Titser Ka Ba?

Oktubre 26, 2009

euclidTitser ka ba? Ako naging titser din dati. Sabi nila, ang mga gurong Pilipino daw ang mga bayaning pinagkaitan ng disenteng sweldo. Bakit bayani? Dahil di biro ang makalbo sa kakulitan ng mga istudyante, maglamay magdamag para mag-tsek ng mga pagsusulit at mag-piga ang utak upang gumawa ng lesson plan. At marami ding ang dedikasyon ay nauwi sa pagpapaka-tandang dalaga. Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang sweldo upang bigyang katarungan ang pagtitiis ng mga guro.

Teka, ‘wag muna nating pag-usapan kung ano ang maitutulong sa atin ng gobyerno dahil para lang tayong nag-kwentuhan ng science fiction. Pag-usapan natin muna kung papaano ang epektibong pagmumulat sa ating kabataan ngayon. Hindi biro ang ating tungkulin dahil dito nakasalalay ang pagkadapa at pagbangon ng bansa.

Kayo na ang humusga kung epektibo sa sitwasyon nyo ang artikulong ito na pinagtagpi-tagpi ko mula sa aking mga karanasan bilang guro, mga natutunan mula pagdalo sa mga pagsasanay, paglilimi sa epistemolohiya at pagbabasa ng libro sa sikolohiya. Marahil karamihan dito o lahat dito ay alam niyo na at matagal niyo nang ginagawa. Maaaring kulang pa ‘to at meron kayong alam na di ko nabanggit. Malugod ko pong tatanggapin ang inyong dagdag na ideya…

Una, alamin mo ang iyong sarili. Paano mo nga naman maituturo ang kaalaman kung sarili mo’y di mo alam. Siyempre alamin mo ang kakayanan mo. Ano bang natapos mo? Ano’ng mga natutunan mo sa mga seminars at ano na ang napatunayan mo sa larangan ng pagtuturo. Alamin mo rin ang intelektwal mong kakayahan. ‘Wag kang mahiya kung ang IQ mo ay below 70. Alalahanin, hindi IQ ang basehan ng epektibong pagtuturo kundi diskarte at dedikasyon. Maraming guro ngayon ang sobrang talino ngunit di maunawaan ng mga istudyante. Wala rin silang tyaga at pagkukusa na bumaba sa lebel nila.

Kulang ka ba sa kaalaman? Hindi problema yan. Maraming seminars d’yan na pwedeng kunan. Pwede ka namang tumambay sa library para mag-research. Uso na rin ngayon ang internet. Di naman masama kung gagamit ka ng search engines tulad ng google, answers.com at wikipedia. Alalahanin na di porke’t guro na tayo ay nasa atin na lahat ng karunungan. Maging ang mga dalubhasa na ay patuloy pa rin sa pagsasaliksik. Ang pagsisikap na lumago araw-araw ay indikasyon na tayo’y may dedikasyon na maibahagi ang karunungan sa mga nagnanais matuto. Ang hindi pagtanggap sa kakulangan ay pagtanggi sa personal na pag-unlad.

Alamin mo rin ang iyong mga talent. Malaking tulong kung magaling kang magpatawa dahil hindi ka tutulugan ng mga mag-aaral. “Yun nga lang minsan, ang joke mo na lang ang kanilang naaala-ala hindi ang leksyon. Kung korni ka, praktis lang, baka sakali makuha mo rin ang kiliti nila. Pero, kung isang taon na ang lumipas at korni ka pa rin, ‘wag mo nang pilitin magpatawa, baka mas lalong bumaba ang iyong repustasyon. Pwede mo naman gawin ang ibang stunts tulad ng pagkanta, pagsasayaw o kaya’y pagtawid sa alambre.

Alamin mo rin ang iyong ugali. Mainitin ba ang iyong ulo? Malambing ka ba? Mahilig ka bang magsermon? Paano ka magdamit? Istrikto ka ba? Dapat maging totoo ka at tanggapin kung may kulang sa iyong pagkatao at kakayanan. Hindi naman masama kung kulang ka sa abilidad o kaya’y may di kanais-nais na ugali. Kaya mo nga pag-aaralan ito ay upang makagawa ka ng angkop na pamamaraan.

Dapat alamin mo rin ang iyong istudyante. Ang istudyante mo ba ay fast learner or slow learner[mild term sa bobo]? Di porke’t hirap siya umintindi ay talagang sinumpa na siya. Baka naman kase wala lang siyang interest o baka naman sa estilo ng pagtuturo mo ang may depekto. Ikaw na lang ang mag-adapt sa istudyante mo. Tanungin mo rin kung kumain na s’ya. Baka naman dahil gutom s’ya kaya wala syang focus. Baka naman kulang din ang sustansyang binibigay sa kanya ng pagkain nya. Subukan mong patakan ng iodized salt dila nya baka sakaling umepekto. Alamin mo rin ang attention span nya. Kulang ba sya sa pansin? Baka minsan kaya siya magulo sa klase dahil wala sa kanya ang atensyon ng magulang nya. Alamin mo rin ang kanyang mga pangarap at hilig.

