Pangko Museum

Hunyo 20, 2014

20140620-214537-78337870.jpgAng ‘pangko’ ay ang tradisyunal na sasakyang pang-dagat ng mga Cuyonon, isang pangkat etniko na nakatira sa Cuyo, Palawan. Hindi lang pang-kultura ang halaga ng pangko kundi pang-kasaysayan din dahil ito ang nagdala sa Cuyonon sa Paragua, ang pulo ng Palawan noong panahon ng mga Kastila.

Ang pangko ay unti-unting naglaho sa lalawigan ng Palawan sa pagpalit ng bagong milenyo. At wala na ito ngayon sa kaalaman ng mga kabataang Cuyonon.

Matapos ang matagumpay na cultural mapping sa Sibaltan, isang maliit na barangay sa pulo ng Palawan, naitayo ang Balay Cuyonon, isang ethnographic museum ng mga Cuyonon at isang replika ng tradisyunal na bahay ng Cuyonon.

Dahil dito, pinuntahan ito ng isang Cuyonon na antropologo, si. Dr. Carlos Fernandez. At tinanong ni Dr. Fernandez kung alam nila ang tungkol sa Pangko. Doon nagsimulang magtanong sa mga matatanda ang mga taga-Sibaltan. Napag-alaman nila na ginamit nga ang pangko sa palitan ng kalakal sa pagitan ng Sibaltan at Cuyo nong 50’s hanggang 70s, Napag-alaman din nila na nag-iisa na lamang ang karpinterong nakakaalam ng paggawa ng pangko at siya ay 68 na taong gulang na.

Nang makakuha ang Sibaltan ng pondo mula US Department of State sa pamamagitan ng Ancient Shores, Changing Tides project, pinili nilang gamitin ang pondo sa exhibit sa pagpapagawa ng Pangko Museum.
Maliban dito pinagkalooban din sila ng nasabing proyekto ng pagsasanay sa pagdisenyo ng exhibit sa tulong ni Dr. Cecille Dela Paz ng UP Diliman.

Kasalukuyang ginagawa ngayon ang Pangko ay nakatakdang magbukas sa August 25, 2014 upang mahanay sa kasaysayan ng pag-preserba sa tradisyon ng paggawa ng sasakyang dagat sa Pilipinas.

Nawa’y mapasyalan ninyo balang araw sa Sibaltan ang piyesang ito ng kasaysayan at kultura.

Ritwal

Marso 29, 2014

20140329-221323.jpg
Ihanda na
Ang kagamitan
Sa pagpapalayas
Ng masamang ispiritu.

Huwag kalimutang
Mag-babay,
Kumaway
Sa kaluluwang
Tarantang lumalabas
Sa katawang lupa.

Wala na ang lagnat
Hupa na rin
Ang maling akala.

Hala lakad,
Pauwi,
Para harapin
Ang tunay ritmo ng buhay.

Nakalimutan ko pala
Na magbayad sa babaylan.

Cultural Mapping

Pebrero 28, 2014

20140228-210830.jpg
Sa Dewil ko unang sinubukan ang Community-Based Rural Tourism program ng opisina noong 2008. Dito rin ang unang pagkabigo ng nasabing programa. Nawala ang pag-asa kong isulong ang ideya at tumalungko na lamang sa realismo ng buhay.

Ngunit matapos kong magsilbing interpreter sa isang museologist sa Sibaltan, dun ko nakita ang kulang sa proseso: ang cultural mapping. (Syanga pala, ang Dewil at Sibaltan ay mga barangay sa Silangang bahagi ng El Nido, Palawan.)

Ayun, nag-panic na kami sa pag-mamapa ng Dewil. Mapa dito, mapa doon. At sa ginawa naming workshop, dun ko nakita ang dalawang bagay na hindi ko naungkat noong 2008: ang kakaibang ekosistem sa loob ng mga kweba at ang mga ritwal ng babaylan.

Noon kase, ang Tourism Office ang nagsabing ang mga bakawan at isla ng Imorogue ang pangunahing lugar pang-turismo ng Dewil.

Ngayon, ang mga taga-Dewil ang nagsasabing meron silang underground river, underground spring at ritwal ng babaylan na nanganganib nang mamatay.

Ayan natulala ako. Ngayon, baliktad na ang aking paniniwala: sila ang mas nakakaalam sa lugar, ako dapat ay tagapag-padaloy lamang.

Umuwi na ko.. ..at isinulat ang unang yugto ng pangangasiwa ng taga-baryo sa kanilang industriyang turismo.

Wing Luke

Nobyembre 6, 2013

DSC_2739Sa lahat ng napuntahan naming museo sa Seattle, ang Wing Luke ang naging palaisipan sa akin. Ang Wing Luke ay isang museo kung saan pinapakita ang buhay ng mga asyano sa Washington noong ika-16 na Siglo. At doon namin nalaman na maliban sa mga intsik, may mga Pilipino nang namumuhay noon sa Amerika upang buhayin ang pamilya. Meron na palang OFW noon.

Nagustuhan ko ang Wing Luke dahil may lumulutang dito ang kwento ng tao kesa sa mga artifak, mas mararamdaman mo mo ang pasakit at mga kabayanihan ng mga asyano noon. Mamamangha ka kung papaano nila tiniis ang pagmamaltrato ng mga puti.

Ganitong museo ang gusto kong mangyari sa aking lugar, ang Sibaltan. Gusto kong ikwento ang payak na pamumuhay ng mga tao doon, ang kanilang pagkamulat upang protektahan ang kulturang yaman at higit sa lahat kanilang pagsisikap na bantayan ang kanilang likas yaman na pilit sinira ng mga karatig baryo sa pamamagitan ng ilegal na pangingisda at pagto-troso.

Isa pang magandang halimbawa ng Wing Luke ay ang pagkasangkot ng mga tao sa pagbuo ng exhibit. Para sa akin magiging ganap ito sa Sibaltan kung ang mga tao na rin ang tatayong curator. Ang ideyang ito ay Tinutulan ni Jessica Rubenacker, ang curator ng Wing Luke. Ayon sa kanya, teknikal ang curation at di akma sa ordinaryong tao lamang.

Lumipas ang mga araw, patuloy ang aking pagmumuni. Tama sa Jessica, mas alam nila kung ano ang maganda at kung ano ang pangit pagdating sa museo. Ngunit gusto kong isakripisyo ang ganda para lang maipagmalaki ng mga taga Sibaltan na sila man ay may kakayahan sa exhibit. Sa tingin ko iyon ang magiging kagandahan titingkad sa harap ng mga panauhin, ang kwentong ang mga tao mismo ang nag disenyo lahat sa museo. Isinangguni ko kay Dr. Peter Lape ang ideyang iyon at s’ya ay sumang-ayon.

Sa aking pag-uwi ng Pinas, buo na sa aking isipan ang “Community-Based Curation Training.” Nasa akin na rin ang mga pangalan ng mga ekspertong maaaring makatulong sa proyekto. Sana maging matagumpay, sana’y mabuo ang kwento para mga dadalaw sa aming payak na pamayanan.

Alegorya Ng Aso

Mayo 31, 2013

Tayo ay aso na nakatali sa kadena. Namulat tayo sa kawalang kalayaan at sa paghihintay sa pagkaing ibibigay ng tao. Tuwang-tuwa tayo sa panandaliang kalayaan kapag pinapasyal tayo ng ating amo. Kawag na kawag ang buntot natin dahil sa mga kabaitang ito. At dahil dito, wagas ang ating katapatan sa kanya.

Ang amo ay ang mga pulitiko na ayaw na tayo’y matutong humanap ng sariling pagkain, makapunta sa mga lugar na nais nating puntahan. At higit sa lahat, ang matuto sa bisa ng edukasyon… …dahil baka balang araw… …ayawan na natin ang pagiging aso.

Luwad

Pebrero 25, 2013

cropped-kalug-0151.jpgSa mundo ng mga arkeyologo, ang bangang yari sa luwad ang madalas nilang makatagpo maliban sa mga buto ng tao. Iba’t ibang hugis ang luwad, naglalarawan ito ng paniniwala at kaugalian ng grupo ng mga taong namuhay mula sa panahon ng bato hanggang sa panahaon ng metal. At ayon kay Dr. Victor Paz, naglalarawan din ito ng kanilang pagtingin sa kosmolohiyang kanilang ginagalawan.

Pero ano pa ba ang nakapaloob sa bangang luwad? Ito’y isang lagom ng imahinasyon, pagnanasa at pangangailangan. Mga pangangailangang kumain, uminom, matuto, sumamba at maniwal sa kabilang buhay.

Sa bawat kultura, may naiibang mukha ang luwad tulad ng bangang Maitum ng Saranggani, Bangang Manunggul Quezon, Palawan, Banga ng Sinalakan ng New Ibajay, El Nido at Bangang Naghihikab ng Isla ng Leta-Leta, El Nido. Kaya hindi biro halaga nito sa larangan ang arkeyolohiya at antropolohiya dahil dito natin nasasalamin ang kanilang pagsamba, paraan ng paglilibing at mapanuring mata.

Dahil artifak na lamang ang ating namamasdan, ang mga bangang yari sa luwad at paksa rin ng pagtatalo kung ano nga ba talaga ang gamit nito o kaya’y ano ang kahulugan ng hugis nito. Kung magkaiba man ang mga opinyon ng mga akeyologo, isa lang bagay ang tiyak – nakamamangha ang bawat disenyo.

Relativity Ba Kita?

Hunyo 21, 2012

Ano nga ba ang relativity? Ito ‘yung kapag tumangkad ka ay magmumukha akong pandak at kapag yumaman ka ay nagiging pulubi ako sa paningin ng iba. Ito ‘yung kapag tumaba ka ay nagmumukha akong kalansay at kapag nagpaganda ka ay nagmumukha akong halimaw.

Kaya nga gusto ko munang magpaka-layo-layo. Gusto ko munang mapag-isa. Ayaw ko nang tumabi sa iyo. Hindi dahil sa mabaho ka o kaya’y insecure ako kundi dahil sa lintek na relatibiti na ‘yan.

At ang lalong ikinatatakot ay baka di na ako mag-mukhang tao kapag lagi kitang katabi.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.