Ideyang Kadiri

Abril 19, 2018

Eto ang pinakamahirap.. ..ang magsulat tungkol sa mga bagay na di ko gusto.

Bagaman pinipigilan ako ng aking kinalakhang kaisipan, ang iskeptisismo, nilabanan ko ang aking agam-agam, at naniwala akong magagawa ko. Kaya ayun umusad ang lapis sa pagsulat sa blankong papel, ang dila sa pag-usal ng pinagbabawal na dasal, ang paa ss pagtahak sa maputik na landas.. ..hanggang sa namalayan ko na lang ang sarili na isanasalawan ang naghihinagpis na pokpok, umiiyak sa bangkay ng kanyang kalaguyong natokhang ng mga parak.

Bumulalas ang aking dila na tila propeta na nagbadya ng pagtaas ng bilihin na waring walang poise na pagtahak sa kalbaryo ng buhay.

Ang paa ko’y papunta sa basurahan para kalkalin, magbabaka-sakaling merong tira na panlaman sa tiyan.

Tumawag ako sa telepono, sa kabilang mundo, sa kakaibang dimensyon.. ..upang malaman na brown out din pala doon.

Wala na akong takas, kahit saan ako lumingon ay mabaho, marungis at walang hugis. Nakulong na ako sa mundong kinatatakutan na aking isinulat.

Pero mas gugustuhin ko na ang makulong sa mundong ito.. ..kaysa maghimod ng pwet ng pulitiko.

Advertisements

Pagbagsak ng Iskeptisismo

Pebrero 20, 2018

Pagod na ko sa pakikidigma, pagod na ko sa pakikibaka para sa ideyolohiyang iskeptisismo ng kahariang ito. Lupaypay na mga kasama kong mandirigma, gula gulanit na ang kanilang damit, bali-bali na ang kanilang mga bandila.

Langhap ko ang usok ng nasusunog na balangay na sinalanta ng hukbo ng imperyong Impirisismo. Sa pagsulong ng agham sa daigdig tanging ang kaharian na lamang ng Rasyunalismo ang may kakayanang labanan ang kanilang paglago.

Bakas na sa mukha ng mahal na Sultan ang kawalan ng pag-asa. Tanging si Punong Pantas na lamang ang may mata na walang bakas ng pag-aalinlangan. Nais nang yakapin ng Sultan ang Rasyunalismo upang mapanatili ang kanyang kaharian.

Ngunit iba yata ang nasa isip ni Punong Pantas. Nakatanaw ang mata nya sa walang hanggang laot ngunit ang kanyang diwa ay nakatitig sa isang konsepto. Ang konseptong ito ang dapat makita ng buong hukbo. Ngunit papaano? Pinutol ng mga kaaway ang dila ng pantas, ang dilang nagbigay liwanag sa aming pagsasanay sa pakikidigma, ang dilang nagtanim ng hinahon at alab sa aming mga puso.

Sa kabila ng panlulumo, naroon ang pag-aasam na marinig ang pantas. Ngunit papaano, ngayong malapit na ang paglubog ng araw? Muli naman kami mangangapa sa karimlan ng kamangmangan.

Naghihintay ako ngayon ng bukang liwayway habang nangangatog ang tuhod ko sa lamig ng karimlan, habang tinutusok ng hamog ang balabal ko at baluti. Alam ko sa bukang liwayway, may kasagutan akong masusumpungan…

Epistemolohiya

Disyembre 18, 2015

 Epistemolohiya – galing sa wikang Griyego na episteme na ang kahuluga’y kaalaman o pang-unawa at logos na ang ibig sabihi’y pag-aaral ng; isa itong sangay ng pilosopiya na nag-aaral kung paano natututo ang tao.

Katotohanan- ang pagtutugma kung ang nasagap ng isip mo’y siya ring uumiiral sa labas nito.

Parang relihiyon din ang pilosopo, kanya-kanyang pamamaraan ng pagsamba sa katotohanan at lahat ay nagsasabing sa kanilang panig ang katotohanan.

Naririto ang ilang uri ng relihiyon sa bubong ng epistemolohiya:

1. Rasyunalimo – ang kaalaman ay nasa isipan na natin mula pa noong tayo’y pinanganak.

2. Empirisismo – ang kaalaman ay masusumpungan sa pamamagitan ng mga sentido: pandamdam, paningin, pandinig, panlasa at pang-amoy.