Ngayong alam mo na ang tungkol sa iyong sarili at sa istudyante mo, alamin naman natin ang mga prosesong mag-uugnay sa inyong dalawa…

1. Pag-unawa sa leksyon. Huwag mong presure-in ang istudyante mo na mag-memorya ng sandamakmak na mga termino. Ok lang ‘yun basta nauunawaan lang nilang mabuti ang mga kataga. Dahil ang memorized terms ay di nagtatagal ngunit ang pag-unawa dito ay maaaring umabot ng habambuhay.

2. Praktis. Ang mga teorya, pormula at iba pang kaalaman na merong operasyon ay nangangailangan ng praktis. Dahil kahit nauunawaan na nila ito, malilimutan nila ang sequence at magiging madalas ang kanilang pagkakamali sa aktwal na aplikasyon. Kelangan dito ang paulit-ulit na pagsasanay hanggang mabawasan kundi man tuluyang mawala ang pagkakamali. Lagi mo silang bigyan ng math o science problems upang mahasa ang kanilang galing at kumpiyansa sa sarili.

3. Pagbuo ng kumpyansa sa sarili. Napakahalaga nito dahil ito ang magiging barometro ng kanilang pag-gawa sa tunay na mundo. Kaya sa loob pa lang ng silid aralan ay hubugin na ito. Makakatulong ang pagpuri sa kanilang magagandang gawa, ideya o ugali. ‘Wag naman ang di makatotohanang pagpuri dahil pambobola na ‘yun. Baka lalo silang mapasama dahil akala nila’y tama o maganda na ang kanilang ginagawa. Iwasan ang pambubulyaw kung sila’y nagkakamali. Nakakadurog kase ito ng self-steem at nakaka-udlot ng tumutubong pagkamalikhain.

4. Pagpapalabas ng likhang isip. Mayaman ang imahinasyon ng bawat isa. Kaya ang tungkulin nating mga guro ay halukayin iyon. Hayaan nating likha nila ang lumabas at hindi ang sa atin. Dahil baka sa halip na lumabas ang kakilanlan nila sa mga ideya ay anyo natin ang lumabas. Hindi ba’t nakaka-kilabot na pangitain? Kung mauwi sila sa pagngongopya at panggagaya ng gawa ng iba at kung masyado silang umaasa sa mga tinuturo lamang sa kanila, maaaring may kulang sa ating pamamaraan.

5. Paghubog ng mapanuring kaisipan. Ang epektibong guro ay hindi iyong nagtuturo lamang ng leksyon kundi ang naghahamon sa istudyante upang mag-isip at maging mapanuri. Matuwa ka kung dahil sa ‘yo ay tanong na nang tanong mga istudyante mo. Ibig sabihi nito’y nagsisikap silang matuto. Pero depende pa rin sa uri ng tanong nila, kung may sense ba o wala.

6. Pagtahak sa malinaw na direksyon. Kadalasan turo lang tayo nang turo at nakakaligtaan nating ipaliwanag kung para saan ang mga pinag-aaralang mga teorya, pormula at mga termino. Minsan naituro lang natin ang operasyon ng pormula ng skewness sa stat ngunit di natin naibabahagi kung para saan ba ito sa totoong buhay. Kahit magaling na silang mag-compute ng Boyle’s formula, kung di nila alam kung paano ito gagamitin sa aktwal na teknolohiya…    …wala rin itong saysay. Dapat malinaw sa istudyante kung saan ang patutunguhan ng kanyang mga nalalaman.

7. Kasarinlan. Hindi habambuhay ay sa iskul ang mag-aaral. Kaya sa murang idad pa lang ay turuan mo na syang maging resourceful, adaptable at innovative. Makalimutan man nya lahat ng tinuro mo, makakalikha sya ng sariling ideya na baka mas mainam pa sa tinuro mo sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Turuan mo syang tumugon sa hamon ng kanyang kapaligiran at turuan mo syang lampasan ang mga pagsubok ng buhay upang sa huli’y masabi nya sa ‘yo, “Titser, kaya ko na ‘to! Di na kita kelangan sa buhay ko.”

Marami pang mga prosesong pwede nyong idagdag. Nawa kahit papaano’y may nai-ambag din ako sa inyo. At kahit hindi tayo guro, nasa atin pa rin nakaaatang ang tungkulin na magmulat ng ating mga anak, kapatid, kaibigan, kabagang, kabaro at kapanalig. Lugmok na sa kahirapan ang bansa. Nadidimlan na tayo dahil sa panlolokong ginagawa ng goyerno, kapabayaan ng media at mundong nilikha ng konsumerismo. Kung ang sagot mo sa tanong kong “Tister ka ba?” ay “Hindi…    …nawa’y “Oo” ang isagot mo kung may magtanong sa ‘yong “Tutulong ka ba sa pambansang pagmumulat?”

