Alegorya Ng Aso

Mayo 31, 2013

Tayo ay aso na nakatali sa kadena. Namulat tayo sa kawalang kalayaan at sa paghihintay sa pagkaing ibibigay ng tao. Tuwang-tuwa tayo sa panandaliang kalayaan kapag pinapasyal tayo ng ating amo. Kawag na kawag ang buntot natin dahil sa mga kabaitang ito. At dahil dito, wagas ang ating katapatan sa kanya.

Ang amo ay ang mga pulitiko na ayaw na tayo’y matutong humanap ng sariling pagkain, makapunta sa mga lugar na nais nating puntahan. At higit sa lahat, ang matuto sa bisa ng edukasyon… …dahil baka balang araw… …ayawan na natin ang pagiging aso.

Mahiwagang Mikrobyo

Abril 14, 2013

20130414-190545.jpg Di ko alam kung pa’no ka nakapasok sa ‘king sistema. Malamang nalunok kita, nalanghap, nadilaan, natitigan, nahaplos o kaya’y napagkamalang pagkain.

Ang lakas ng epekto mo sa akin. Bigla na lang akong nilamig habang pinagpapawisan ng butil-butil. Di ko alam kung maduduwal ako o matatae. Nanunuot sa isip ko ang sakit ng kalamnan. Putol-putol aking tulog. Naglalaro ang mga kakatwang imahen sa aking isipan. Nagdi-diliryo na ako, inaapoy ng lagnat.

Gumising akong walang ganang kumain. At doon ko napilitang inumin ang mapait na gamot. At unti-unti ka ngayong pinapatay ng nilikha ng agham upang bukas makalawa’y maging maginhawa na ang aking pakiramdam.

Balik sa normal ang buhay. Balik sa normal ang inog ng mundo, kung saan tinitilian ang mga artista at ibinoboto ang mga pulitikong mukhang mahirap ngunit marangyang namumuhay sa perang kinamkam sa bayan.

Parang gusto ko na lang magkasakit uli. Kelan kaya bibisitahin ng isang mahiwagang mikrobyo ang lipunan? Hindi na nakakatuwa ang normal.. ..kailangan na nating magkasakit.

Sining Para Sa Masa?

Oktubre 29, 2011

Minsan nagmungkahi ang isang batikang makata na si Tomas Agulto sa mga manunula na bakit hindi doon tumula sa kalye, sa Quiapo o kung saan ang mataong lugar sa halip na sa apat na sulok lamang ng conspi. Ayon kay Mang Tom, tanging mga manunula lamang at mga edukadong mulat na ang makakarinig ng mensahe kung di dadalhin ang tula sa kalye. Anong magiging epekto nito sa lipunan kung tayo-tayo rin lang naman ang nagkakarinigan?

Oo nga naman. Ayon nga kay Lourd de Veyra, nagpupunta ba sa CCP ang ordinaryong mamamayan? Paano mo naman imumulat at tutulungang makabangon sa kahirapang dulot ng katiwalian ang lipunan kung ang mga nakakakita at nakaka-appreciate ng art ay ang mga mulat na o ang mga nasa alta-sosyedad?

Nakakalunos na isipin na ang “art” na kinahuhumalingan ng masa ay ang “Eat Bulaga,” “Willing Willie” at anumang show tungkol sa buhay artista. Hindi naman masama ang mag-enjoy ang masa, ngunit saan nga ba sila dinadala ng sining? Makalikha kaya ang mga alagad ng sining ng mga obra na kakagatin ng masa? Magkakaroon kaya ng show na pang masa na kapupulutan ng aral?

Ito ang matinding hamon sa mga alagad ng sining – paano dadalhin ang art sa ordinaryong mamamayan. Ngunit kailangan ba talaga nila ito? Mababago ba sila nito? Baka kuntento na sila sa mga love songs at mga walang kabuluhang kanta ngunit nakakatuwa at minsan ay mahalay. O baka naman pwedeng targetin ang mga intelektuwal na nag-papainog ng buhay ng masa tulad ng mga pulitiko, panginoong may-lupa, may-ari ng kumpanya at mga lider ng organisasyon.

