Ramdam ko ang unti-unting pagguhit ng wrinkles sa king mukha. Ang hirap palang kausap ang mga henyo, madali akong malolosyang nito. “You mean… … magsasalubong ang parallel sa dulo?” Tanong ko. “Exactly!” Tugon n’ya. “Mabubuwag ang mga theorem, magugulo ang mga equation at guguho ang pundasyong itinayo dantaon na ang nakalipas. Mangyayari ang lahat ng ito kapag naganap na…” “Kapag naganap na ang alin?” Tanong ko. “… ang SONA ng pangulo,” dugtong n’ya habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo at ang mata’y nakasunod sa seksing dumadaan.
Gusto ko s’yang dagukan dahil sa seksing dumaan ngunit pinigil ko ang aking sarili dahil may sense s’yang kausap. Sabagay, di lang batas ng matematika ang nasasalaula tuwing SONA, pati na rin prinsipyo ng ekonomiya. Ibinabandera kase dun ang kaunlarang nakikita sa alalapaap at tinitingala ng mga mamamayang gutom.
Natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na umiinom ng beer sa may tindahan, sising-sisi kung bakit nauwi sa SONA ang usapan. Nagpasya na lang tuloy kaming lasingin ang aming mga sarili upang makalimutan… … ang GUTOM NA NARARAMDAMAN… …habang nakatingin sa nakasulat sa billboard: RAMDAM ANG PAG-UNLAD!
Pagpasok Sa Lumang Orasan
Lumipas ang mga araw, di pa rin ako makakain, di makatulog at di maka-pag text. Hindi ito dahil sa kahulugan ng parallel kundi sa iniwang tanong sa akin ni Mad Scientist: ANO ANG KAHULUGAN NG PANAHON? Ito ang dahilan ng aking stress nitong mga nakaraang araw na mukhang nauuwi sa depresyon. Bakit ba nagiging curious ako sa mga bagay-bagay at pinahihirapan ko lamang ang aking sarili sa kaiisip. Ganito ba ang attitude ng mga henyo? O isa na akong baliw? Ramdam ko ang sarili na nasa karimlan ng pagkalito.
Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakaharap sa isang lumang orasan. Pinakikinggan ang bawat tik-tak nito, naghihintay na baka may mahulog na kasagutan. Maghapon akong nakatitig at halos maubos ko na ang isang pitsel na kape nang may biglang may nagsalita, “Halika, pumasok ka.” Naykupo! Kinakausap na ako ng orasan! Ano na namang kababalaghan ‘to? Gayunpaman, sinunod ko ang tinig. Lumapit ako sa orasan. Aba! Tumatagos ako sa orasan! Ayun, nakapasok din ako sa loob ng orasan. Tumambad sa harap ko si Panahon, ang misteryo ng pag-usad ng oras, taon at siglo. Nakahubad s’yang nakaupo habang pinapaligiran ng mga pantas na sa kanya’y nakatitig, nililimi ang bawat himaymay ng kanyang malalim na pag-iral.
Tumabi ako sa mga nakapalibot na mga pantas at nakititig kay Panahon. Ibinato ko ang aking mapanuring tingin ngunit di ko maarok ang kanyang mga lihim. Ang tanging nakikita ko ay ang kanyang balingkinitang katawan. Waring nakapansin si Panahon na may mahalay na hanging pumailanlang sa paligid at s’ya’y nagtapis ng tuwalya. Patay malisya kong nilapitan at tinanong ang isang pantas. At ipinaliwanag n’yang si Pahanon ay nauulit, tila gulong na umiikot at bumabalik sa pag-usad ng kasaysayan. Ayon naman sa ikalawang pantas, si panahon ay tulad ng isang linya, hindi na maaaring balikan at walang hanggan ang kanyang patutunguhan. Sa ikatlong pantas ako na-stress nang husto nang sabihin n’yang si Panahon ay di umiiral, s’ya’y nakaguhit lamang sa ating mga isipan bilang sisidlan ng mga pangyayari. High blood naman ang umatake sa akin nang makausap ko ang ikaapat na pantas. Boses bumbay n’ya akong inalok ng “Relo, gawang Saudi! Buy one take one!”
Di ko na tinapos ang pakikipag-usap sa ikaapat na pantas dahil wala s’yang sense kausap. Nilisan ko ang loob ng orasan, naupo sa sofa, inubos ang natitirang kape habang ninanamnam ang mga sinabi ng mga pantas. Ngunit di ko pa rin matumbok ang kasagutan. Napatitig na lang ako sa kawalan habang kinakalma ang sarili. Sa wakas payapa na ang lahat. Pakiramdam ko normal na uli ako… …at nahimasmasan na sa epekto ng medyas ni Mad Scienstist.
Ang Ikaapat Na Pantas
Lulugo-lugo akong naglalakad sa lansangan nang makasalubong ko si Mad Scientist. “O, natumbok mo na ang kasagutan?” Tanong niya. “Hindi eh… … nab’wisit ako sa ikaapat na pantas… …wala s’yang sense kausap,” tugon ko. “Ano!? Di mo ba alam na nasa ikaapat na pantas ang kasagutan?” Ipinaliwanag ni Mad scientist na ang relong inaalok ng ikaapat na pantas ang susi sa pagbubukas ng misteryo ng panahon.