Samakatwid…

Oktubre 20, 2009

AristotleArgumentum ad baculum, argumentum ad miserecordiam, argumentum ad populum at marami pang ibang mga nakakalulang termino ang binuno ko habang nag-aaral ng lohika. Sa kasamaang palad ang tatlong ito lang ata ang naiwan sa kukote ko. Ewan ko ba, hindi ako mapalagay sa mundo ng lohika. Sa lahat ng philo subject, ito ang hindi ko maintindihan. Marahil ay wala akong tiyaga sa mga detalye nito. Gayunpaman, nakapasa ako dito dahil memorized ko ang mga termino at nagkataong mabait ang aming guro.

Tutal hate ko na rin lang ang logic at bobo ako dito, sisiraan ko na siya sa inyo. Pero in fairness, nakapa-systematic at napaka-scientific sya. Maihahalintulad ito sa matematika. Napaka-ganda rin ang depinisyon: “the science of correct thinking.” Wow! Apektado ng depinisyong ito ang kaisipan ng buong mundo. Mantakin mo pag may logic ka ikaw ang matino mag-isip at ang wala nito ay erehe, bopol, sintu-sinto o kaya’y bangag sa droga. Ang humulagpos, makatakas, umalagwa’t lumabas sa bakod ni logic ay nanganganib na mapariwara, mangamote at ituring na isinumpa.

Kung ang matematika ang naging lenguwahe ng agham, ang lohika naman ang naging kasangkapan ng pilosopiya sa paghahanap ng katotohanan sa loob ng humigit kumulang tatlong milenyo. Nagkaroon din ng matematikal na pagpapadaloy sa lohika, na tinawag na symbolic logic. Inumpisan ito ni George Boole at Augustus de Morgan noong ika-19 siglo. Napakaganda ng hatid ng lohika sa sangkatauhan. Tinuruan nito ang mundo na mag-isip sa tamang direksyon, maapuhap ang katarungan at magkaroon ng organisadong pamayanan.

Gayumpaman, may mga bagay tayong hindi napansin tungkol sa epekto ng lohika sa kaisipan ng tao. Hindi ba’t ang lohika ay nakasentro sa kaisipang “tama ako at mali ka?” At dahil mali ka, dapat kang tumahimik, magdusa, mapahiya o kaya’y mamatay. Ang matatalo sa argumento ay itinuturing na walang saysay, walang K sa mundo ng pilosopiya, panget at pinagtampuhan ng tadhana.

Ganito ang naging kaisipan ng sibilisasyong klasiko ng mga Griyego at Romano…   …na nasa kanila lamang ang liwanag. At ang mundo sa labas nila ay tinawag nilang barbaro. At sinakop nila ang mundo sa paniniwalang alipin ito ng kadiliman at sila ang maghahatid dito ng liwanag ng agham at kultura. Ganun ang tingin nila…    …cheap ang kultura ng mga barbaro. Sabagay, pakitaan ba naman ng mga ugaling kanto na walang poise at manners…    …siyempre yun ang iisipin nila.

Sa kulturang Hudyo naman ay tinuring nilang marumi at tinaguriang Hentil ang hindi nila kauri. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang makihalubilo at mag-asawa ng mga hindi yumayakap sa kanilang paniniwala. Ganito rin ang naging kaisipan ng Simbahang Katoliko. Ang mga lumabas sa canon ng kanyang dogma ay tinaguriang mga erehe at kailangang itiwalag, parusahan o kaya’y lipulin. Maging ang Islam at Protestanteng relihiyon ay nasa ganitong disposisyon. Ito ang dahilan ng paglunsad ng mga krusada, jihad at pagdanak ng dugo noong panahon ng repormasyon.

Tila hindi nakakatulong ang lohika sa pandaigdigang pagkakaisa. Sino ba ang totoong humahawak ng katotohanan gayong bawat isa, bawat institusyon at bawat samahan ay naniniwalang sila ang tama? Baka naman iisa rin lang ang tinutukoy at magkaiba lamang ang perspektibo. Sinasabing mong bulok ang manga at sinasabi ko namang hindi gayong pahero tayong tama dahil magkaiba tayo ng anggulo sa pagtingin sa manga. Nakaharap sa ‘yo ang bulok na bahagi ng manga samantalang nakaharap sa akin ang bahaging malinis.

Nang mapagtanto ko ‘to, unti-unti kong iniwan ang tradisyunal sa lohika at pinag-aralan ang proseso ng diyalektika. Dito ko natutunan ang tungkol kasalukuyang kaisipan o “thesis” at ang humahamong kaisipan o “anti-thesis.” Maglalaban ang dalawang magkaibang ideya hanggang mabuo ang pinagsanib na prinsipyo, ang “synthesis.” Sa prosesong ito, kadalasan walang talo at mahihikayat mo pa ang nasa kabilang panig na makiisa at makisangkot sa pagsasakutapan ng ideyang pinag-tagpi. Nga naman, kung i-rekognisa ang karunugan mo…   …ma-bo-boost talaga ego mo at makikisangkot ka sa synthesis.

Sa opinyon ko, dapat igalang ng bawat isa ang magkakaibang lohikang dumadaloy sa bawat bakod ng sariling kaisipan o institusyon. Ang diyalektika ang magbubukas ng pag-uusap upang bigyang-daan ang bagong kamalayan tungkol sa ideya. Dahil bawat isa ay kumbinsido na sila ay tama, bawat isa at may punto. Nagkataon nga lang na iba’t ibang kulturang ang ating ginagalawan at magkaiba ang hamon sa ating mga mundo at institusyon.

Bawa’t isa’y naghahanap sa katotohanan. At bawat isa’y may kanya kanyang interpretasyon ng katotohan. Hindi masama ang ikarangal ang sariling daloy ng lohika ngunit higit na mainam ang makisangkot sa diyalogo. Lahat naman tayo ay may punto. Ang tanging wala sa tamang daloy ng lohika ay ang nagkukunwari sa paghahanap ng katotohanan at yung sarado ang isip. ‘Yun ang mga taong di na kailangang pakinggan at kausapin. Magsasayang ka lang ng oras sa mga ganung uri nilalang.

Ngunit paano mo malalaman kung ang isang tao ay sarado ang isip o nagkukunwari lamang sa pahahanap ng katotohanan? Hmmmmn…    …sa pamamagitan ng…    …LOHIKA. Yun lang…   …kahit hate ko ito, balik pa rin ako sa lohika.

daloy

Liwanag at dilim, babae at lalaki, yin at yang, pasitib at negatib, kape’t katas, asin at paminta, meron at wala, pera at bayong…   …mga magkasulangat na prinsipyo, enerhiya at esensiya ngunit kailangan ang isa’t isa. Ganito rin sa pilosopiya…    …may dalawang magkasalungat: ang silangan at kanluran. Sa kasamaang palad, mas tinangkilik natin ang kanluran. Naisantabi natin ang silangang pinagmulan ng Budismo, Kristiyanismo at Islam. Nawaglit sa isip natin na ito ang kumanlong sa mga naunang sibilisasyon: ang Mesopotamia, Asiria at Tsina.

Napaka-lohikal ng pilosopiyang kanluran. Maka-agham ang pundasyong itinatag ni Socrates na nakumpleto sa metapisika ni Aristotle. Ngunit ang kanlura’y mapanupil. Ito ang naglunsad ng pananakop sa buong mundo na sinimulan ng mga Griyego at Romano. Nagpatuloy ito sa panahon ng mga krusada at lalong lumawak sa panahon ng mga konkistadores na Ingles, Kastila at Pranses. Apektado ng “Organon” ni Aristotle ang kaisipan nilang ang puti ay hindi itim at ang mga erehe ay dapat lipulin. Naimpluwensyahan naman ng materyalismo ni Marx ang mga madugong rebolusyong naniniwalang dapat ibagsak ang naghaharing uri.

Upang mapalawig ang kaunlarang nakamit, isinulong ng kanlurang makinarya ang industriyalisasyon at konsumerismo. Nagsunog ng kilay ang kanyang mga siyentipiko upang gumawa ng bomba atomika, tangke at submarino na mas lalong nagpalawak sa kanluraning imperyo. Umimbento sila ng mga gamot na tadtad sa mga artipisyal na sangkap, mga pestisidyong unti-unti sa ati’y pumapatay at mga plastic na nagkalat na ngayon sa ating mga dagat at gubat. Gayunpaman, nagdulot din ito ng magagandang pagbabagong nagpatingkad sa kasaysayan tulad ng mga kontribusyon ni Galileo, da Vinci at Darwin.

Pinapaniwala ng pilosopiyang kanluran ang sangkatauhan na siya ang ultimong sentro ng uniberso. Ikinintal nya sa tao na siya’y puspos ng kapangyarihan ng agham, na magagawa n’ya ang lahat ng mga imposible sa mundo. At umusad ang sibilisasyon sa pamamagitan ng teknolohiya. Guminhawa ang buhay ng tao sa mga imbensyong tulad ng mga sasakyan, enerhiya at karunungang artipisyal. Umangat ang antas ng ng kaisipan dala ng mga pananaliksik na nakarating hanggang planetang Corot-7b. Dagdag pa dito ang pag-uugnay ng mga kulturang pinaglalayo ng mga dambuhalang karagatan.

