Nakakamangha Ngunit Para Saan?

Oktubre 16, 2009

daloy

Liwanag at dilim, babae at lalaki, yin at yang, pasitib at negatib, kape’t katas, asin at paminta, meron at wala, pera at bayong…   …mga magkasulangat na prinsipyo, enerhiya at esensiya ngunit kailangan ang isa’t isa. Ganito rin sa pilosopiya…    …may dalawang magkasalungat: ang silangan at kanluran. Sa kasamaang palad, mas tinangkilik natin ang kanluran. Naisantabi natin ang silangang pinagmulan ng Budismo, Kristiyanismo at Islam. Nawaglit sa isip natin na ito ang kumanlong sa mga naunang sibilisasyon: ang Mesopotamia, Asiria at Tsina.

Napaka-lohikal ng pilosopiyang kanluran. Maka-agham ang pundasyong itinatag ni Socrates na nakumpleto sa metapisika ni Aristotle. Ngunit ang kanlura’y mapanupil. Ito ang naglunsad ng pananakop sa buong mundo na sinimulan ng mga Griyego at Romano. Nagpatuloy ito sa panahon ng mga krusada at lalong lumawak sa panahon ng mga konkistadores na Ingles, Kastila at Pranses. Apektado ng “Organon” ni Aristotle ang kaisipan nilang ang puti ay hindi itim at ang mga erehe ay dapat lipulin. Naimpluwensyahan naman ng materyalismo ni Marx ang mga madugong rebolusyong naniniwalang dapat ibagsak ang naghaharing uri.

Upang mapalawig ang kaunlarang nakamit, isinulong ng kanlurang makinarya ang industriyalisasyon at konsumerismo. Nagsunog ng kilay ang kanyang mga siyentipiko upang gumawa ng bomba atomika, tangke at submarino na mas lalong nagpalawak sa kanluraning imperyo. Umimbento sila ng mga gamot na tadtad sa mga artipisyal na sangkap, mga pestisidyong unti-unti sa ati’y pumapatay at mga plastic na nagkalat na ngayon sa ating mga dagat at gubat. Gayunpaman, nagdulot din ito ng magagandang pagbabagong nagpatingkad sa kasaysayan tulad ng mga kontribusyon ni Galileo, da Vinci at Darwin.

Pinapaniwala ng pilosopiyang kanluran ang sangkatauhan na siya ang ultimong sentro ng uniberso. Ikinintal nya sa tao na siya’y puspos ng kapangyarihan ng agham, na magagawa n’ya ang lahat ng mga imposible sa mundo. At umusad ang sibilisasyon sa pamamagitan ng teknolohiya. Guminhawa ang buhay ng tao sa mga imbensyong tulad ng mga sasakyan, enerhiya at karunungang artipisyal. Umangat ang antas ng ng kaisipan dala ng mga pananaliksik na nakarating hanggang planetang Corot-7b. Dagdag pa dito ang pag-uugnay ng mga kulturang pinaglalayo ng mga dambuhalang karagatan.

Ngunit ano ang kapalit? Ang kakatwang pagbabago ng klima, depresyong nagaganap sa kaloob-looban ng mga nagumon sa sistema, at ang pagkamatay ng mga rehiyonal na kultura. Tila mawawalan ng saysay ang ipinundar na modernong sibilisasyon dahil unti-unting sinisira ng ganti ng kalikasan. Ganti ito dahil masyadong inilayo ng kanlurang imbensyon ang tao sa payak na kapaligirang kanyang kinagisnan. Namulat ngayon ang bagong tao sa mundo ng makina at kompyuter kung saan hindi na kailangang magpagal, kumilos, magtrabaho at mag-isip. Sabagay, bahagi ito ng ebolusyon ng tao. Ngunit ang ebolusyon man ay nangangailan din ng direksyon at kahulugan.

Nakakalunos…    … dahil napaka-tahimik pa rin ng silangan? Siya sana ang magbibigay ng bagong mukha sa nakagandang pagbabago. Tila di na gaanong naririnig ang kahulugan sa likod ng “Dao” ni Lao-Tzu? Kung itinuon lang natin ang ating pag-unlad sa harmoniyang nagpapanatili sa uniberso hindi na sana tayo lumalanghap ng maruming hangin at nalulunod sa di na normal na buhos ng ulan. Marahil ay di pa huli ang pagbabalik natin sa karunungan ng Zen, Talmud, Koran at Prana…    …kahit gumon na tayo sa mga likhang “pangangailangan” na ipinangangalandakan ng telebisyon at internet.

