Samakatwid…

Oktubre 20, 2009

AristotleArgumentum ad baculum, argumentum ad miserecordiam, argumentum ad populum at marami pang ibang mga nakakalulang termino ang binuno ko habang nag-aaral ng lohika. Sa kasamaang palad ang tatlong ito lang ata ang naiwan sa kukote ko. Ewan ko ba, hindi ako mapalagay sa mundo ng lohika. Sa lahat ng philo subject, ito ang hindi ko maintindihan. Marahil ay wala akong tiyaga sa mga detalye nito. Gayunpaman, nakapasa ako dito dahil memorized ko ang mga termino at nagkataong mabait ang aming guro.

Tutal hate ko na rin lang ang logic at bobo ako dito, sisiraan ko na siya sa inyo. Pero in fairness, nakapa-systematic at napaka-scientific sya. Maihahalintulad ito sa matematika. Napaka-ganda rin ang depinisyon: “the science of correct thinking.” Wow! Apektado ng depinisyong ito ang kaisipan ng buong mundo. Mantakin mo pag may logic ka ikaw ang matino mag-isip at ang wala nito ay erehe, bopol, sintu-sinto o kaya’y bangag sa droga. Ang humulagpos, makatakas, umalagwa’t lumabas sa bakod ni logic ay nanganganib na mapariwara, mangamote at ituring na isinumpa.

Kung ang matematika ang naging lenguwahe ng agham, ang lohika naman ang naging kasangkapan ng pilosopiya sa paghahanap ng katotohanan sa loob ng humigit kumulang tatlong milenyo. Nagkaroon din ng matematikal na pagpapadaloy sa lohika, na tinawag na symbolic logic. Inumpisan ito ni George Boole at Augustus de Morgan noong ika-19 siglo. Napakaganda ng hatid ng lohika sa sangkatauhan. Tinuruan nito ang mundo na mag-isip sa tamang direksyon, maapuhap ang katarungan at magkaroon ng organisadong pamayanan.

Gayumpaman, may mga bagay tayong hindi napansin tungkol sa epekto ng lohika sa kaisipan ng tao. Hindi ba’t ang lohika ay nakasentro sa kaisipang “tama ako at mali ka?” At dahil mali ka, dapat kang tumahimik, magdusa, mapahiya o kaya’y mamatay. Ang matatalo sa argumento ay itinuturing na walang saysay, walang K sa mundo ng pilosopiya, panget at pinagtampuhan ng tadhana.

Ganito ang naging kaisipan ng sibilisasyong klasiko ng mga Griyego at Romano…   …na nasa kanila lamang ang liwanag. At ang mundo sa labas nila ay tinawag nilang barbaro. At sinakop nila ang mundo sa paniniwalang alipin ito ng kadiliman at sila ang maghahatid dito ng liwanag ng agham at kultura. Ganun ang tingin nila…    …cheap ang kultura ng mga barbaro. Sabagay, pakitaan ba naman ng mga ugaling kanto na walang poise at manners…    …siyempre yun ang iisipin nila.

Sa kulturang Hudyo naman ay tinuring nilang marumi at tinaguriang Hentil ang hindi nila kauri. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang makihalubilo at mag-asawa ng mga hindi yumayakap sa kanilang paniniwala. Ganito rin ang naging kaisipan ng Simbahang Katoliko. Ang mga lumabas sa canon ng kanyang dogma ay tinaguriang mga erehe at kailangang itiwalag, parusahan o kaya’y lipulin. Maging ang Islam at Protestanteng relihiyon ay nasa ganitong disposisyon. Ito ang dahilan ng paglunsad ng mga krusada, jihad at pagdanak ng dugo noong panahon ng repormasyon.

Tila hindi nakakatulong ang lohika sa pandaigdigang pagkakaisa. Sino ba ang totoong humahawak ng katotohanan gayong bawat isa, bawat institusyon at bawat samahan ay naniniwalang sila ang tama? Baka naman iisa rin lang ang tinutukoy at magkaiba lamang ang perspektibo. Sinasabing mong bulok ang manga at sinasabi ko namang hindi gayong pahero tayong tama dahil magkaiba tayo ng anggulo sa pagtingin sa manga. Nakaharap sa ‘yo ang bulok na bahagi ng manga samantalang nakaharap sa akin ang bahaging malinis.

Nang mapagtanto ko ‘to, unti-unti kong iniwan ang tradisyunal sa lohika at pinag-aralan ang proseso ng diyalektika. Dito ko natutunan ang tungkol kasalukuyang kaisipan o “thesis” at ang humahamong kaisipan o “anti-thesis.” Maglalaban ang dalawang magkaibang ideya hanggang mabuo ang pinagsanib na prinsipyo, ang “synthesis.” Sa prosesong ito, kadalasan walang talo at mahihikayat mo pa ang nasa kabilang panig na makiisa at makisangkot sa pagsasakutapan ng ideyang pinag-tagpi. Nga naman, kung i-rekognisa ang karunugan mo…   …ma-bo-boost talaga ego mo at makikisangkot ka sa synthesis.