Dali-dali akong bumalik sa silid na kinaroroonan ng lumang orasan. Maghapon akong nagmatyag ngunit wala pa rin akong tinig na naririnig. Nagsisi tuloy ako kung bakit ko hinusgahan agad ang ikaapat na pantas. Nakatulog na ako’t nagising, ngunit wala pa ring tinig. Sinubukan kong amuyin uli ang medyas ni Mad Scientist. Nagdilim ang aking paningin… … ngunit wala paring salita akong narinig. Groge akong tumayo at susuray-suray na lumakad papalapit sa lumang orasan. Dala ng desperasyon, isinubsob ko ang aking ulo sa orasan. Aba! Naglagos ako uli. Nakapasok uli ako sa loob. Ngunit wala na roon si Panahon. Wala na rin ang mga pantas maliban sa isang may bitbit na dalawang relo. “Alam kong babalik ka,” wika n’ya, “Ano?! Buy one take one?” Wala nang tanong tanong, dumukot ako ng pera at binili ang relo.
Minasdan ko ang dalawang relo. Mas mabilis ang takbo ng isa. “Ang mga pangyayari ay iba-iba ang takbo, iba’t iba ang bilis. Ngunit lahat ay naglalakbay sa isang pangkalahatan at unibersal na pagbabago,” paliwanag ng pantas. Ngayon ko napagtanto na s’ya ang ikaapat na pantas bagaman hindi na s’ya boses bumbay. Nagtago pala s’ya sa anyo ng isang walang sense kausap. Pinasalamatan ko ang pantas. Hindi salita ang kanyang tugon kundi isang marahang pagpikit ng mata, pagtulis ng nguso at makahulugang ngiti kapagdaka. Kinikilabutan akong umalis at lumabas ng orasan ngunit magaan ang saloobin dahil unti-unti ko nang nauunawaan ang misteryo ni Panahon.
Natagpuan ko na naman ang sariling nakaupo sa buhanginan, minamasdan ang paglubog ng araw sa dulo ng karagatan, habang pinakikinggan ang bawat dampi ng alon sa dalampasigan. Tila musika ang tunog ng hanging kumikiliti sa aking tenga. Gayunpaman, hindi kayang payapain ng himig ng kalikasan ang uhaw na aking nararamdaman. Bakit ganito? Kung kelan ko napakinggan ang mga pantas, mas lalo akong nagnananais na malaman pa ang misteryo ni Panahon. Samakatwid, walang hanggan ang lihim ng kanyang pag-iral. Kaya pala walang sawa ang mga pantas sa katititig sa kanyang misteryo.
Muli kong minasdan ang dalawang relo. Unti-unting bumagal si Mabilis, waring inaantay si Mabagal na maabutan s’ya. Nababanaagan ko sa aking isipan ang nabubuong ritmo sa dalawang relo, isang ritmong unti-unting nagiging harmoniya at nabuo sa iisang hugis ng tik-tak. Lubha akong namangha sa kakatwang pagniniig, isang pagsasanib ng prinsipyong imposibleng mangyari sa kasalukuyan.
Palakang Sagigilid
Habang binabaybay ko ang ilog papunta sa bahay ko sa bukid, napansing kong humina ang daloy nito kumpara nung tag-init ng nakaraang taon. Naisip ko ang magiging epekto nito sa irigasyon sa baba. Nakakatakot din ang bahang idudulot nito sa tag-ulan kapag nagpatuloy ang paghina ng daloy nito sa tag-init. Alam ko ang dahilan. Ito ay ang walang habas na pagputol ng kakahuyan sa gubat sa taas.
Nalungkot ako sa kalunos-lunos na paglaho ng gubat habang patuloy ang pagdami ng mga gusali sa kabihasnan. Paano na ang mga magsasaka? San na dadapo ang mga ibon? Paglipas ng sampung taon mula ngayon, may makikita pa kaya akong batis? Nandidito pa kaya ang mga palakang ‘tong tumatalon? Biglang huminto ang isang palaka sa pagtalon. Kinabahan ako’t napatigil sa paglalakad. Magsasalita rin ba ito? Lalo akong nahintakutan nang ito’y lumingon sa akin. Matagal na katahimikan… …salamat at hindi ito nagsalita.
Ngunit bigla, ngumiti ang palaka. Nangalisag ang aking balahibo. Inalog ko ang ulo ko ngunit nanatili ang aking nakikita. Mas lalong tumindi ang kilabot na nararamdaman nang ipakita n’ya ang kanyang masel. Nanginginig ang kamay kong inapuhap ang yosi. Halos malaglag ang lighter habang sinisindihan ‘to. At inihakbang ko uli ang paa ko upang lumisan sa pook na iyon. Ayaw ko nang makita ang pangitaing ‘yon.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nang bigla, nanlaki ang aking mga mata nang may narinig akong awit na kaboses ni Luciano Pavarotti mula sa likuran, “Hoooopyang diii mabileee.” Paglingon ko, nakita ko si Palakang umaawit, with feelings pa. “Tangna mo palaka! Ayaw mo kong tantanan ha,” wika ko. Dinampot ko ang tsinelas ko at akmang babatuhin si Palaka nang may kamay na pimigil sa akin. “Wag mo s’yang saktan. Pakinggan mo ang kanyang ibig ipahiwatig.” Si Inang Kalikasan pala. Ngayon ko lang namalas ang ganda n’ya.
