Lumipas ang mga araw, di pa rin ako makakain, di makatulog at di maka-pag text. Hindi ito dahil sa kahulugan ng parallel kundi sa iniwang tanong sa akin ni Mad Scientist: ANO ANG KAHULUGAN NG PANAHON? Ito ang dahilan ng aking stress nitong mga nakaraang araw na mukhang nauuwi sa depresyon. Bakit ba nagiging curious ako sa mga bagay-bagay at pinahihirapan ko lamang ang aking sarili sa kaiisip. Ganito ba ang attitude ng mga henyo? O isa na akong baliw? Ramdam ko ang sarili na nasa karimlan ng pagkalito.

Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakaharap sa isang lumang orasan. Pinakikinggan ang bawat tik-tak nito, naghihintay na baka may mahulog na kasagutan. Maghapon akong nakatitig at halos maubos ko na ang isang pitsel na kape nang may biglang may nagsalita, “Halika, pumasok ka.” Naykupo! Kinakausap na ako ng orasan! Ano na namang kababalaghan ‘to? Gayunpaman, sinunod ko ang tinig. Lumapit ako sa orasan. Aba! Tumatagos ako sa orasan! Ayun, nakapasok din ako sa loob ng orasan. Tumambad sa harap ko si Panahon, ang misteryo ng pag-usad ng oras, taon at siglo. Nakahubad s’yang nakaupo habang pinapaligiran ng mga pantas na sa kanya’y nakatitig, nililimi ang bawat himay ng kanyang malalim na pag-iral.

Tumabi ako sa mga nakapalibot na mga pantas at nakititig kay Panahon. Ibinato ko ang aking mapanuring tingin ngunit di ko maarok ang kanyang mga lihim. Ang tanging nakikita ko ay ang kanyang balingkinitang katawan. Waring nakapansin si Panahon na may mahalay na hanging pumailanlang sa paligid at s’ya’y nagtapis ng tuwalya. Patay malisya kong nilapitan at tinanong ang isang pantas. At ipinaliwanag n’yang si Pahanon ay nauulit, tila gulong na umiikot at bumabalik sa pag-usad ng kasaysayan. Ayon naman sa ikalawang pantas, si panahon ay tulad ng isang linya, hindi na maaaring balikan at walang hanggan ang kanyang patutunguhan. Sa ikatlong pantas ako na-stress nang husto nang sabihin n’yang si Panahon ay di umiiral, s’ya’y nakaguhit lamang sa ating mga isipan bilang sisidlan ng mga pangyayari. High blood naman ang umatake sa akin nang makausap ko ang ikaapat na pantas. Boses bumbay n’ya akong inalok ng “Relo, gawang Saudi! Buy one take one!”

Di ko na tinapos ang pakikipag-usap sa ikaapat na pantas dahil wala s’yang sense kausap. Nilisan ko ang loob ng orasan, naupo sa sofa, inubos ang natitirang kape habang ninanamnam ang mga sinabi ng mga pantas. Ngunit di ko pa rin matumbok ang kasagutan. Napatitig na lang ako sa kawalan habang kinakalma ang sarili. Sa wakas payapa na ang lahat. Pakiramdam ko normal na uli ako… …at nahimasmasan na sa epekto ng medyas ni Mad Scienstist.

Lulugo-lugo akong naglalakad sa lansangan nang makasalubong ko si Mad Scientist. “O, natumbok mo na ang kasagutan?” Tanong niya. “Hindi eh… … nab’wisit ako sa ikaapat na pantas… …wala s’yang sense kausap,” tugon ko. “Ano!? Di mo ba alam na nasa ikaapat na pantas ang kasagutan?” Ipinaliwanag ni Mad scientist na ang relong inaalok ng ikaapat na pantas ang susi sa pagbubukas ng misteryo ng panahon.

Dali-dali akong bumalik sa silid na kinaroroonan ng lumang orasan. Maghapon akong nagmatyag ngunit wala pa rin akong tinig na naririnig. Nagsisi tuloy ako kung bakit ko hinusgahan agad ang ikaapat na pantas. Nakatulog na ako’t nagising, ngunit wala pa ring tinig. Sinubukan kong amuyin uli ang medyas ni Mad Scientist. Nagdilim ang aking paningin… … ngunit wala paring salita akong narinig. Groge akong tumayo at susuray-suray na lumakad papalapit sa lumang orasan. Dala ng desperasyon, isinubsob ko ang aking ulo sa orasan. Aba! Naglagos ako uli. Nakapasok uli ako sa loob. Ngunit wala na roon si Panahon. Wala na rin ang mga pantas maliban sa isang may bitbit na dalawang relo. “Alam kong babalik ka,” wika n’ya, “Ano?! Buy one take one?” Wala nang tanong tanong, dumukot ako ng pera at binili ang relo.

Minasdan ko ang dalawang relo. Mas mabilis ang takbo ng isa. “Ang mga pangyayari ay iba-iba ang takbo, iba’t iba ang bilis. Ngunit lahat ay naglalakbay sa isang pangkalahatan at unibersal na pagbabago,” paliwanag ng pantas. Ngayon ko napagtanto na s’ya ang ikaapat na pantas bagaman hindi na s’ya boses bumbay. Nagtago pala s’ya sa anyo ng isang walang sense kausap. Pinasalamatan ko ang pantas. Hindi salita ang kanyang tugon kundi isang marahang pagpikit ng mata, pagtulis ng nguso at makahulugang ngiti kapagdaka. Kinikilabutan akong umalis at lumabas ng orasan ngunit magaan ang saloobin dahil naunawaan ko na ang misteryo ni Panahon.

Natagpuan ko na lang uli ang sarili ko sa tabi ng puno… … at sumusulat muli sa mga dagtang umaagos doon. Matapos ang pagsusulat, naupo ako at tahimik na tinitigan ang unti-unting pagkatuyo ang dagta. At habang lumalakad ako paalis sa pook na iyon, umaasa akong may ilang kaluluwang maliligaw at magbabasa ng aking mensahe, mga kaluluwang pinapakilos ng iisang orasang naging batayan ng lahat ng paggalaw sa modernong mundo. Umaasa akong mamumulat sila upang magsikap na lumaya sa kahong itinakda ng pagmamadali at sa sistemang nilikha ng industriya.

Patuloy ang aking paglalakad, di tiyak ang patutunguhan ngunit alam ko na ang daan na tinatahak ko ay daan ng kahinahunan at paggalang sa panahong umiinog sa bawat nilalang, mabilis man ito o mabagal.

Inilipat mula sa luma kong blog, “Mga Kathang Isinulat Sa Dagta.”

Namalayan ko na lng ang aking sarili sa nasa isang madilim na silid. Tahimik, wala akong naririnig kundi mga mumunting patak ng tubig mula sa isang gripong di gaanong nasarhan. May munting sinag na lumalagos sa isang maliit na bintana. At sa kaunting liwanag na ‘yon ay nababanaagan ko ang mga tanikalang iginuhit sa pader.

Di ako gumagalaw mula sa aking pagkakaupo sa sahig. Nakatitig ako sa mga iginuhit na tanikala, titig na matagal, ninanamnam ang kanyang kahulugan. Hindi ko namamalayan na pumapatak na ang aking mga luha. Ang mga iginuhit na tanikala, tila sa akin nakagapos; pumupulupot sa buo kong katawan. Sinasakal n’ya ang aking mga bisig, paa, leeg, pati ang aking laman-loob, ang aking baga, puso, atay at balunbalunan. Parang binabanat ang aking mukha at ang aking isip ay umiinog sa mundong walang pakialam.

Ramdam ko sa mula sa aking kaloob-looban ang hadpi ng kahapon. Nagpupumiglas ang mga damdaming pinigilan ng matagal na panahon, gustong kumawala, gustong maging malaya. Nagpupuyos naman ang galit na lagi kong nilulukuban ng mabait at pasensyosong mukha. Umaalma ang mga pagnananasang tinakpan ko ng disenteng kasuotan at iskapularyo. At gustong sumambulat ang mga ideyang itinuring ko na marumi at kalapastanganan. Lahat sila’y pinigil ng tanikala.

Nakatitig pa rin ako sa pader. Ramdam ko ang kanyang pahiwatig. Patuloy ang pag-agos ng aking luha. Sumama ang aking sipon. Tumulo na rin ang aking laway. At pabulong ngunit galit kong sinabi, “Tangna mo, tanikala, TANTANAN MO ‘KO!!!” Bigla, may narinig akong tinig, “HINDI KITA TATANTANAN!!!” Aba! Nagsalita si tanikala! Ka-boses n’ya si Mike Enriquez. Namamalikmata ba ako? Naistorbo ko ba ng mga anito’t kaluluwang naglipana sa silid na ‘to? Wala naman akong nagawa sa kanilang masama kundi ang mag-emote dito mag-isa.

Napabuntong hininga na lang ako, umiiling, habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo. Sa wakas, nahimasmasan na rin ako. Wala na ang tinig, normal na uli ako. Hindi na rin nagsasalita ang tanikalang iginuhit sa pader. At naipangako ko sarili ko…  hindi na ako muling hihitit ng katol. Hinding hindi na. Promise!

Inilipat mula sa lumang ko blog “Mga Kathang Isinulat Sa Dagta.”

Ayoko Nang Mag-Recite

Hulyo 20, 2009

Artwork by Kutchai Jovi

Artwork by Kutchai Jovi

Ngarag pa rin ako sa karanasan ko kay Propesor Katakutan. Pilit kong kinakalma ang sarili ko at sinisikap ibalik ang nawalang kahinahunan. Ipinangako ko sa sarili na hindi na muling magpa-panic. At di na rin ako mag-re-recite dahil hindi naman ako tsamba sa lahat ng oras. At ayaw kong kumalat pa ang tukso sa aking “Henyong Tsamba.”

Nakatingin pa rin ako sa kawalan nang biglang mag-iba ang simoy ng hangin sa silid-aralan. Papasok na pala sa loob ang propesora namin sa Histori ob Pilosopi, si Doktora Edwina Salacut. Maganda sya, kayumanggi ang kulay at may taas na 5’7. Sa madaling salita, parang s’yang modelo. “Klas, maligayang pagdating sa Philippine Academy of Philosophy and Arts! In oder words, ‘PAPA!'” Pagbati ni Doktora nang may bahagyang kagat sa labi. Natulala lahat nang kalalakihan.

Nagpakilala s’ya ng sarili at doon namin nalaman na doktor pala siya ng pilosopiya at matematika. Dalaga pa rin s’ya dahil walang manliligaw na makapasa sa IQ requirements nya. Nagsimula ang leksiyon. Lahat ng lalaki ay gustong mag-recite para magpa-impress maliban sa akin. Sa pagkakataong ito pinanindigan ko ang pagtitikang di na muling magre-recite. Napansin ito ng buong klase at umugong ang bulung-bulungang, “Hindi nakapag-tutbras si Facundo!”

Tila tinutukso ako nang tadhana at ako talaga ang napagdiskitahan ni Doktora Edwina. “Facundo, ano ang unang hakbang sa pamimilosopo na napatunayan na sa paglipas ng panahon?” Tumayo ako nang dahan-dahan at kunot noo na tinitigan s’ya. Walang salitang namutawi sa aking mga labi. Biglang may kaklaseng bumulong sa aking likod, “Facundo, my juicy fruit ako dito!” Pinanindigan ko ang aking pangako sa sarili kahit na magalit ang seksing guro.

Tumalikod ang propesora at lumapit sa pisara. Pakiramdam ko’y katapusan na ito ng pananatili ko sa akademya. Nagulat ang lahat nang sabihin n’yang, “Korek ka d’yan! Ang unang hakbang ng pamimilosopo ay ang pagtahimik, pagtitig at paglimi sa mga bagay na umiiral. Paano mo mapag-aaralan ang isang umiiral kung puno ng ingay ang iyong sarili dahil sa walang habas na pagsasalita? At ano naman ang ikalawang hakbang, aber?”

Buong pagtataka akong napabulalas nang di sinasadya, “Haaa!!!? Paanong nangyari iy…?” Biglang sumagot ang propesora, “I like your style! Tama ka. Ang ikalawa ay ang pagtatanong. Nagsisimula ang paglalakbay sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanong. Dahil hindi mo mararating ang karunungan kung ikaw ay magmamarunong.”

Tahimik ang lahat. Nakaalis na ang propesora ay wala pa ring imikan sa loob ng silid. Apat na bagay ngayon ang naglalaro sa isip ng mga kaklase ko:

a. Si Facundo ay malakas ang tsamba.

b. Si Facundo ay isang henyo.

c. Kakutsaba ni Facundo ang mga guro ng akademya.

d. Si Facundo ang may akda ng kuwentong ito.

Kabanata 3 ng seryeng kwentosopiya

Pers Dey in Iskul

Hulyo 14, 2009

Artwork by Kutchai Jovi

Artwork by Kutchai Jovi

Kay ganda ng unang umaga sa akademya. Maaga akong naligo at nagbihis. Maaga rin ako sa klasrum. Maganda ang silid, malinis at sinauna rin ang disenyo. Maya-maya’y dumating na rin ang aking mga kaklase. Ang iingay nila. Ngunit ang ingay na ‘yon ay nawala sa isang iglap nang pumasok ang aming guro…   …si Propesor Katakutan.

Tense na tense ang lahat at napapikit, napayuko nang bahagya nang lumagapak sa mesa ang kanyang bitbit na libro. “Ano ano ang tatlong bahagdan ng ABSTRAKSYONH!” Lahat ay napaigtad sa upuan sa tanong na iyon. Ganun s’ya kabangis. Intro to Pilisopi pa lang ay abstraksyon na ang tanong. Op kors, walang nakakaalam nun.

Tila nagbibiro ang tadhana at sa akin lumapit ang propesor. “Facundo!” Halos bumaon ang likod ko sa sandalan nang itutok n’ya ang kanyang mukha sa karakas ko. “Po!? Ah! Eh!” Dahan dahan akong tumayo habang umiikot ang mata, naghahagilap ng kasagutan sa dingding, kesame, pisara at kung saan-saan. “Ang abstraksyon po ay…  …ay…   … ay ang pagmamasid at pagbibilang ng sasakyan at pagpikit…  …hanggang…    …hanggang mapanigipan ko sila,” tugon ko habang nangangatog ang tuhod. Nagtawanan ang lahat ng kaklase ko. Ngunit biglang nahinto ‘yun nang biglang sinabi ng propesor, “TUMPAK!”

Napanganga ang lahat at napatingin sa akin na lubos ding nagtataka. “Ang unang bahagdan ng abstraksyon ay pagkilala sa pag-iral ng mga dumadaang sasakyan. Ikalawa ay pag-husga sa mga katangian ng umiiral, ng katigasan, kulay at bilang ng mga dumadaang sasakyan. At ang ikatlo ay ang pag-piga ng katas ng kanyang pag-iral, katas ng esensiya na naiiwan sa iyong balintataw at panaginip,” paliwanag niya.

Lahat ay nakanganga pa rin, pati ako, nang lumabas ang propesor. Nakalabas na ang lahat ngunit tulala parin ako. Tinapik na lang ako ng huling lumabas. “Lakas ng tsamba mo, Henyo!”

Kabanata 2 ng seryeng kwentosopiya

Pagsapit sa Akademya

Hulyo 12, 2009

Eksayted kong binaybay ang masukal na gubat, inakyat ang mga bundok at tinawid ang mga ilog upang makarating sa Iskul ob Pilosopi. Sa wakas natanaw ko na rin ang nasabing akademya. Ayun nasa ituktok ng bundok! Ibinuhos ko na ang natitirang lakas para akyatin ang natitirang pagsubok.

Tagaktak ang pawis ko nang makarating sa taas. At dun tumambad sa paningin ko ang isang lumang gusaling bato. Malawak ang bakuran na puno ng tanim na gulay na dinidiligan ng mga istudyante. At sa may patyo nakatayo ang punong guro ng iskul. Matanda na sya, puti ang buhok at mahaba ang balbas. In short, mukha siyang kung fu master. Lumapit ako at nagpakilala sa kanya, “Ako po ay mag-a-aplay sana upang mag-aral sa inyong akademya.” Ngumiti siya at tinanong ako kung ano ang alam ko sa pilosopiya, siyensiya, matematika at sining. “Wala po…    …ang alam ko lng ay magbilang ng mga sasakyang dumadaan,” tugon ko. Umiling iling na lang ang matanda at napabulong, “Kaawa-awang nilalang!”

Bagamat bulong ay narinig ko ang kanyang sinabi at ako ay na-hurt. Gusto kong itago ang aking pag-ngiwi at pinigilan ang pagtulo ng luha. Ngunit laking gulat ko sa sunod na tinuran ng matanda, “Tanggap ka na!” Sa laki ng tuwa ay biglang nayakap ko at nahalikan sa pisngi ang matanda. Bigla akong natigilan at na-conscious sa aking ginawa at unti-unting kumalas sa pagkakayakap at ni-regain ang composure.

Dumating ang katiwala at sinamahan ako sa aking silid. Payak ang silid ngunit malinis. Gawa rin ito sa bato na tila panahon pa ng kastila. Habang inaayos ko ang mga gamit ay napansin ko ang isang kapirasong papel na nakapatong sa mesa. Binasa ko ang nakasulat. Nagimbal, nahintakutan at nangatal ako sa nilalaman: BAWAL ANG TEXT, COMPUTER GAMES AT FACEBOOK.

Kabanata 1 sa seryeng kwentosopiya.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.