Sa opinyon ko, dapat igalang ng bawat isa ang magkakaibang lohikang dumadaloy sa bawat bakod ng sariling kaisipan o institusyon. Ang diyalektika ang magbubukas ng pag-uusap upang bigyang-daan ang bagong kamalayan tungkol sa ideya. Dahil bawat isa ay kumbinsido na sila ay tama, bawat isa at may punto. Nagkataon nga lang na iba’t ibang kulturang ang ating ginagalawan at magkaiba ang hamon sa ating mga mundo at institusyon.

Bawa’t isa’y naghahanap sa katotohanan. At bawat isa’y may kanya kanyang interpretasyon ng katotohan. Hindi masama ang ikarangal ang sariling daloy ng lohika ngunit higit na mainam ang makisangkot sa diyalogo. Lahat naman tayo ay may punto. Ang tanging wala sa tamang daloy ng lohika ay ang nagkukunwari sa paghahanap ng katotohanan at yung sarado ang isip. ‘Yun ang mga taong di na kailangang pakinggan at kausapin. Magsasayang ka lang ng oras sa mga ganung uri nilalang.

Ngunit paano mo malalaman kung ang isang tao ay sarado ang isip o nagkukunwari lamang sa pahahanap ng katotohanan? Hmmmmn…    …sa pamamagitan ng…    …LOHIKA. Yun lang…   …kahit hate ko ito, balik pa rin ako sa lohika.

6 Tugon to “Samakatwid…”

  1. bagongpananaw Says:

    Mapitagang Gabi po Ginoo,

    Napakatalas po ng inyong isip… lohikal na lohikal ang dating. Tunay na simula’t sapol ay napakailap ng katotohanan, tunggalian dito, tunggalian doon… kahit na kung minsan ay maliit na bagay lamang ay nagiging tingining malaki dahil sa tunggalian.
    Tunay naman pong bawat isa ay may punto, bawat isa ay nag-iisip ng tama ayon sa kanilang kaisipan… at sabi n’yo nga ay mabisang paraan upang maiwasan ang tunggalian ay diyalektiko o diyalektika.
    Nais ko lamang pong malinawan, ang diyalektika na po ba ang katotohanan o ito ay isang kasangkapan lamang sa paghahanap ng katotohanan?
    Kung ito na po ang katotohanan, ito po kaya ang nagbigay liwanag kina Kristo at Gautama Buddha sa inabot nilang antas. (Sa akin po kasing opinyon ay dalawa po sila sa mga nagliwanag na kaisipan sa ating sangkatauhan… kasama sina Kung-fu-tze Lao-Tzu). Katulad po ng sinabi ninyo na kani-kaniya lamang ng punto o pananaw.
    Kung hindi pa po ito ang katotohanan, mayroon na po ba kayo o tayo na konsepto ng katotohanan na pwedeng upuan at gamitan ng diyalektika?

    Magandang Gabi po sa inyo,
    isko ng bagongpananaw

  2. brokenform Says:

    Maraming salamat po…

    Ang diyalektika po isa lamang kasangkapan upang marating ang katotohanan. Hindi po ito ang katotohanan mismo.

    Sa ganang akin ay napakalawak ng katotohanan na walang institusyon, relihiyon o pilosopiya ang maaaring umangkin dito. Kelangan po taLaga ng diyalogo upang malaman natin ang mga perspektibo nito. Sa kalaunan ay matatanto natin na tayo pala ay tumitingin sa iisang substansiya ng katotohanan ngunit iba’t ibang perspektibo.

    At pinag-awayan ang pagkakaiba ng pespektibo sa pag-usad ng mga siglo at nailunsad ang krusada , jihad, repormasyon at iba pang mga digmaan.

    Si Buddha, Lao Tzu, Cong Fu tse, Socrates at Kristo ay gumamit ng diyalektiko. Sila ay matagumpay na naglatag ng anti-tesis kuntra umiiral na tesis ng kanilang panahon. At ang anti-tesis nila ay naghamon at hinamon ng kasaysayan, kalikasan, dumanas ng liwanag at dilim, tagumpay at pagkagapi. Sa huli, umepekto ito sa kaisipan ng mundo.