Bagaman may mangilan-ngilan nang arte ang kinagat ng masa tulad ng kanta ng Asin, ni Joey Ayala at Yano at marami na rin ang nagbabasa ng Pugad Baboy at Aklat ni Bob Ong, kulang pa rin. Ngunit hindi pa naman siguro huli ang lahat. Sana mas marami pang manood ng mga video ni Lourd de Veyra at Juana Change. Sana tangkilikin din ang Indie Films tulad ng “Busong.” At sana magkaroon din ng pagbabago ang mga TV shows. Sana maging educational ang kanilang mga palabas, hindi lang puro mga seksing babae lamang na gumigiling at mga pinamimigay na pera ang makikita. Sabagay, meron na ring TV shows na kapupulutan ng aral tulad ng Pinoy Explorer at Born to be Wild. At sana nga, madagdagan pa ang mga palabas na tulad nito.

SK Dapat Alisin

Disyembre 20, 2010

Napakaganda ng layunin ng pagkakatatag ng Sangguniang Kabataan [SK]: Ang maagang matuto sa pamamahala ang mga kabataan. Ngunit sa panahon ngayon, ang nangyayari ay maagang natututong maging corrupt ang mga bata. Nagiging training ground ng mga TRAPO [Traditional Politician] ang SK. Sa murang gulang ay natututo silang bumili at magbenta ng boto. Ito ang kalakalang laganap sa buong bansa. Hindi man naisin ng iba ay nadadala silang ng mga malalaking pulitikong gustong gamitin sila upang mapalawig ang kapangyarihan sa konseho.

Sa aming lugar, umaabot ng 500 piso ang bayad sa bawat boto sa SK. Pagdating sa botohan ng SK Federation President, umaabot sa 10,000 piso plus cellphone ang bayaran. Naririyan pa ang kidnapan at pagkulong sa kanila sa isang bahay upang masiguro na hindi mabibigyan ng mas malaking halaga ng kabilang partido. Kawawa naman ang mga bata. Anong kinabukasan ang aasahan natin sa kanila? Paglaki ng mga ito, sila naman ang manggagamit dahil sanay na sila sa kalakalan ng maruming pulitika.

Hindi ako pabor sa mungkahi ng Sec. Jesse M. Robredo ng Department of Interior and Local Government [DILG] na ‘wag alisin ang SK kundi kelangan lamang ang reporma dito. Para sa akin, ang tunay na reporma ay tanggalin muna sa kabataan ang anumang kapangyarihan at pamamahala sa kaban ng bayan. Aminin man natin o hindi, hangga’t may hawak silang kapangyarihan at may pamamahala sila sa kaban ng bayan, gagamitin at gagamitin lamang sila ng mga matatanda na at beteranong mga TRAPO.

Puwede naman silang tumulong sa pamahalaan bilang organisasyong di-politikal. Maaari naman silang tumulong sa pagtatanim ng puno, paglilinis ng kapaligiran at iba pa pang programa sa espiritu ng bolunterismo. Basta ‘wag lamang muna silang bigyan ng kapangyarihan…   …dahil di pa natin kayang pagtiwalaan ang mga ganid na pulitikong nakapaligid sa kanila.

On RH Bill

Oktubre 4, 2010

What Carlos Celdran did was just an expression of what he wants to say. Jesus also did a riot in the church when he drove merchants out of the sacred place. The clergy must reflect on their attitude of imposing authority to the faithful. This only brings back and worsens the “Damaso” image of the church. I’m not totally against the RH bill. We just need to examine it carefully. I’m only against the “abortifacients” thing.

Population control is a must to minimize poverty in the Philippines…   …but we need to do it responsibly. RH bill needs to be polished but the church must enter into a sincere dialogue and not make an authoritative stance over the state.

Walang Saysay

Mayo 20, 2010

Durog na utak ko,
Lumabas na sa nagdurugo kong ilong.
Sumambulat na ang basag kong dila sa kalsada.

Butas na ang aking lalamunan.
Buhol-buhol na ang aking mga bituka.

Lahat na yata ng effort ay ginawa ko na
Upang maipaunawa sa iyo ang mga sugat ng lipunan
At ang bulok na sistemang ating ginagalawan.

Hanggang ngayon ay di mo pa rin maunawaan.
At huli na nang malaman kong….

…bingi ka pala.

Hayaan mo..
…neks taym…

Mag-aaral na ko ng sign language.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.