Hudyat
Enero 7, 2011
Ipagdiinan ko man
Ang pagtupad ng hangin
Sa direksyong itinakda ng unos,
Hindi maikaila ang pagtanggi
At pagbabagong hugis.
Basag na ang latang
Gumugulong sa bitak-bitak na kalsada;
Maligagam na ang patak ng luha
Sa pisngi ng nakaupong matanda.
Isa-isang lumalagpak ang mga butil ng palay
Sa lupang hindi na kailanman bubungkalin;
Makulimlim na ang dapithapon
Habang inaawit ko ang himig ng pagpanaw.
Walang humpay kong tutugtugin ang aking gitara
Hanggang sa tumigas na ang aking panga,
Hanggang sa mapudpod na ang aking daliri,
Hanggang sa mabasag na ang aking lalamunan.
At kung wala nang lirikong mamutawi sa aking bibig,
Basahin mo na lang ang aking isip.
Gawin mong salamin ang aking mga mata
At bilangin ang ritmo ng aking paghinga.
At Kapag umagos ng ang dugo sa aking dila,
Silaban mo na ang tumpok ng kahoy
Na pinagtiyagaan kong tipunin…
…Noong uso pa ang tag-araw.
Huwad Na Hugis
Enero 6, 2011
Naglalakad kang walang humpay.
Suot ang isang maskara,
Sa mga kalye ng Bacolod.
Hindi naman nagsasaya,
Naghahagilap lang ng sarili
Sa mga hugis na nakasabit sa dingding
Apuhap ang pintig,
Gagap ang kamalayang
Minsang nanahan sa nakamaskarang ulirat.
Ramdam mo ang sarili
Sa mga avatar na nakabitin.
Nasa kaliwa ang pagkatulig,
Sa pagsasayang walang laman.
Nasa kanan ang iskeptisismo
Sa mga ngiting nagdaraan.
Kung sa pagsapit mo sa dulo ng daan
Ay muling marinig ang kakilanlan
Sa sarili mong buto at laman,
Lingunin mo naman ako,
Isang perdibleng nakasabit sa dingding,
Tangan ang mga hugis na nakabandera…
…sa mga maskarang nagdaraan.
Paano Di Matawag Na Panget?
Disyembre 14, 2009
Pagdating sa usapin ng sining, abala ang mga artista sa pagpapalabas ng kagandahan, kahulugan, katatawanan, kaartehan, damdamin at kung anu-ano pang pwedeng ilabas mula sa kanilang mga obra. Merong humahagilap ng kasagutan mula sa sariling pagsisikap, meron naman mula sa karanasan at ang iba naman ay naglalaan ng pera at panahon sa pag-aaral. Pero ano ba talaga ang basehan ng kagandahan?
Sa mga pinalad na nakapag-aral sa mga pamantasan at dalubhasaan, siyempre lalabas diyan ang balance, depth, harmony, proportion, hue at iba pang mga sukatang itinakda ng estitika. Diyan mo na rin mararanasan na unti-unti ka nang naglalaway at nahuhumaling sa mga obra ni Mozart, Picasso at Shakespeare na dati’y di mo pinapansin o kaya’y binabato ng makahulugang hikab. At mapapansin mo na lang na nasusuka ka na kapag naririnig mo ang kantang Osto-Otso, Totoy Bibo at Spaghetting Pababa na dati’y feel na feel mo pang sayawin.
Kung wala ka namang pera o panahong mag-aral ng sining o kaya’y wala ka talagang intensyong magpaka-dalubhasa, mapapansin mo na lamang na kusa pa ring lumalabas sa iyo ang sining. Habang ikaw ay nagtuturo, bigla na lang makakaisip ka ng joke na patok sa mga istudyante. Habang nag-aararo sa bukid mapapansin mo na lang bigla na magkakaroon ng magandang hugis ang lupang binungkal. Minsan ay mapapakanta ka ng ala-Luciano Pavarotti kapag nabagsakan ng maso ang iyong paa. Ngunit dahil hindi mo talaga mundo ang paggawa ng arte ay wala ka ring panahon upang kunsultahin ang mga institusyon kung tama ba o nasa pamantayan ang iyong nagawang sining nang di sinasadya.
Gayunpaman, alam mo na ang mga ito’y nakakatulong sa pagpapahayag mo ng saloobin o kaya’y paglalabas ng napaka-tinding emosyon. Alam mo ring dahil dito’y nailalabas mo ang stress mula sa trabaho, tensiyon mula sa mga problema at depresyon dala ng pagkamatay ng itong tuta. Minsan ay batid mo ring naililigtas ka nito mula sa tendency mo na masiraan ng tuktok dahil sa wala kang mautangan o dahil sa kaiisip kung nauna ba talaga ang itlog sa manok.
Maging ang masa ay may tinatangkilik na sining. Gaano man kababaw ang pagtanaw dito ng mga intelektwal, sining pa rin itong kanilang tinitingala. Dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng aliw, aliw na maaaring minsa’y nagsisilbing pampamanhid sa kahirapang nararamdaman. Gayunpaman, meron din namang mga piyesang patok sa masa ngunit kapupulutan ng aral at minsa’y nagmumulat ng isip. Ang ang mga piyesang ito’y bihira mong makita sa merkadong umiinog lamang sa paksa ng ligawan, karahasan at katatawanan.
Habang umuusad ang sining ng kabihasnan, tahimik na nag-a-agaw-buhay ang katutubong arte sa mga pusod ng gubat. Dahil nangangabulok ang mga dahon at balat ng kahoy na nagtaglay ng mga liriko, kwento at guhit nila, umaasa na lamang ang pananatili nito sa pagsasalin-salin sa mga dila ng henerasyon. Mabuti na lamang at hindi nabubulok ang kanilang mga gawang yari sa luwad. Walang hugis, walang sinusunod na batas at walang merkadong nagtatanyag… …ngunit mayaman sa ekspresyon, malayang pag-iisip at walang bahid ng pagkukunwari. Sa paglipas ng panahon ay nanatili itong tapat sa pagnanais na papurihan ang higit na nakakataas na pag-iral at i-respeto ang kalikasang kanilang kinagisnan.
Sa pagsipat mula sa mga ibat-ibang perspektiba ng pagtingin sa sining, naguguluhan na ako kung saan sa mga ito ang tamang pamantayan ng sining upang masabi na maganda o panget ang isang gawa. Nangangamba na kase ako na tawaging panget ang aking gawa. Baka lalong bumaba ang aking self-esteem. Baka hindi na ako magpatuloy sa pagpinta, pagsusulat at paglikha ng awit. Baka isang araw ay may dalubhasang pumuna sa sa aking mga obra.
Mga obrang hitik sa diwa ng pamantasan, mga gawang kusang lumabas lamang dala ng pangangailangan o mga ekspresyon ng payak na pakikipagniig sa kalikasan… …sino nga ba ang totoo sa mga ito? Saan ako papanig? Nagsisimula na akong magpanic. Hindi na ako makakain. Hindi na rin ako makatulog. Para na akong sinapak sa laki ng aking aybags. Pinagpapawisan na ako nang malagkit. Namumutla na ang aking mga labi. Pang gustong kong sumigaw ng “Saklolo!”
Gayunpaman, may positibong enerhiya akong nararamdaman sa kasalukuyan. Dahil natututunan ko nang i-appreciate… …ang mga likha ni Fanny Seranno, Pitoy Moreno at Boy Abunda.
Bangang Naghihikab
Oktubre 11, 2009

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.
Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?
Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.
Bakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.