Ngunit ano ang kapalit? Ang kakatwang pagbabago ng klima, depresyong nagaganap sa kaloob-looban ng mga nagumon sa sistema, at ang pagkamatay ng mga rehiyonal na kultura. Tila mawawalan ng saysay ang ipinundar na modernong sibilisasyon dahil unti-unting sinisira ng ganti ng kalikasan. Ganti ito dahil masyadong inilayo ng kanlurang imbensyon ang tao sa payak na kapaligirang kanyang kinagisnan. Namulat ngayon ang bagong tao sa mundo ng makina at kompyuter kung saan hindi na kailangang magpagal, kumilos, magtrabaho at mag-isip. Sabagay, bahagi ito ng ebolusyon ng tao. Ngunit ang ebolusyon man ay nangangailan din ng direksyon at kahulugan.

Nakakalunos…    … dahil napaka-tahimik pa rin ng silangan? Siya sana ang magbibigay ng bagong mukha sa nakagandang pagbabago. Tila di na gaanong naririnig ang kahulugan sa likod ng “Dao” ni Lao-Tzu? Kung itinuon lang natin ang ating pag-unlad sa harmoniyang nagpapanatili sa uniberso hindi na sana tayo lumalanghap ng maruming hangin at nalulunod sa di na normal na buhos ng ulan. Marahil ay di pa huli ang pagbabalik natin sa karunungan ng Zen, Talmud, Koran at Prana…    …kahit gumon na tayo sa mga likhang “pangangailangan” na ipinangangalandakan ng telebisyon at internet.

Sa palagay ko’y nagsisimula na rin ang pagtangkilik sa silangang kaisipan dahil sa pagiging popular ngaun ng yoga, acupuncture at tai chi. Ngunit kelangan pa ring marinig ang ibang aspeto nito at ang tugon nito sa hamon ng kasalukuyang panahon. Nangangailangan ang mundo ng anti-thesis upang ibalanse ang sitwasyong politikal, ekonomikal, ekolohikal at teknolohikal ng mundo. Nakakalungkot, dahil sa kanluran pa rin nagmumula ang tawag ng pagbabago lalo na sa usapin ng klima, karapatang pantao at pagsisiyasat ng sarili…   …samantalang nasa silangan ang imbakan ng karunungang magsusulong sa mga ito.

Bakit unti-unting kinakain ng kanluran ang silangan? Bakit pati ang Tsina ay nagkukumahog sa industriyalisasyon habang nagdurusa naman ang kanyang kalikasan? Bakit ang Hapon ay nagsisimula nang mag-palawak ng imperyong ekonomikal sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga mahihirap na bansa? Dahil ba likas sa atin ang mamangha sa mga kagila-gilalas? Marahil ay naniniwala tayong mas superyur ang mga puti sa Asyano pagdating sa lakas at talino. Di lang natin alam na mas may patutunguhan, hindi nakakapinsala at makabuluhan ang ating agham at pilosopiya. Sayang! Tinangkilik natin ang kaisipang nakakamangha ngunit walang kahahantungan.

Tila napakabagal ng ating pagkamulat sa katotohanang ang tinatahak natin pala…    …ay ang nakamamanghang pag-unlad tungo sa unibersal na pagkawasak. Kung igigiit lamang ng silangan ang kanyang lakas at talino, mabibigyang direksyon at mas malalim na kahulugan ang takbo ng ebolusyon ng tao at sibilisasyon. Tulad ng yin at yang, pasitib at negatib, hindi maaaring maghiwalay ang silangan at kanluran…    …kailangan nila ang isa’t isa.

Paano Tumigil Magsulat?

Oktubre 15, 2009

Nanginginig na kamay ko sa pagod,
ayaw nang tumigil isip ko,
namamanhid na daliri ko sa kapipindot ng keyboard,
Namumula na mata ko sa magdamagang harap sa computer.

Napupurga na ako sa kape,
nininerbyos na ako sa dami ng kape,
nangangamoy kape na rin ako.

Pengeng yosi,
nate-tense na ako…
ooops pano ba mag yosi?

Pagod na ako…
parang awa nyo naaaa…
Tarakan nyo ko ng pampakalma!
Ayaw nang tumigil kamay ko sa pagsusulat.
Hindi na ko makatulog huhu.
Kung makatulog man napapanaginipan ko sinusulat ko.
Nag-i-sleep walk ako papunta computer…
upang magsulat pa rin.

Habang kumakain ang isang kamay ko’y hawak ang lapis.
Pag may kausap ako papel at letra ang tingin ko sa mukha nya.
Habang naglalakad pati daan sinusulatan ko,
Nagsasalita pa rin ako mag-isa,
kumakanta mag-isa.
Nag jo-joke at tinatawan ang sariling joke.

Maawa na kayooo!
Tulungan nyo koooo!
Di ko na mapigilan ang magsulat.
Gusto ko nang magpahinga…
gusto nang maging normal uli…
Gusto nang takasan ang kahibangang ito, huhu.

Mula ngayon, isinusumpa ko na ang pagsusulat
dahil sa tangnang pagsusulat na ito…
nawalan na ako ng panahong mag text.

At nawalan din ako ng ka-text.

Paano Ba Magsulat?

Oktubre 14, 2009

Nakatunganga ako sa may hagdan,
nakatingin sa kawalan. Walang pumapasok sa isip ko para isulat.

Bali-bali na ang lapis na hawak ko.
Tambak ang punit-punit na papel sa paanan ko,
wala pa rin akong maisulat.

Inuntog ko na ulo ko sa pader,
halos mapanot ulo ko sa kakakamot,
nakailang beses na rin akong pabalik-balik nang lakad…
wala talaga… wala.

Tumingala ako sa langit,
naghanap ng himala.
Yumuko ako’t tumingin sa lupa,
pilit na umaaninag ng hugis na magpapainog sa aking balintataw.
Nagbasa na ako ng mga libro,
humahanap ng inspirasyon.
Nag-interbyu ako ng mga tao baka makahanap ng konsepto.
Wala pa ring pumapasok sa isip ko.

Para akong tanga.
Parang akong baliw.
Kinakausap ko na ang aking sarili, huhu.
Nag try na rin akong mag-emote,
sinubukan ang iba’t-ibang pose.
Kumakanta na ako mag-isa,
huhu, wala pa rin akong maisulat….

Ahhhh tanginang buhay to!
bat ba wala akong maisulat?
Naubos ko na isang lapad ng lambanog,
nagbasag ng bote,
naghamon ng away
at nasampal ng kapit-bahay…
wala pa rin ako maisip isulat.

Tangna! Tulungan nyo kong sumulat!
Turuan nyo kong sumulat!
Kung hindi papakamatay ako!
Mumultuhin ko kayooooo!!!

Pero ayaw ko pa palang mamatay…
Gusto ko pa ring magsulat…
Ang tanong… kelan?

At kung marunong na akong sumulat…
Pwede na ako mag text nang mag text…
habambuhay.

Bangang Naghihikab

Oktubre 11, 2009

yawn

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.

Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?

Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.

panguyabBakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.

Simula’t Sapul…

Oktubre 9, 2009

Nagsimula ang uniberso mula sa isang payak na materya na napitpit sa bilyung libra kada kubiko pulgada. Kapagdaka’y sumambulat ito at isinilang ang mga galaxy, bituin, quasar at lahat ng mga bagay sa kalawakan. Patuloy ang paglalakbay ng mga bahagi ng sumambulat palayo sa “Cosmic Egg,” ang pinagmulan ng kosmos. Ito ang teorya ng “Big Bang” na pinaniniwalaan ng karamihan sa mga siyentipiko sa mundo.

Sang ayon ako sa teoryang ito ng ebolusyong inorganiko ngunit nababahala ako sa mga siyentipikong nais lumikha ng unang materya na tinawag nilang “Higgs Boson” [ipinangalan kay Peter Higgs]. Lumikha sila ng 6 na bilyung dolyar na makina, ang Large Hadron Collider [LHC], upang natuklasan ang mailap na particle na ‘to. Ang LHC ay inilagak sa 27 km. na lagusang paikot sa lalim na 50-175 metro. Ipinupukol nito ang dalawang magkasalungat sa ikot na proton sa bilis na 99.99999% ng paglalakbay ng liwanag at sa enerhiyang 7 TeV.

Sang-ayon ako sa teorya ni Peter Higgs at sa kanyang kontribusyon sa mundo ng Particle Physics. Ngunit hindi ako naniniwala na malilikha nila ang aktwal na Higgs Boson. Magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natutuklasan ang nasabing particle sa kadahilanang nag-init ang makina. Hindi ako Particle Physicist ngunit sa tingin ko’y hindi sapat ang enerhiyang 7 TeV at bilis ng liwanag upang malikha ang tinawag nilang “god particle.” Hindi sapat ang 6 bilyung dolyar na makina upang maisakatuparan ang atomo na may bilyung atomic mass. Ang teorya ay posible lamang sa larangan ng matematika at hindi pa sa kasalukuyang pisikal na mundo.

kapeMarami nang napatunayan ang siyensiya. Nagawa nito ang mga dati’y tinaguriang imposible. Ngunit magagawa din kaya nilang maisabuhay ang replika ng paglikha? Pagkatapos nito, ano naman ang kasunod? Ang imortalidad? Ang paglalakbay pabalik sa panahon? Masyado nang nalunod sa sariling katalinuhan ang tao. Gusto na yata niyang maging diyos. Pero sige lang, hindi naman lahat ganun. Meron naman kaseng kuntento na sa disenyong matematikal at rasyunal na modelo. Meron namang kuntento na sa kapeng iniinom sa umaga sa paniniwalang siya at ang kape ay iisa lamang noon…    …bilyun bilyong taon na ang nakalilipas.

Magpakatotoo Ka!