Sa palagay ko’y nagsisimula na rin ang pagtangkilik sa silangang kaisipan dahil sa pagiging popular ngaun ng yoga, acupuncture at tai chi. Ngunit kelangan pa ring marinig ang ibang aspeto nito at ang tugon nito sa hamon ng kasalukuyang panahon. Nangangailangan ang mundo ng anti-thesis upang ibalanse ang sitwasyong politikal, ekonomikal, ekolohikal at teknolohikal ng mundo. Nakakalungkot, dahil sa kanluran pa rin nagmumula ang tawag ng pagbabago lalo na sa usapin ng klima, karapatang pantao at pagsisiyasat ng sarili…   …samantalang nasa silangan ang imbakan ng karunungang magsusulong sa mga ito.

Bakit unti-unting kinakain ng kanluran ang silangan? Bakit pati ang Tsina ay nagkukumahog sa industriyalisasyon habang nagdurusa naman ang kanyang kalikasan? Bakit ang Hapon ay nagsisimula nang mag-palawak ng imperyong ekonomikal sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga mahihirap na bansa? Dahil ba likas sa atin ang mamangha sa mga kagila-gilalas? Marahil ay naniniwala tayong mas superyur ang mga puti sa Asyano pagdating sa lakas at talino. Di lang natin alam na mas may patutunguhan, hindi nakakapinsala at makabuluhan ang ating agham at pilosopiya. Sayang! Tinangkilik natin ang kaisipang nakakamangha ngunit walang kahahantungan.

Tila napakabagal ng ating pagkamulat sa katotohanang ang tinatahak natin pala…    …ay ang nakamamanghang pag-unlad tungo sa unibersal na pagkawasak. Kung igigiit lamang ng silangan ang kanyang lakas at talino, mabibigyang direksyon at mas malalim na kahulugan ang takbo ng ebolusyon ng tao at sibilisasyon. Tulad ng yin at yang, pasitib at negatib, hindi maaaring maghiwalay ang silangan at kanluran…    …kailangan nila ang isa’t isa.

4 Tugon to “Nakakamangha Ngunit Para Saan?”

  1. bagongpananaw Says:

    Napakaliwanag naman po ng inyong pagtatalakay… Ang ganitong mga kaisipan ang kailangan upang tulong-tulong na maimulat ang mga Pilipino at sangkatauhan sa TUNAY na halaga ng buhay…
    Isang katanungan lamang po… Ano sa inyong palagay ang maaari nating gawin?

    Maraming Salamat po…

    • brokenform Says:

      mungkahi ko po ay magkaisa tayong mga taga-silangan. bumuo tayo ng anti-thesis [kinapapalooban ng ating mga kaisipan, agham, sining at pilosopiya] na hahamon sa naghaharing thesis ng kanluran.

      ang mabubuong synthesis ay tiyak na magbibigay ng direksyon sa kasalukuyan takbo ng pag-unlad lalo sa sa usapin ng climate change, pulitika, teknolohiya at ekonomiya.

      matagal natulog ang silangan. panahon na upang marinig ang kanyang tinig lalo sa ating bansang naghihingalo at lango sa kanlurang idea.

  2. tomagulto Says:

    aba, walang pumipigil sa silangan na mag-abuloy ng makaagham na kaisipan, kung nakikita nating may kalabisan at pagkukulang ang kanluran, wag sana naman tayong maging kontra-kanluran… hikayatin natin ang iisang mundo sa pagsulong ng agham para mabigyan natin ng gusto nating direksyon ang ebolusyon,

    sapagkat namamalayan na natin ang ebolusyon na kusang gumagalaw sa ayaw natin at sa gusto, meron tayong bunos na kayamanang bunga ng ating isip at kultura – patalimin natin ang ating isip at inistyatiba sa pagbibigay ng direksyon sa ebolusyon, tama ka sa pagbuo ng anti-thesis p sabayan natin at himukin ang sangkatauhan na tuklasin ang mabuti para sa mundo, sa silangan at sa kanluran.

    • brokenform Says:

      isang magandang mungkahi po ang pagtutulungan ng magkabilang panig ng daigdig upang bigyan ng direksyon ang agham at teknolohiya… …nwa’y mging bukas ang isa’t isa sa kritika…


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

El Nido Resorts Environment Department

Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Walang Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.

%d bloggers like this: