Noong nakaraang Huwebes, Oktobre 29, Nagpatawag ng public consultation ang pamahalaang probinsyal ng Palawan tungkol sa hiling ni Cong. Chikoy Alvarez na tanggalin ang limang protected area sa Palawan, kasama ang El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area, sa panukalang batas na Enhanced National Integrated Protected Areas System Law (ENIPAS).

Bagaman may halong panlilinlang ang presentasyon ng mga nag-nagpadaloy ng konsultasyon, ipinahayag pa rin ng mga residente ang pagtutol.

Narito ang ilan sa mga panlilinlang na nakasaad sa mga nasabing presentasyon:

1. Mas makapangyarihan ang ENIPAS kaysa IPRA LAW (Batas tungkol sa Katutubo) at mapapaalis ang mga katutubo sa loob ng protected area.

2. Bawal ang motorized vehicles.

3. Mas maraming bawal, mas mataas ang parusa.

4. Walang ginawang pag-sangguni ang senado bago ipasa ang batas.

Sa kabilang banda, narito naman ang katotohanan tungkol sa ENIPAS:

1.Iginagalang ng ENIPAS ang IPRA LAW. Sa katunayan, mananatili ang mga katutubo sa kanilang tahanan. Ang di lang pwede ay ang “naturalized” na katutubo na ginagamit ng mga investors para magamit ang protektadong gubat.

2. Nakasaad sa ENIPAS, hindi papayagan ang motorized vehicles kung walang lisensya mula sa mga kinauukulan, e.g., MARINA at LTO. Ito ay matagal nang nakasaad sa mga batas ng transportasyon.

3. Dapat lang na damihan ang bawal upang mapangalagaan ng husto ang likas yaman. Dapat lang ding taasan ang parusa upang matakot mga mapagsamantala.

4. Nagkaroon ng konsultasyon ang senado. Sa katunayan, pinatawag na nila ang mga kinatawan ng mga protected areas sa Palawan kasama ang pamahalaang probinsyal.

Maliban dito, ang ENIPAS ang magiging panangga ng El Nido sa mga mapanirang proyekto tulad ng mining at coal-fired power plant.

Basehan ang ganitong katotohanan, hinihikayat ko ang mga mamamayan ng El Nido, ng lalawigan ng Palawan at mga bisitang nagmamahal sa likas- yaman ng Palawan na manindigan at bantayan ang pagpasa ng ENIPAS. Dahil baka bukas o makalawa, magising na lang tayo na sira na ang gubat at buhay ilang sa Palawan.

 

DSC_7229Ang Strategic Environmental Plan for Palawan [SEP Law] o ang Republic Act 7611 ay ginawa upang maprotektahan ang kalikasan ng Palawan. Isa sa mga mahalagang bahagi ng SEP Law ay ang Environmentally Critical Areas Network [ECAN] Map. Nasa mapang ito nakasaad ang mga sumusunod:

1. Core Zone – ang pinakasagrado sa lahat ng mga sona. Hindi pinapayagan dito ang pagtatayo ng istruktura o anumang gawain maliban sa siyentipikong panananaliksik, pangangasiwa sa kalikasan at mga ritwal ng mga katutubo.

2. Buffer Zone – ang sona kung saan pinapayagan lamang ang mga iilang gawain na walang masyadong epekto sa kalikasan. Ang buffer zone ay nakalagay palibot sa core zone.

3. Controlled Use Zone – ang mga lugar kung saan pinapayagan ang turismo, pangingisda at iba pang gawaing pangkabuhayan ngunit nalilimitahan ng mga mahigpit na patakaran.

4. Traditional Use Zone – ang sona kung saan pinapayagan ang mga nakasanayan nang gawain ng komunidad tulad ng pangunguha ng balinsasayaw at mga laman-dagat.

5. Multiple Use Use Zone – ang sona kung saan maaaring magtayo ng istruktura at gawin ang normal na kalakal.

Napakaganda ng hangarin ng SEP Law dahil nais nitong pangalagaan ang ating kagubatan, mga katutubo at kabuhayan ng mga nakatira sa Palawan. Ngunit may pagkakamali ang batas na ito. Dahil karamihan sa mga nakaluklok sa Palawan Council for Sustainable Development [PCSD], ang konsehong tagapag-patupad ng SEP Law, ay mga pulitiko: ang gobernador ng Palawan, tatlong kongresista ng 3 distrito ng Palawan at ang mayor ng Puerto Princesa City. Dahil sa ganitong istruktura, walang magagawa ang iilang Civil Society Organizations [CSO] na miyembro rin ng PCSD pagdating sa mga kritikal na desisyon. Malaki ang tsansa na manaig ang layuning politikal kaysa pangangalaga sa kalikasan.

At nangyari nga ito kamakailan nang aprubuhan ng PCSD ang pagtatayo ng Coal-Fired Power Plant sa Narra, isang proyekto na magdudulot ng polusyon sa hangin, mga ilog at agrikultura.. Naganap ito nang walang ginawang pagsangguni sa mga apektadong mamamayan. Nakakalungkot dahil ang layunin ng batas ay pangalagaan ang kalikasan ng Palawan. Ngunit kabaliktaran, pinangalagaan ng PCSD ang interes ng mga politiko.

Hindi lamang ‘yon, Gawain din ng PCSD ang aprubahan ang mga mining operation sa Timog Palawan kahit na ang mga proyekto ay nakalagay sa core zone at lugar ng mga katutubo. Kapag magpapatuloy ang ganitong kalakalan, wala na talagang saysay ang nasabing batas na dapat sana ay mangangalaga sa mga likas yaman ng Palawan. Kaya dapat lang na baguhin ang SEP Law: tanggalin ang mga pulitiko sa PCSD at palitan ng mga siyentipiko at mga kinatawan ng mga pangkalikasang organisasyon.

Habang di pa nababago ang batas, kailangan nating magbantay. Kasalukuyan ngayong tinututulan ng mga taga-Palawan ang pagtatayo ng coal plant at nagsasagawa sila ng signature campaign para tutulan ang coal plant na inaprubahan ng PCSD. Naglagay din sila ng hashtag sa Twitter na #CoalFreePalawan upang ipahayag ang pagtutol. Patuloy ang laban at inaanyayahan ang lahat na makisangkot at magbantay dahil nakataya dito ang kahihinatnan ng isa sa pangunahin pinupuntahan ng mga turista dito sa Pilipinas at ang pananatili ng napakayamang kalikasan na naninirahan dito. Maliban pa rito, ang usok na ibubuga ng coal plant ay karagdagan sa pagbabago ng klima sa buong mundo.

Gambalain Mo Ako

Hulyo 12, 2014

20140712-194759-71279583.jpgLahat ay gustong makinig ng kuwento; mga kwentong nakakatuwa, nakakaaliw, nakakakilig at nakakabilib; mga kwentong tila drogang nagpapalimot sa mapait na katotohanang tinatahak.

Bibihira lamang ang gustong makinig sa mga kuwentong nakakagambala, mga kwentong nanunuot sa budhi at lumuluray sa bawat hibla ng kahihiyang sumasaplot sa ating pagkatao.

Kay sarap hambalusin ang ganung kwento, lurayin at itapon sa kadiliman sa labas habang tinatakpan ang ating tenga at nagko-kontempleyt sa bumbilyang biglang lumilitaw sa itaas ng ating bumbunan.

Kay sarap tagpian ang sugat upang di na gumaling; kay sarap harapin sa salamin ang mukhang hindi totoong atin.

Naglalakad akong nakapiring at tumutulay patiwarik. Huwag n’yo akong akayin, huwag n’yong tanglawan ang aking mata, huwag n’yong iparinig sa akin ang kwentong nakakagambala. Okey lang ako! Peks man. Okey na okey ako.

Parang awa nyo na..

Pangko Museum

Hunyo 20, 2014

20140620-214537-78337870.jpgAng ‘pangko’ ay ang tradisyunal na sasakyang pang-dagat ng mga Cuyonon, isang pangkat etniko na nakatira sa Cuyo, Palawan. Hindi lang pang-kultura ang halaga ng pangko kundi pang-kasaysayan din dahil ito ang nagdala sa Cuyonon sa Paragua, ang pulo ng Palawan noong panahon ng mga Kastila.

Ang pangko ay unti-unting naglaho sa lalawigan ng Palawan sa pagpalit ng bagong milenyo. At wala na ito ngayon sa kaalaman ng mga kabataang Cuyonon.

Matapos ang matagumpay na cultural mapping sa Sibaltan, isang maliit na barangay sa pulo ng Palawan, naitayo ang Balay Cuyonon, isang ethnographic museum ng mga Cuyonon at isang replika ng tradisyunal na bahay ng Cuyonon.

Dahil dito, pinuntahan ito ng isang Cuyonon na antropologo, si. Dr. Carlos Fernandez. At tinanong ni Dr. Fernandez kung alam nila ang tungkol sa Pangko. Doon nagsimulang magtanong sa mga matatanda ang mga taga-Sibaltan. Napag-alaman nila na ginamit nga ang pangko sa palitan ng kalakal sa pagitan ng Sibaltan at Cuyo nong 50’s hanggang 70s, Napag-alaman din nila na nag-iisa na lamang ang karpinterong nakakaalam ng paggawa ng pangko at siya ay 68 na taong gulang na.

Nang makakuha ang Sibaltan ng pondo mula US Department of State sa pamamagitan ng Ancient Shores, Changing Tides project, pinili nilang gamitin ang pondo sa exhibit sa pagpapagawa ng Pangko Museum.
Maliban dito pinagkalooban din sila ng nasabing proyekto ng pagsasanay sa pagdisenyo ng exhibit sa tulong ni Dr. Cecille Dela Paz ng UP Diliman.

Kasalukuyang ginagawa ngayon ang Pangko ay nakatakdang magbukas sa August 25, 2014 upang mahanay sa kasaysayan ng pag-preserba sa tradisyon ng paggawa ng sasakyang dagat sa Pilipinas.

Nawa’y mapasyalan ninyo balang araw sa Sibaltan ang piyesang ito ng kasaysayan at kultura.

Pag-Usad Ng Agham

Mayo 10, 2014

20140510-104714.jpg
Linya noon,
Bilog kahapon,
Pit-pit na itlog ngayon,
Dyolens na lang ba bukas?

Usad ang panahon,
Nag-ebolusyon ang teorya,
Sa iba-ibang timbangan at
Nagpa-palit-palit na mata.

Nagsalita ang kulto
Ng mga hinirang na siyentipiko;
Sumamba ang mga disipulong
Tila nakasakay sa tren
At di na muling nagtanong

Nginig ang tuhod ko,
Naglalakad habang
Nababalutan ng hamog ang daan.

Hindi ako kumaman,
Hindi rin kumaliwa,
Sinundan ko lang ang ritmo
Ng pintig ng pulso,
Ng pagtulo ng sipon
At pangalisag ng balihibo.

Doon ko natanto:
May halaga pala ang lupang
Pilit kong nilalakaran.

Ritwal

Marso 29, 2014

20140329-221323.jpg
Ihanda na
Ang kagamitan
Sa pagpapalayas
Ng masamang ispiritu.

Huwag kalimutang
Mag-babay,
Kumaway
Sa kaluluwang
Tarantang lumalabas
Sa katawang lupa.

Wala na ang lagnat
Hupa na rin
Ang maling akala.

Hala lakad,
Pauwi,
Para harapin
Ang tunay ritmo ng buhay.

Nakalimutan ko pala
Na magbayad sa babaylan.

Cultural Mapping

Pebrero 28, 2014

20140228-210830.jpg
Sa Dewil ko unang sinubukan ang Community-Based Rural Tourism program ng opisina noong 2008. Dito rin ang unang pagkabigo ng nasabing programa. Nawala ang pag-asa kong isulong ang ideya at tumalungko na lamang sa realismo ng buhay.

Ngunit matapos kong magsilbing interpreter sa isang museologist sa Sibaltan, dun ko nakita ang kulang sa proseso: ang cultural mapping. (Syanga pala, ang Dewil at Sibaltan ay mga barangay sa Silangang bahagi ng El Nido, Palawan.)

Ayun, nag-panic na kami sa pag-mamapa ng Dewil. Mapa dito, mapa doon. At sa ginawa naming workshop, dun ko nakita ang dalawang bagay na hindi ko naungkat noong 2008: ang kakaibang ekosistem sa loob ng mga kweba at ang mga ritwal ng babaylan.

Noon kase, ang Tourism Office ang nagsabing ang mga bakawan at isla ng Imorogue ang pangunahing lugar pang-turismo ng Dewil.

Ngayon, ang mga taga-Dewil ang nagsasabing meron silang underground river, underground spring at ritwal ng babaylan na nanganganib nang mamatay.

Ayan natulala ako. Ngayon, baliktad na ang aking paniniwala: sila ang mas nakakaalam sa lugar, ako dapat ay tagapag-padaloy lamang.

Umuwi na ko.. ..at isinulat ang unang yugto ng pangangasiwa ng taga-baryo sa kanilang industriyang turismo.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.