Oktubre 6, 2009

Katotohanan…    …isa sa napakahalagang sangkap ng pag-iral. Ngunit, paano natin matatatanto ang rurok ng katotohanan? Sa “Alegorya ng Kweba” ni Plato, inilahad na ang lahat ng nakikita ay hindi ang katotohanan mismo. Ang mga ito ay mga larawan lamang ng totoong mundo, ang “Mundo ng mga Ideya.” Nagsimula ang ideyalismo ni Plato nang makita nya ang gurong si Socrates na tinuruan ang batang walang alam sa matematika. Namangha sya nang matututo ang bata sa pamamagitan lamang ng pagtatanong. Naisip tuloy ni Plato na ang mga ideya ay nasa isip na ng mga tao bago ipanganak at ang tao ay bilanggo ng mga imaheng nakikita na inakala nyang totoo.

Ayon kay Plato, ang hugis [form] ng mga bagay ay nag-lalarawan sa katotohanan na naroon sa “Mundo ng Ideya.” Ang hugis ang sumasagot sa tanong na “Ano yan?” Ito ang esensiya, ang kaanuhan, pagiging ano, ang pagka-ano at ka-kwanan ng mga bagay. Ang gulo ni Plato no? Pero in fairness, henyo sya. Mantakin mo, ito ang isa sa naging pundasyon ng metapisika.

Hindi sang-ayon dito ang mga realist. Ayon sa kanila ang katotohan ay umiiral kahit hindi mo man isipin o pansinin. Nasa labas ng isip ang katotohanan. Ito rin ang paniniwala ni Aristotle, ang istudyante ni Plato. Ayon kay Aristotle, ang isip ng tao ay isang “tabula rasa” o blangkong papel. Dito sinusulat ang katotohanan sa labas ng isip. Samakatwid, sa labas ng kaisipan ang katotohanan at nasasagap lamang nito ng pandamdam.

Dumaan ang mga siglo at naging madugo ang pagtatalo kung nasaan ang katotohan. Nasan nga ba ang katotohanan? Nasa isip ba o nasa labas ng isip? Paano mo masasabi na ang rumaragasang trak papunta sa iyo ay totoo? Papaano kung ito’y guni-guni lamang? Marahil kung mabangga ka na nito, masasabi mong totoo pala ang trak. Maaari namang matapos mabangga ng trak ay ma-alaala mo na bangag ka lang pala sa droga, o nagdidiliryo dahil sa malaria. Sino nga ba ang tama, si Plato o si Aristotle?

Pareho silang tama. Tama si Aristotle na nasa labas ng isip ang katotohanang materyal. At sa pamamagitan ng pandamdam ay nababatid natin ito. Tama rin si Plato tungkol sa hugis. Dahil hindi naman maaaring ipasok ang materya sa utak mo. Siyento porsyento, sargo ito pag nagkataon. Ang hugis na esensiya ng mga bagay lamang ang may kakayanang pumasok sa utak nang walang pinsalang hatid. At ang esensiya ang patunay na ang katotohan ay maaaring umiral kahit walang materya. Ito ang tinatawag ngayong imateryal na pag-iral.

Nga naman, hindi lang ang mga bagay na nakikita ang umiiral. At ang mga bagay na ito ang nakapagpapalaya, nagbubukas ng isip at naglalapit sa atin sa tunay na sarili. Ito ang mga bagay na hindi na saklaw ng siyensiya at matematika, mga bagay na hindi nasusukat ngunit nahahagilap ng pangangatwiran.

Sa pag-usad ng panahon, patuloy pa rin ang paglimi sa misteryong bumabalot sa katotohanan. At marami pang anggulong nakikita sa pagsipat dito. Ngunit sa iba’t ibang pagsipat ay nagkakaroon ng panibagong kahulugan. At maraming pantas na sinasadyang baguhin ang mukha ng katotohanan upang pagsilbihan ang pansariling interes tulad ng pagpapayaman, pagpapalawig ng kapangyarihan at katanyagan. Nakakalungkot na pati ang sining, lathalaan, pulpito at media ay nagagamit sa pagkubli ng mukha ng katotohanan.

Gayunpaman, biniyayaan tayo ng katwiran at konsiyensya upang timbangin ang katotohanang pinamumudmod ng mga naturingang institusyon ng kaalaman. Maging mapanuri. Huwag maging bulag. Kung tayo ay magbubulagbulagan at sasang-ayon na lamang, hindi lalao’t matutulad tayo sa bilanggong nag-enjoy sa kadiliman ng kweba at hindi na nagtangkang lumabas.

Napakahirap ang pagtahak sa pagtuklas ng katotohanan. Matarik ang bangin at nakaamba ang bitag ng huwad na katotohanan. Ngunit isang bagay lamang ang kailangan upang di ka maligaw…   …katapatan sa sarili. Ibig sabihin, magpakatoo ka. Maluwag mong tanggapin kung malabo ang mata mo, kung hindi ka pa tiyak sa ‘yong paghuhusga at kung di na kaya ng IQ mo. Sabagay di mo naman kelangan ng mataas ng IQ para malaman ang katotohanan. Kelangan mo lang na ito’y maramdaman at maunawaan. Dahil ang katotohanan ay dumadaloy sa iyong hininga, gumagapang kasabay ng hadpi ng sugat, sumasayaw sa dahong ihip ng hangin at pumipintig sa likaw ng iyong bituka.

Mararanasan ang katotohanan kahit di mo man isipin ngunit mananatili kang uhaw sa kanya. Sapagkat ang katotohanan ang dahilan ng paggalaw, ang katwiran ng pag-iral, ang sustansiya ng materya at ang prinsipyo ng kaisipan. Siya ang daloy ng uniberso, ang “Dao” ni Lao-Tzu, ang “Logos” ni Heraclitus at ang “Apieron” ni Anaximander. Siya ang siglo ng pagsilang at kamatayan, ng paglago at pagguho. Kahit saan mo ibaling ang iyong paningin, nariyan siya. Sapagkat sa lahat ng meron naroroon siya, at siya ang tinutumbok ng iyong pag-iral. Isipin mo man o hindi naririyan si katotohanan. Ipikit mo man ang iyong mata, sarhan mo man ang iyong pang-unawa. In short, wala syang pake sa ‘yo.

Ngunit sino ang salarin sa kawalan ng katotohanan o kasinungalingan? Ang isip…    …doon nagbabago ang katotohan. Kaya nga ang isyu ng katotohanan ay mas higit na epistemolohikal kesa metapisikal. Bakit isip? Dahil dito siya nayuyupi, naitatago, nababago ang anyo at nababawasan…    …nagiging kapirasong katotohan, mukhang katotohanan, nilutong katotohanan o kaya’y binaliktad na katotohanan. Samakatwid, makasalanan ang isip. Dahil dito namamahay ang kalayaang magpasya. Ngunit kahit sa kalayaan naipapanganak ang kasinungalingan, dito naman bumubukal ang pagka-malikhain.

Nakaka-stress ang pag-hahanap ng katotohanan ngunit nakaka-tanggal ng pagod kapag natagpuan na ito. At ito’y nakakapag-palaya ng kaisipan at ng buong pagkatao. Ngunit ang kalayaan ay napepeke. Subukan mong maglakad-lakad. Marami kang masasalubong na nagkukunwaring malaya. At maaaring kasama ka doon…     …dahil hindi ka nagpakatotoo…    …dahil sinungaling ka, mapagkunwari, ngiting-aso, hunyango, bolero, salamangkero, plastic!

Coconet

Oktubre 4, 2009

coconetIsang agricultural engineer ang naghatid na naman ng karangalan sa bansa sa ginanap na World Challenge 2005. Siya ay si Justino Arboleda, imbentor ng coconet. Ang coconet ay isang uri ng geotextile na gawa sa bunot ng niyog. Pinipigilan nito ang soil erosion na maaaring mag-resulta sa pagguho ng lupa. Tinutulungan din nito ang mga halaman na tumubo upang makatulong sa pagpapalakas ng kapit ng lupa.

Matipid ito dahil kumukuha ito ng pangunahing sangkap mula mula sa katutubong material na tinatapon lamang ng mga magsasaka ng 11 milyong niyog sa bansa taon-taon. Maliban dito nababawasan pa ang produksyon natin ng basura at Carbon mula sa sinunog na bunot sa pamamagitan ng pagresiklo sa mga ito.

Pagkatapos ng panalo ng Coconet sa World Challenge 2005, omorder agad ng malaking bulto ng coconet ang mga bansa sa Europa noong 2006. Sumunod ang mga bansang Sri Lanka, India, China at Japan. Potensyal na bibili rin ang Mongolia na nagnanais tugunan  ang desertipikasyon ng Gobi Desert. Dahil dito lumalago ang negosyo ni Dr. Arboleda, ang Cocogreen, na mayroon nang mahigit 1,600 na manggagawa. Nagsimula ito sa puhunang $10,000 na ibinigay ng Shell, ang major sponsor ng World Challenge 2005.

Nakakamangha ang imbensyong ito at akma sa pangangailangan ng mundo na apektado ng climate change. Dinudumog na ito ng mga bansang may malasakit sa kanilang ekolohiya. Ngunit hindi ba dapat tayong mga Pinoy ang maunang tumangkilik nito? Hindi lang dahil madalas tayong makaranas ng pagguho ng lupa, kundi dahil sa atin nagmula ang teknolohiyang ito. Nawa’y tigilan na natin ang pagtangkilik sa paggamit ng kongkreto sa soil erosion prevention. Mapipigilan na natin ang sakuna sa makakalikasan at matipid na paraan, matutulungan pa nating magkaroon ng trabaho ang maliliit natin mga kababayan.

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

Sustainable tourism in action

The official website of El Nido Resorts' Environment Department

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Walang Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 29 other followers