Gambalain Mo Ako

Hulyo 12, 2014

20140712-194759-71279583.jpgLahat ay gustong makinig ng kuwento; mga kwentong nakakatuwa, nakakaaliw, nakakakilig at nakakabilib; mga kwentong tila drogang nagpapalimot sa mapait na katotohanang tinatahak.

Bibihira lamang ang gustong makinig sa mga kuwentong nakakagambala, mga kwentong nanunuot sa budhi at lumuluray sa bawat hibla ng kahihiyang sumasaplot sa ating pagkatao.

Kay sarap hambalusin ang ganung kwento, lurayin at itapon sa kadiliman sa labas habang tinatakpan ang ating tenga at nagko-kontempleyt sa bumbilyang biglang lumilitaw sa itaas ng ating bumbunan.

Kay sarap tagpian ang sugat upang di na gumaling; kay sarap harapin sa salamin ang mukhang hindi totoong atin.

Naglalakad akong nakapiring at tumutulay patiwarik. Huwag n’yo akong akayin, huwag n’yong tanglawan ang aking mata, huwag n’yong iparinig sa akin ang kwentong nakakagambala. Okey lang ako! Peks man. Okey na okey ako.

Parang awa nyo na..

Iskeptisismo

Agosto 22, 2013

Maaaring totoo
Maaaring hindi.
Maaaring kalahating totoo
O kaya’y totoo paminsan-minsan.

Maaaring naglolokohan lang tayo.

Lohikal nga ba o sikolohikal?

Kahibangan o Pamamaraan?

Totoo kaya ang pusang tumatawid sa daan?
Baka guni- guni lamang.
Dinadaya kaya ako ng aking pandinig,
Ng aking pakiramdam na kumukulo na ang aking sikmura?

Hindi ko dapat lubos pagkatiwalaan
Ang aking panlasa at pang-amoy.

Umiiral nga ba ang batong lumilipad papunta sa ‘kin?

Ayun, narito na ako sa Ospital
Nang dahil sa punyetang Iskeptisismong yan.

Relativity Ba Kita?

Hunyo 21, 2012

Ano nga ba ang relativity? Ito ‘yung kapag tumangkad ka ay magmumukha akong pandak at kapag yumaman ka ay nagiging pulubi ako sa paningin ng iba. Ito ‘yung kapag tumaba ka ay nagmumukha akong kalansay at kapag nagpaganda ka ay nagmumukha akong halimaw.

Kaya nga gusto ko munang magpaka-layo-layo. Gusto ko munang mapag-isa. Ayaw ko nang tumabi sa iyo. Hindi dahil sa mabaho ka o kaya’y insecure ako kundi dahil sa lintek na relatibiti na ‘yan.

At ang lalong ikinatatakot ay baka di na ako mag-mukhang tao kapag lagi kitang katabi.

Naglalakad ako sa dalampasigan, habang tinatanaw ang paglubog ng araw. Kaysarap damhin ang banayad na haplos ng hangin habang nababasa ang aking talampakan sa paghalik ng alon sa buhanginan.

Nangalisag ang aking balahibo nang may naaninag akong babae sa may batuhan. Mukhang kuwarentahin na ang edad at bakat sa mukha ang pagka-losyang dala ng kahirapan at pagkakaroon ng maraming anak. Kinilabutan ako sa kanyang inuukit sa isang tipak ng bato – isang paganong simbolo na di ko mawari. Naaaninag ko ang hugis ngunit di ko kayang pangalanan. At sa pagtitig ko sa hugis ay tila ginagambala ang aking saloobin.

Pinilit kong humigop ng sariwang hangin ng takipsilim. Patuloy sa pag-ukit ang babae habang tanaw sa di kalayuan ang isang lalaking sumasagwan palaot. Di ako mapakali habang nababanaagan ko ang hugis. Ngunit di ko naman magawang umalis. Tila ang paglisan ko ay pagkawala ng isang letra sa aking pangalan.

Natapos ang ale sa kauukit at yukong nagpahinga. Di ko mawari kung ano mayroon sa nakaukit sa tipak. Ngunit sigurado akong may kaugnayan ito sa aking bagang, o kaya’y sa aking gilagid, kili-kili o hintuturo. Hindi ko mapigilan ang pagyanig ng aking kalamnan, ang pagwagayway ng aking palad at ang pagtiklop ng aking bituka. Umuusal ang aking bibig ngunit walang katagang namutawi.

Lumingon sa akin ang babae, nanunuri ang mga mata. Walang komunikasyong namagitan sa amin kundi and pagdama at pakikinig sa paghampas ng alon sa dalampasigan. Unti-unting tumulo ang kanyang luha. At doon ko nabatid ang kahulugan ng hugis sa bato: “SAGWAN – TIPAK – KALAMNAN – KAMATAYAN – LUHA.” Okey na sana ngunit naguluhan ako doon sa karugtong: “INAKAY – PIGHATI – GALAK – TONG-ITS.”

Tila nasabi na ng nakaukit ang mensahe at nagawa ko nang lisanin ang lugar. Nilingon ko ang babae. Aninag ko siyang nakatingin pa rin sa akin. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nakahulagpos na ako sa bato-balaning katahimikan ng lugar. At kumpleto pa rin ang letra ng mga pangalan ko. Naging palaisipan tuloy sa akin ang katagang “TONG-ITS.”

Sikolohiyang Pilosopikal

Hulyo 7, 2011

Nagsimula ang sikolohiya bilang pilopiya bago ito naging agham. Ipinanganak ito sa kulturang Griyego halos kasabayan ng pagsilang ng metapisika. Makikita din ito sa mga gawa ng mga naunang pilosopong Griyego na sila Thales at Plato. Ang sinulat ni Aristotle na De Anima ay halimbawa ng sikolohiyang pilosopikal. Ang salitang sikolohiya ay nagmula sa mga salitang Griyego na psykhe na ang ibig sabihin ay “hininga” o “kaluluwa” at logos na ang ibig sabihin ay “pag-aaral ng.”

Ang sikolohiyang pilosopikal ay nakatuon sa kalikasan ng tao, bilang katawang materyal at pag-iisip na imateryal. Dito nabuo ang konsepto ng kaluluwa na inihahalintulad sa hininga ng maraming kultura sa buong mundo. Tinatalakay dito ang relasyon nito sa katawan sa larangan ng paggalaw, pandamdam, kamalayan at buhay.

Nagsimulang maghiwalay ang sikolohiya sa pilosopiya noong itinayo ang mga laboratoryo para sa pananaliksik sa sikolohiya. Noong 1879, itinayo ni Wilhelm Wundt ang unang laboratoyo para sa experimental psychology. Nakita ng mga siyentipiko noon ang halaga ng eksperimento at mga obserbasyong empirikal sa pag-aaral ng kaisipan at emosyon.

Sa pagsilang ng sikolohiya bilang agham, nahati ang sikolohiya sa dalawa: ang sikolohiyang eksperimental at sikolohiyang rasyunal. Sa pag-usad ng panahon, mas naging popular ang sikolohiyang eksperimental at ang terminong sikolohiya ay naging magkasing-hulugan sa sikolohiyang eksperimental.

Sa sikolohiyang agham, naka-pokus ang paksa sa pag-uugali ng indibidwal, problemang emosyonal at kalusugan ng pag-iisip. Napalawig lalo ang disiplinang ito ng mga siyentipikong sina William James at Sigmund Freud. Dahil dito marami ang mga natuklasan at nalunasan ang iba’t ibang sakit sa pag-iisip at problema sa emosyon.

Sa panahon ngayon, mangilan-ngilan na lamang ang nag-aaral ng sikolohiyang rasyunal. Ngunit ang kahalagahan nito ay di pa rin mababalewala bagamat tila napag-iiwanan na ng panahon at di na “uso.” Maaaring malayo na ang narating ng sikolohiyang agham, ngunit may isang bagay sa sikolohiya ang hindi kailanman maisasalang sa eksperimento…  …ang kaluluwa.

Namalayan ko na lng ang aking sarili sa nasa isang madilim na silid. Tahimik, wala akong naririnig kundi mga mumunting patak ng tubig mula sa isang gripong di gaanong nasarhan. May munting sinag na lumalagos sa isang maliit na bintana. At sa kaunting liwanag na ‘yon ay nababanaagan ko ang mga tanikalang iginuhit sa pader.

Di ako gumagalaw mula sa aking pagkakaupo sa sahig. Nakatitig ako sa mga iginuhit na tanikala, titig na matagal, ninanamnam ang kanyang kahulugan. Hindi ko namamalayan na pumapatak na ang aking mga luha. Ang mga iginuhit na tanikala, tila sa akin nakagapos; pumupulupot sa buo kong katawan. Sinasakal n’ya ang aking mga bisig, paa, leeg, pati ang aking laman-loob, ang aking baga, puso, atay at balunbalunan. Parang binabanat ang aking mukha at ang aking isip ay umiinog sa mundong walang pakialam.

Ramdam ko sa mula sa aking kaloob-looban ang hadpi ng kahapon. Nagpupumiglas ang mga damdaming pinigilan ng matagal na panahon, gustong kumawala, gustong maging malaya. Nagpupuyos naman ang galit na lagi kong nilulukuban ng mabait at pasensyosong mukha. Umaalma ang mga pagnananasang tinakpan ko ng disenteng kasuotan at iskapularyo. At gustong sumambulat ang mga ideyang itinuring ko na marumi at kalapastanganan. Lahat sila’y pinigil ng tanikala.

Nakatitig pa rin ako sa pader. Ramdam ko ang kanyang pahiwatig. Patuloy ang pag-agos ng aking luha. Sumama ang aking sipon. Tumulo na rin ang aking laway. At pabulong ngunit galit kong sinabi, “Tangna mo, tanikala, TANTANAN MO ‘KO!!!” Bigla, may narinig akong tinig, “HINDI KITA TATANTANAN!!!” Aba! Nagsalita si tanikala! Ka-boses n’ya si Mike Enriquez. Namamalikmata ba ako? Naistorbo ko ba ng mga anito’t kaluluwang naglipana sa silid na ‘to? Wala naman akong nagawa sa kanilang masama kundi ang mag-emote dito mag-isa.

Napabuntong hininga na lang ako, umiiling, habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo. Sa wakas, nahimasmasan na rin ako. Wala na ang tinig, normal na uli ako. Hindi na rin nagsasalita ang tanikalang iginuhit sa pader. At naipangako ko sarili ko…  hindi na ako muling hihitit ng katol. Hinding hindi na. Promise!

Inilipat mula sa lumang ko blog “Mga Kathang Isinulat Sa Dagta.”

Okey Lang Ako…

Pebrero 13, 2010

Takipsilim…
Banayad ang ambon
Na bahagyang bumasa sa aking bumbunan.
Parang nagnanais
Na ako’y apuyin ng lagnat.

Pagod ako…
Sa maghapong paglalakbay.
Kumakalam na ang aking sikmura.
Sa pagdidilim ng aking pagal na isip
At sa paglabo ng aking matang
Walang mahagilap na katotohanan…

…Ay iniabot mo ang iyong kamay.

Salamat sa pagkain…
Ngunit ako’y busog pa.
Salamat sa balabal…
Ngunit ako’y di nilalamig.
Mapagkunwari ang aking mga ngiti
Upang ikubli sa ‘yo ang aking kakulangan.

Di ko mawari…
Kung dignidad ba ang aking pinoprotektahan,
O ayaw ko lang na ikaw ay abalahin,
O kaya’y likas lang akong matiisin.
Baka naman alipin lamang ako
Ng kulturang nag-ugat sa mga balag ng kasaysayan.

Hindi ko alam…

…Kung sasabihin ko ring
“Okey lang ako”
Upang manatili sa kahirapan
At makuntentong alipin ng mga hari.
Pangatawanan ko kaya ang aking kabaitan
Dahil takot akong may masabi sa akin.

Papayagan ko na kayang manatili
Ang kabulukan ng sistemang nakagisnan?
Marahil ay ayaw kong makialam
Dahil mas mahalaga ang aking sarili
At sapat na sa akin ang tawaging
“Mabuting kaibigan.”

At kung sakaling…
Magkaroon ako ng lakas ng loob
Na tanggapin ang hamon ng pagbabago,
Asahan mong susunggaban ko agad
Ang alok mong pagkain
Dahil sa totoo lang,
Nanginginig na ako sa gutom.

Sa pagkakataong ‘yon…

…Magkaroon ka naman kaya
Ng tibay at lakas ng loob
Na sabihin sa akin na…

“Hoy! Magtira ka naman!”

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.