ImageAng Kweba ng Ille ay matatagpuan sa Barangay New Ibajay. Ito ang pinakamahalagang lugar arkeyolohikal sa El Nido, Palawan. Dito natagpuan ang mga labi ng tao na nabuhay 14,000 taon na ang nakakaraan. Dito rin natagpuan ang mga buto ng tigre na sa kasalukuyan ay wala na sa Pilipinas.

Isa sa mga natuklasan sa Kweba ng Ille ay ang paraan ng paglilibing na tinatawag na ‘cremation’ noong 2005. Ayon kay Dr. Victor Paz, ang lider ng mga arkeyologong naghuhukay sa Ille, maaaring ito ang pinakamatanda sa rehiyong Timog Silangang Asya [South East Asia] at ito ay naganap 7,000 hangang 9,000 taon na ang nakalilipas.

Ayon kay Dr. Paz, ang cremation ay pangalawang paglilibing, tulad ng ginagawa sa kweba ng Manunggul. Ibig sabihin inililibing muna ang namatay saka huhukayin kapag ito ay bulok na. Ang nakitang guhit na marka sa mga buto ay nagpatunay na tinanggal ang natitirang laman sa pamamagitan ng kutsilyong yari sa bato. Pagtapos, ang mga buto ay pipinturan ng pula, susunugin, dudurugin at saka ilalagay sa isang sisidlan. Di pa matukoy ng grupo ni Dr. Paz ang pinaglagyan dahil ito’y natunaw na. Ayon kay sa kanya maaaring ito ay dahon o kaya’y balat ng kahoy.

475972_3364440483388_33790032_oNgayon taon natagpuan ang ika-pitong cremation site. Dahil sa kakulangan ng pondo at panahon hindi natapos ni Myra Lara, isang forensic archaeologist na nakatalaga sa pag-aaral ng cremation sa Ille, ang paghuhukay. Ito ay muling sisimulan sa susunod na taon. At nawa’y maraming pang matuklasan tungkol sa paraan ng paglilibing ng ating mga ninuno.

Banga Ng Idelet

Mayo 9, 2013

Dagdag sa Pagong ng Sinalakan at Mukha ng Pacaldero, may bago na namang tuklas ang mga arkeyologo sa Dewil Valley ngayong taon: ang Banga Ng Idelet. Isa itong bangang may nakaukit na mga kamay at paa ng tao. Ang mga hugis na nabanggit ay nakalagay sa takip ng banga na may sukat ng 8 pulgada ang diameter.

Hindi sinasadya ang pagkakatuklas ng nasabing banga. Natagpuan Ito sa tambak ng lupa mula sa pinaghukayan ng mga ‘treasure hunters’ na naghukay sa kuweba noong 2007. Kasalukuyan noong ibinabalik ng mga arkeyologo ang mga lupa pabalik sa hukay nang ito’y matuklasan.

Ayon kay Dr. Victor Paz, ang lider ng paghuhukay sa lugar, ito’y tinatayang 200-1,500 taon ang tanda. Gayunpaman, ang mas tumpak na sukat ng tanda nito ay malalaman kapag nasuri na Ito sa laboratoryo.

Maliban sa banga, may nakita ring patpat na yari sa kamagong ang grupo. Ayon Kay Dr. Vic, maaaring ginagamit Ito ng mga babaylan sa mga ritwal. Ang nasabing patpat at may tanda na humugit kumulang 80 taon. Kasalukuyan pang inaalam nila Dr. Vic kung Ito ay pag- aari ng huling babaylan ng Dewil na namatay noong dekada 80.

20130425-205740.jpg

Luwad

Pebrero 25, 2013

cropped-kalug-0151.jpgSa mundo ng mga arkeyologo, ang bangang yari sa luwad ang madalas nilang makatagpo maliban sa mga buto ng tao. Iba’t ibang hugis ang luwad, naglalarawan ito ng paniniwala at kaugalian ng grupo ng mga taong namuhay mula sa panahon ng bato hanggang sa panahaon ng metal. At ayon kay Dr. Victor Paz, naglalarawan din ito ng kanilang pagtingin sa kosmolohiyang kanilang ginagalawan.

Pero ano pa ba ang nakapaloob sa bangang luwad? Ito’y isang lagom ng imahinasyon, pagnanasa at pangangailangan. Mga pangangailangang kumain, uminom, matuto, sumamba at maniwal sa kabilang buhay.

Sa bawat kultura, may naiibang mukha ang luwad tulad ng bangang Maitum ng Saranggani, Bangang Manunggul Quezon, Palawan, Banga ng Sinalakan ng New Ibajay, El Nido at Bangang Naghihikab ng Isla ng Leta-Leta, El Nido. Kaya hindi biro halaga nito sa larangan ang arkeyolohiya at antropolohiya dahil dito natin nasasalamin ang kanilang pagsamba, paraan ng paglilibing at mapanuring mata.

Dahil artifak na lamang ang ating namamasdan, ang mga bangang yari sa luwad at paksa rin ng pagtatalo kung ano nga ba talaga ang gamit nito o kaya’y ano ang kahulugan ng hugis nito. Kung magkaiba man ang mga opinyon ng mga akeyologo, isa lang bagay ang tiyak – nakamamangha ang bawat disenyo.

Pagong Ng Sinalakan

Abril 25, 2012

Taong 2004, natagpuan ni Dr. Jun Cayron ang isang kakaibang artifak na hugis pagong. Nagbigay ito ng bagong pang-unawa sa pagtingin ng mga sinaunang taong tumira sa Dewil Valley tungkol sa kanilang kapaligiran. Ang Dewil Valley ay matatagpuan sa New Ibajay, El Nido, Palawan. Ito ang kinaroonan ng mga mahahalagang archaeological sites tulad ng Kuweba ng Ille, Kuweba ng Sinalakan at Kuweba ng Pasimbahan.

Kamakailan lamang natagpuan ng grupo ni Dr. Victor Paz, ang namumuno sa taunang paghuhukay sa Dewil Valley, ang isang artifak na hinihinalang paa ng “Pagong ng Sinalakan.” Dahil dito nagkaroon ng opinyon si Dr. Paz na hindi pagong ang nasabing banga kundi isang ibon. Ngunit hindi sinang-ayunan ni Dr. Helen Lewis ang kanyang mungkahi. Iginiit niyang pagong talaga ito sapagkat lubhang halata ang hugis nito at ang mga labi ng pagong sa kuweba ng Sinalakan ay nagpapatibay na pagong nga ang nasabing artifak.

Hati man ang pananaw ng mga arkeyologo pagdating sa kung pagong o ibon ang artifak, nagkasundo naman sila na mapagmasid nga ang ating mga ninuno sa kosmolohiyang kanilang ginagalawan sa loob at labas ng kuweba at ang natatanging hugis ng banga ay matatagpuan lamang sa bahaging ito ng Pilipinas.

Ikaw, anong tingin mo sa artifak, pagong o ibon?

Taym Trabel

Nobyembre 25, 2011

Saan na nga ba tayo dinala ng Theory of Special Relativity ni Einstein? Mukhang ang agham ay napupunta na sa Hollywood style science fiction. Ito ang patok sa mga movies: time travel, wormhole, multiverse at marami pang iba na pawang mula sa mga teorya ni Albert Einstein.

Tungkol sa paglalakbay sa panahon papuntang nakalipas o kaya’y sa hinaharap, sinabi Einstein na kapag nakapaglakbay ang bagay sa bilis ng liwanag, bumabagal ang oras. Aba, kahit wala pang pruweba ay tinanggap ito agad ng maraming mga siyentipiko. At ayon pa kay Einstein, ang uniberso ay maraming dimension, ito ang tinawag niyang ‘multi-verse.’ Maaari daw sa ibang uniberso ay iba ang napangasawa mo o kaya’y sa ibang kumpanya ka nakapagtrabaho. Kaya nga kapag nakapaglakbay ka sa bilis ng liwanag nabubuksan ang ibang dimension ng uniberso at makakapaglakbay ka sa oras.

Sapat na ba ang matematika upang sampalatayanan natin ang kultong itinayo ni Einstein?Tila ito relihiyon na umaasa sa luwalhati na paglalakbay sa oras sa hinaharap. Ang tanong: totoo nga ba ang time travel? Kung sa konsepto ni Einstein ay hindi pa natin malalaman sa ngayon. Tingnan natin sa hinaharap kung makaka-imbento sila. Sa palagay ko’y hindi.

Ngunit ang time travel ay nangyayari na sa ngayon. Ows? Promise, sa pag-usad ng arkeyolohiya, paleontolohiya at forensic science ay nakapaglalakbay na tayo pabalik sa nakalipas. Nailalarawan sa atin ang mundo milyong taon na ang nakalilipas. Nalulutas ang mga krimen dahil sa aplikasyon ng forensic science sa imbestigasyon ng pulisya. Nakapaglalakbay din tayo papuntang hinaharap sa pagka-imbento ng matematikal na pormula ng probability, statistical forecasting at ng computer simulations. Nahuhulaan na natin ang pag-ulan, paglakas ng hangin at direksyon ng bagyo sa pamamagitan ng lente ng mga satellite.

Hindi nga lang pisikal na paglalakbay ngunit ang kaalaman ay naglalakbay sa panahon at ito’y ating napapakinabangan. Siguro panahon na upang itigil na natin ang pagpapantasya na magiging kaganapan ang mga napapanood natin sa mga sine. Hayaan na lang natin na tayo’y maaliw. Pagyamanin natin kung ano ang meron na at paunlarin natin. Kung talagang maiimbento ang time machine, darating din yan. Kung hindi, malamang tama ang hinala ko.

Bangang Naghihikab

Oktubre 11, 2009

yawn

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.

Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?

Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.

panguyabBakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

Sustainable tourism in action

The official website of El Nido Resorts' Environment Department

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Walang Diyos o Relihiyon)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 28 other followers