    Sa opinyon ko po, ang nagliwanag po kina Buddha, Lao Tzu, Cung Fu tse, Socrates at Kristo ay hindi ang diyaletika mismo kundi ang tapat na paghahangad na makamit ang katotohanan mismo. At ito ay nababatid ng mga nakakarinig…

    Kung sa konsepto ng katotohanan naman ay wala po akong mailahad kundi ang sarili ko ring perspektibo. Napakalawak po nito at ako ay nagnanais din makamit ito sa pamamagitan ng diyalektika kasama ng mga naghahanap din dito, kaiba man ang pananaw…


  3. sa inyo pong dalawa – bagong pananaw at brokenform,

    ano naman po ang masasabi ninyo sa tinatawag nilang diyalektiko materyalismo na sinasabi ng iba na pinakamataas na antas ng pilosopiya?

    • brokenform Says:

      madugo po ang diyalektikong materyalismo dahil ang sagupaang tesis at anti-tesis ay parehong sa lebel ng pwersang mental at materyal. rebolusyon ang kahahatungan dito upang mabuo ang sythesis.

      pagdating sa epekto mas malaki ang hatid nito sa lipunan. hindi po ako sang-ayon sa pinakamataas dahil sa ibang larangan ay malaki rin ang naibabahagi ng ibang prosesong lohikal tulad ng diyalektikong lohikal [sa larangan ng edukasyon], synopsis at induction [sa pag-usad naman ng agham]

    • bagongpananaw Says:

      Tunay po ang tinuran ni brokenform… MADUGO NGA PO ANG DIYALEKTIKONG MATERYALISMO…

      Subalit hindi naman po nangangahulugang ang pinal na hantungan nito ay ang pisikal na digmaang nakagisnan na natin. Sa atin pong kasaysayan, pag binanggit na digmaan ay karahasang pisikal ng magkatunggaling pwersa ang ating natunghayan. Ito po ang paraan ng barbarismo na hanggang sa kasalukuyan ay pinapanatili pa din ng sistemang merkantilismo-komersiyalismo-imperialismo.

      Katulad din po ng sinabi ni brokenform (pasensya na po at ginawa ko pang sangkalan ang argumento ninyo…) may ibang larangan na mukhang hindi yata napagtutuunan ng pansin, partikular ang larangan ng edukasyon.

      Isa pong aktwal na proseso ng dialektikong materyalismo (thesis – antithesis – synthesis) na hindi madugo ang tunggalian ng pagka-mangmang (thesis), pagsusuri at/o pag-aaral (antithesis), ang pagkatuto (synthesis).

      May bahid din po ito ng dugo, subalit hindi kailangang dumanak. Sa punto po na kailangang magpuyat at magpakahirap sa pagsasaliksik ay dugo (at hindi pawis dahil ang pawis ay epekto lamang ng paggamit ng enerhiya) ang ating puhunan… Sarili nating dugo na nagpapatakbo sa ating katawan.

      Ang punto ko po ay… ang Diyalektiko Materyalismo ay mas higit na dapat magmula muna sa sarili… keysa sa anupaman. Mas una ang EDUKASYON. At kapag tunay na edukado ang mga tao ay sa aking pananaw… hindi na kailangan ang KARAHASAN NG DIGMAANG PISIKAL.

      si Isko padin po ng Bagong Pananaw

      • brokenform Says:

        tama po. dapat mauna ang edukasyon. tulad nga po ng tinuran ni Mang Tomas Agulto [kuntra krusada] ebolusyon hindi rebolusyon. mauna muna ang pagmumulat sa masa [ebolusyon ng isip at kultura].

        hanggat maaari ay iwasan natin ang rebolusyon ngunit kung hindi matinag ang mga nasa taas, isang lohikal na hakbang ang rebolusyon.

        eto po ang mungkahi kong dapat ikonsidera sa pagbuo ng anti-tesis sa diyalektikong materyal:

        1. isang malinaw na anti-tesis, isang alternatibong sistema na hahamon at sasagot sa kakulangan ng kasalukuyang tesis. baka kase magpalit lamang ng liderato at hindi masagot ang ugat na problema ng katiwalian, mabagal na hustisya, pagkasira ng kalikasan atbp.

        2. kahandaan ng masa sa pagbabago: dapat may suporta mula sa ibaba… …dapat kasama ang masa sa paghahangad nito. [kaya dito po papasok ang edukasyon]

        3. logistics… kagamitan, istratehiya at lakas-tao: dapat ay sapat. baka kase dumanak lamang ang dugo at maliit lamang ang tsansa na makamit ang pagbabago.

        4. isang masusing pag-aaral sa mga pwersang protektor ng kasalukuyang sistema.

        5. pakikisangkot ng iba’t ibang grupo na nagnanais din ng pagbabago.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

El Nido Resorts Environment Department

Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Walang Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.

%d bloggers like this: