Cultural Mapping

Pebrero 28, 2014

20140228-210830.jpg
Sa Dewil ko unang sinubukan ang Community-Based Rural Tourism program ng opisina noong 2008. Dito rin ang unang pagkabigo ng nasabing programa. Nawala ang pag-asa kong isulong ang ideya at tumalungko na lamang sa realismo ng buhay.

Ngunit matapos kong magsilbing interpreter sa isang museologist sa Sibaltan, dun ko nakita ang kulang sa proseso: ang cultural mapping. (Syanga pala, ang Dewil at Sibaltan ay mga barangay sa Silangang bahagi ng El Nido, Palawan.)

Ayun, nag-panic na kami sa pag-mamapa ng Dewil. Mapa dito, mapa doon. At sa ginawa naming workshop, dun ko nakita ang dalawang bagay na hindi ko naungkat noong 2008: ang kakaibang ekosistem sa loob ng mga kweba at ang mga ritwal ng babaylan.

Noon kase, ang Tourism Office ang nagsabing ang mga bakawan at isla ng Imorogue ang pangunahing lugar pang-turismo ng Dewil.

Ngayon, ang mga taga-Dewil ang nagsasabing meron silang underground river, underground spring at ritwal ng babaylan na nanganganib nang mamatay.

Ayan natulala ako. Ngayon, baliktad na ang aking paniniwala: sila ang mas nakakaalam sa lugar, ako dapat ay tagapag-padaloy lamang.

Umuwi na ko.. ..at isinulat ang unang yugto ng pangangasiwa ng taga-baryo sa kanilang industriyang turismo.

Virtual Water

Enero 11, 2014

20140111-172508.jpg Nasa training ako noon sa bansang Hapon nang lubos kong naunawaan ang ibig sabihin ng ‘Virtual Water.’ Natutunan ko ito sa lektyur na ginanap sa University of Okinawa matapos ang aming pagsasanay sa Nature School.

Ang Virtual Water ay ang dami ng tubig na nagastos sa isang produkto. Halimbawa, ang saging na ini- export ng Pilipinas sa Japan: gumastos ng tubig ang kumpanya upang ito’y diligan; tubig din ang ginamit sa paghugas ng mga bunga bago ilagay sa sisidlan. Isang ordinaryong saging ang dumating sa Japan ngunit sa mata ng mga siyentipiko, ang saging na ito ay may bakas ng virtual water.

Bakit mahalaga ang pagsukat ng virtual water? Kasabay kase sa pag-unlad ng isang bansa ang pagkaubos ng tubig nito dahil sa pagsulong ng industriyalisasyon ay agrikultura. Masusing minamatyagan ng mga sayantist ang pinagmumulan ng ating tubig at kung gaano kalaki at kabilis ang ating paggamit.

Kapag ang pinagmumulan ng tubig ay mula sa ilalim ng lupa, ito’y di magtatagal at mauubos. Ayon sa isang propesor ng University of Okinawa, ang tubig sa ilalim ng lupa sa Estados Unidos ay bumaba na ng 40 piye. At pag nagpatuloy, ang agrikultura nila ay hindi magtatagal.

Ang mga ilog ang isa sa mga pinagmumulan ng tubig na hindi nauubos. Ngunit nanganganib na ang mga ito dahil sa polusyon at pagputol ng puno sa kagubatan na siyang nag-i-imbak ng tubig hanggang tag-araw.

Lumago ng 7% ang ating ekonomiya nung nakaraang taon. Gaano kaya ang nadagdag sa dami ng kinailangang tubig sa mga produktong nagawa? Dumami ba ang pinagkukunan ng tubig? Lumawak ba ang mga kagubatan?

Maliban sa usapin ng virtual water ay ang paglago ng populasyon. At tayo ay kasama sa gumagamit ng tubig. Kailangan din nating kumilos. Ang mga mainam na solusyon upang mabawasan ang paggamit ng tubig ay ang paggamit ng tubig-ulan, pag-resiklo ng tubig at ang pagtitipid sa paggamit nito.

Sa mga susunod na siglo, magiging mainit na usapin ang paggamit ng tubig sa mundo. Kaya ngayon pa lang, simulan na natin ang pagtitipid sa paggamit ng tubig, ugaliin nating magtanim ng mga puno sa gubat, iwasang magtapon ng basura sa ilog at isuplong sa kinauukulan ang pumuputol ng puno sa gubat. Mga maliliit na bagay lamang ito ngunit malaki ang maitutulong sa kapwa.

Pagtaas Ng Piso

Enero 26, 2013

IMG_0267Marami ang natatakot sa pagtaas ng piso, kesyo maapektuhan ang ating exports dahil sa paghina ng ating “selling power” at kesyo mababawasan ng kita ang ating mga OFW [Overseas Filipino Workers].

Sa isang banda tama rin. Pero pansamantala. Hindi naman habang buhay ganito tayo. Ang pagtaas ng piso ay tanda lamang na gumaganda na ang lagay ng ating ekonomiya. Ginagawa naman ng Banko Sentral na huwag maging mabilis ang pagtaas ng piso sa pamamagitan ng pagbili ng dolyar.

May isang magandang dulot ang pagtaas ng piso kontra dolyar: ang paglakas ng ating “buying power.” Unang-una bumaba ang ating pagkakautang sa ibang bansa dahil dito. Ikalawa, mas magiging mura ang pag-import ng mga produkto.

At ito naman ang isang bagay na hindi tinitingnan ng mga exporters natin: ang samantalahin ang paglakas ng piso sa pamamagitan ng pagbili ng mga makinaryang mag-papalakas ng produksyong pang-agrikultura, industriya at serbisyo. Hindi habang buhay ay aasa tayo lagi sa laki ng kinikita ng exports at OFW. Dapat matuto tayo sa pagpa-paunlad ng teknolohiya, pananaliksik at pag-imbento ng bagong kagamitan.

Gising mga kababayan!. Hindi habambuhay tayong magpapaalipin sa ibang bansa para kumita. Hindi lahat ng panahon ay nakatunganga lamang tayo at maghihintay na bumaba ang piso upang lumaki ang kita sa export.

Tunay na Mukha ng Pragmatismo

Disyembre 20, 2012

2012-12-15 11.02.41Napakahirap magsanib ang ideyalismo sa realismo. Parang isa lang itong tele-pastasyang nakakakilig ngunit di maapuhap sa hangin. Sa halos 15 taon kong pagmumuni sa pilosopiya, ngayon lang ako natisod sa eksenang diyalektika ng ideyolohiya at ekonomiya.

Sa pagtuturo ko ng ‘cultural tour guiding’ sa mga liblib na lugar ng El Nido doon ko nakita ang mahalagang aspeto ng pag-disenyo ng kwento ng isang bagay na ordinaryo. Ang ang kuwentong ito ang nagpapaiba sa pananaw at pagpapahalaga ng nakikinig. Doon ko rin nakita ang kahalagahan ng nasabing kuwento sa pag-preserba sa bagay ng sumisimbolo sa kulturang simibol sa isang lugar.

May ebolusyon ang kultura. Pwede rin itong pagkakitaan. Ngunit namamatay din ito o kaya’y kinakain ng isang pang kultura. May magagawa kaya ang k’wento ng isang tour guide upang manatili ang bagay na kultural at patuloy na dumaloy sa pang-araw-araw na buhay sa barangay?

Nagmamasid ako. At itinatala ko lahat sa isang mabuuong aklat.

Pagong Ng Ekonomiya

Nobyembre 9, 2012

Ambilis ng pag-usad na ating ekonomiya. Lumalakas ang piso kontra dolyar at tumataas ang Philippine Stock Exchange Index [PSEi]. Tumataas din ang koleksyon ng buwis kaya maraming proyekto ang naipapatupad. Sa kabila ng mabilis na paglagong ito, mabagal pa rin ang proseso sa pagkuha ng permit at isa ito sa mga dahilan kung bakit alanganin pa ring magbukas dito ng negosyo ang mga mamumuhunan.

Nais nga ni PNoy na paiksiin ito, at marami na rin sa mga pamahalaang lokal ang nakapag-patupad na ng pag-papaiksi ng prosesong ito. Napakagandang programa ngunit ang tanong – isasakripisyo ba natin ang regulasyon patungkol sa kalidad, kaligtasan ng publiko o kapakanan ng kalikasan?

Tatanggalin ba natin ang fire certificate, o ang building permit o kaya’y sanitary permit para lang mapaiksi ang proseso. Ang pinaka-matindi ay ang sitwasyon ng mga negosyo sa loob ng mga protected areas sa Palawan. Dahil ang isang protected  area ay pinamamahalaan ng Protected Area Management Board [PAMB] at lahat ng proyekto o investment ay nangangailan ng pahintulot ng PAMB.

Dahil dito mag-aantay ang mga nais mag-negosyo ng isa hangang 3 buwan para makakuha ng PAMB endorsement. Pagkatapos ay mag-aanatay uli ng isa hangang 3 linggo para naman sa pagsang-ayon ng Sanguniang Bayan [SB]. Pagkatapos nito ay aantay uli sila ng isang buwan uli o mahigit para naman sa endorsement ng Palawan Council for Sustainable Development [PCSD]. Ang PCSD ay nabuo noong ipasa ang Strategic Environmental Plan [SEP] Law at ang PAMB naman ay nakasaad sa National Integrated Protected Areas [NIPAS] Act.

Pagkatapos sa PSCD ay mangangailangan uli ng endorsement mula sa Sangguniang Panlalawigan [SP] bago makakuha ng Environmental Compliance Certificate [ECC] mula sa Department of Environment and Natural Resources [DENR]. Ang lahat ng ito ang daraanan upang sila ay mabibigyan ng Building Permit mula sa munisipyo at ng pinaka-aantay na Mayor’s Permit.

Kung ikaw nga naman ang mamumuhunan, magdadalawang isip ka. Pero ang tanong. Kailangan bang bawasan ang proseso? Papaano naman ang kalikasan? Maapektuhan kaya ito kung aalisin ang ilan sa mga naparaming daanan?

Sa mga nabanggit na mga konseho, karamihan sa mga nakaupo ay mga pulitiko. Nakatulong nga ba sila na mapangalagaan ang kalikasan? Kailangan ba ang lahat ng endorsement at daanin sa botohan? Pwede naman sigurong ilagay ang mga teknikal na tao na magsasabi kung saan ang pwede at di pupuwede ayon sa batas at agham.

Hangga’t hindi nababago ang ganitong pagong na sistema, hindi tayo uusad at hindi tayo makakasiguro ng proteksyon sa kalikasan. At marahil, kailangan dito ang pag-bibigay daan ng mga pulitiko para sa isang pagbabago.

Kwentong Kutsero

Oktubre 16, 2012

Sa pitong taon kong pagta-trabaho sa gobyerno bilang isang tourism officer sa paraisong bayan ng El Nido, isang malaking palaisipan sa akin kung papaano dadalhin ang turismo sa mga barangay. Nakilala ang bayan ng El Nido dahil sa magagandang mga aplaya at isla ngunit hanggang doon na lamang. Lahat ay nagsisiksikan sa bayan.

Eto ang pangitaing nakikita ko: kapag nagsiksikan ang turista sa bayan, nanganganib masira ang kalikasan at hindi magiging balanse ang ekonomiya sa lugar. Pati mga residente ay magsisiksikan sa bayan dahil nandun ang trabaho. Iiwan na ng mga magsasaka ang kanilang lupa at ng mga mangingisda ang palaisdaan dahil mas madali ang pera sa bayan. Kakulangan sa suplay ng pagkain ang magiging dulot nito.

Ang tangi kong pag-asa ay ang isulong ang Community-Based Rural Tourism Program, ang pagdala ng turismo sa mga liblib na lugar. Ngunit papaano? Hindi gaanong magaganda ang mga aplaya sa baryo.

Natumbok ko ang kasagutan nang makilala ko ang isang Amerikanang museologist na si Lace Thornberg. Inilatag niya ang kanyang balak na proyekto sa barangay Sibaltan, sa lugar kung saan ako lumaki. Sinabi niya sa akin na plano niyang magtayo sa isang museong bayan [community museum]. Natuwa ako’t matutupad na rin ang pangarap kong dalhin sa mga barangay ang turismo.

Isa sa mga workshop na ibinigay nya sa mga taga-barangay ay ang pagdala ng anumang bagay na kanilang madaanan papunta sa Barangay Hall. At bawat isa’y pina-kwento tungkol sa bagay na kanilang nadampot. Doon ko napagtanto na hindi lang pala magandang beach ang pwedeng puntahan ng mga turista. Kahit anong bagay pala, kapag nai-kwento nang mahusay ay nagiging maganda.

Pagkatapos ng mga workshops ay nakukuha kami ng tulong pinansyal mula sa U.S. Embassy. Nakabalik na si Lace sa Amerika habang ginagawa ang museo. Nakatakda itong magbukas ngayon Disyembre. Gayunpaman, hindi ang pagkatatag ng museo ang lubos kong ikanagalak..  ..kundi ang natutunang paraan ng paggawa ng kwento sa mga bagay na dati’y ordinaryo sa aking paningin.

Maganda ang layunin ng pamahalaan na masolusyunan ang problema ng paglobo ng populasyon sa bansa. Kaya pursigido itong ipasa ang RH Bill. May nakalaan ding pondo para dito na 3 bilyong piso.

Sa kabilang dako, nandoon naman ang CCT [Conditional Cash Transfer] o ang dating 4Ps [Pantawid Gutom Etc.]. Pero tila magka-salungat ang dalawang programang ito ng gobyerno.

Habang isinusulong ng RH Bill ang pagpaplano ng pamilya, isinusulong naman ng CCT ang pagpaparami ng anak. Dahil sa CCT, kung mas maraming anak, mas marami ang matatanggap na benepisyo.

Isang mungkahi lang: bakit di pagsamahin ang pondo ng BH Bill at CCT at  magsagawa ng batas na ang pamilyang may dalawang anak lamang ang may benepisyo. Sa tingin ko ay matatauhan ang mga tao at iiwasan nilang magka-anak ng higit sa dalawa.

Sa tingin ko ay isa itong praktikal sa solusyon. Hindi mo na kailangang ipagdudulan sa kanila ang kotrasepsyon dahil sila na mismo ang hihingi nito sa gobyerno.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.