Bilang paggalang kay Inang Kalikasan, kinain ko na lang ang aking pride at umalis sa pook na iyon. At sa paglakad ko pauwi, pinilit kong namnamin ang nakakasukang berso ni Palaka. Hopyang di mabili? Hopyang di mabili… …hopyang di mabili. Pinilit kong hagilapin ang sense sa awit na ‘yon. Ngunit wala akong maapuhap.
Pagkaraan ng mga ilang araw, natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakaupo sa hagdanan. Kumakain ng sandamakmak na hopya.. …habang pilit na inaaarok ang ibig ipahiwatig ni Palaka.
Halang Ang Aking Bituka
Dahil sa usapin ng hopya, ayaw kumalma ng aking emosyon. Tila napipigtas na ang aking mga litid sa pagkontrol ng aking hininga. Kakarampot na lamang ang matitinong hibla sa aking utak. Tila nagtatampo pa ang huling bulateng pipirma upang tuluyan na akong pumanaw sa mundong tila hindi sumakto sa lahat ng aking naisin. Powtek! Lalo niya lang pinahahaba ang aking paghihinagpis!
Malamig ang hangin at madilim ang paligid. Aninag ko lamang bahagya ang mga puno dahil sa malamyang sinag ng mga bituin. Umambon-ambon pa at tila yata gustong ako’y sipunin. Nanunuot ang lamig sa aking mga buto. At ang mga huni ng kuliglig ay tila nangungutya na hindi na darating ang aking hinihintay.
Ayan! Nakikita ko nang naglalakad papalapit si kamatayan. Papalapit… …banayad ngunit marahas ang hakbang… …tila nais akong magimbal sa kanyang presensiya. “Utot mo, Kamatayan! Ikaw talaga ang hinihintay ko!” Di natinag si kamatayan sa aking tinuran. Nagpatuloy siya sa paglapit. “Di na biro to!” bulong ko sa sarili. Unti-unti’y nakaramdam ako ng pag-nginig ng aking tuhod. Pinagpapawisan ako nang malamig. Parang binabayo ang aking dibdib. Lalong lumalakas ang kabog habang sya’y papalalapit. At mula sa karimla’y aking naaninag ang kanyang mukha. “Siyet! Sinasabi ko na nga ba’t hindi na biro ‘to!”
Medyo napahiya ako nang dumaan lamang sa harap ko si Kamatayan. Hindi pala ako ang pakay nya. Malayo na si Kamatayan ngunit nagtataka pa rin ako. Bakit hindi niya pinigtas ang aandap-andap kong buhay? Namnamin ko man ang anghang ng metapisika at magpatihulog sa balon ng lohika ay wala akong mahahagilap na sagot. Tikom ang bibig ng agham nang mga sandaling iyon. Tila ang musika na lamang na nagmumula sa lumang radyo ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
Natagpuan ko na lang ang aking sarili sa loob ng isang bar. Umiinom ng isang boteng beer. Tila gustong lunurin ang bulateng ayaw pumirma at tahimik na nananahan sa mga likaw ng aking bituka. Sinamahan ko pa ng lahat na maanghang na pulutan na nasa menu. Gusto kong iparamdam sa kanya ang impiyernong dulot ng siling labuyo at gusto kong maluha-luha siya sa paghapdi ng kanyang mga mata.
Lango na ako sa ikalimang bote ng beer. Bangag na ako sa kapangyarihang sumasangguni sa aking guni-guni. At ang aking budhi’y pinamanhid ng aking pagmamalupit sa isang nagmamagaling at nag-i-inarteng bulate. Sargo na aking mata habang papauwi. Suray na aking lakad ngunit malinaw pa sa sikat ng araw ang pagnanasang magpagupit sa byuti parlor na aking nadadaanan.
Tangkang papasok na ako sa byuti parlor nang may kamay pumigil sa aking balikat. Hinabol pala ako ng bartender dahil nakalimutan kong bayaran ang beer na nainom. Para akong nauupos na kandila at tila nakikita ko ang mukha ng bulate na tumatawa at ipinagdiriwang ang aking kahihiyan.
Isinumpa ko na ang alak. At alam kong mahihimasmasan din ako bukas… …upang ipagpatuloy ang pagsasaliksik. At alam kong bukas makalawa’y magsasalita na rin ang agham, mula sa mahabang panahong pananahimik. At pagtitibayin niya ang aking sapantahang dinurog ng iskeptisismo… …ang teoryang wala pa ring mintis ang Combantrin.