3. Iskeptisismo – pinagdududahan na totoo ang mga nakikita, naa-amoy, nararamdaman, nalalasahan at naririg.

4. Monismo- namiwalang lahat ng nasa palugid nila ay bahagi ng kanilang sarili, sa ang indibidwal at uniberso ay iisa.

Kung papanig lamang tayo sa isa sa mga reliyong nabanggit maliligaw tayo. Kaya sumapi na lang kayo sa relihiyong itatayo ko, sa relihiyong ito itunuturo na ang kaalaman ay madusumpungan sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang;

1. Mga sentido – ang unang hakbang sa pagkakaroon ng kaalaman sa pamamagitan nag pagsagap ng mga hugis sa labas ng isip natin. Ito ang pagkakaroon ng konsepto.

2. Pangangatwiran – ang mga konsepto ay isinasaayos ng ating isip upang bigyan ng harmony ang mga konsepto. Ito ang tinatawag na lohika.

3. Pagka-malikhain – ito ang pagtuklas ng isipan sa mundong labas ng konsepto at lohika. Ang isip ay lumilikha ng mga bagay na wala pa sa kasalukuyang konsepto at lohika. Minsan, ito’y pagbabagong anyo ng konsepto o lohika o paglikha ng bagong konsepto at lohika batay sa kasalukuyang alam na natin sa mundo ng ating isipan.

4. Eksperimento – pagsubok kung ang bagong likhang isip ay uubra sa mundong pisikal.

6. Diyalektiks – pagsasalpukan ng kasalukuyan konsepto at lohika ang bagong likhang isip. At dito ipapapanganak ang “synthesis.”

Sa madaling-sabi, ang kaalaman ay isanh ebolusyon. Kung titigil lamang tayo sa isang hakbang, di tayo lalago.

Gambalain Mo Ako

Hulyo 12, 2014

20140712-194759-71279583.jpgLahat ay gustong makinig ng kuwento; mga kwentong nakakatuwa, nakakaaliw, nakakakilig at nakakabilib; mga kwentong tila drogang nagpapalimot sa mapait na katotohanang tinatahak.

Bibihira lamang ang gustong makinig sa mga kuwentong nakakagambala, mga kwentong nanunuot sa budhi at lumuluray sa bawat hibla ng kahihiyang sumasaplot sa ating pagkatao.

Kay sarap hambalusin ang ganung kwento, lurayin at itapon sa kadiliman sa labas habang tinatakpan ang ating tenga at nagko-kontempleyt sa bumbilyang biglang lumilitaw sa itaas ng ating bumbunan.

Kay sarap tagpian ang sugat upang di na gumaling; kay sarap harapin sa salamin ang mukhang hindi totoong atin.

Naglalakad akong nakapiring at tumutulay patiwarik. Huwag n’yo akong akayin, huwag n’yong tanglawan ang aking mata, huwag n’yong iparinig sa akin ang kwentong nakakagambala. Okey lang ako! Peks man. Okey na okey ako.

Parang awa nyo na..

Alegorya Ng Langgam

Abril 2, 2014

Pinuna ko ang langgam, ‘Bakit ganyan ka maglakad?’ Sumagot ang langgam, ‘Normal ang lakad ko, ba’t ganyan ka mag-isip?’

At ibinuton ko ang sisi sa aking mga mata. Sumagot ang mga mata, ‘Tama ang aking nakita, mali ang iyong pandinig. Di naman nagsasalita ang langgam.’

Balanse

Oktubre 7, 2013

kalug-0155.jpg‘Bakit po may batas na maging balanse ang kosmos,’ tanong ko kay tandang Karunungan. ‘Bakit may liwanag at dilim, lalaki at babae, sakit at kasiyahan, may mabuti at masama,’ dagdag ko habang siya ay walang imik na nakatanaw sa dagat. ‘Alipin ba ang mundo ng batas na ‘yon? Wala na tayong kalayaan? Totoo ba ang Karma, ang Yin at Yang?’ Patuloy ang aking pagtatatalak habang ang kanyang mga mata’y nakatitig sa walang hanggang dulo ng dagat. Naririnig kaya ako ng matanda, nagninilay kaya siya sa aking mga katanungan?

Nakabibingi ang katahimikan nang mapahugot ako ng isang malalim na buntong hininga. At sa aking pag-exhale ay naulinigan ko ang isang matining ng utot. Bigla akong napalingon sa matanda. Nakatingin pa rin siya sa kawalang hanggan ng dagat na wala man lang bakas ng pagiging ‘guilty.’ Patuloy kong pinoproblema ang balanse sa kosmos. ba’t nga ba ako apektado nito.

Nawalan ako ng pag-asang maririnig ang kasagutan at nagsimulang humakbang pauwi sa bahay. ‘Hindi permanente ang balanse,’ bigla akong napalingon. Nagsalita na si tanda, ‘Nawawala ang balanse bilang pagbibigay daan sa pagsilang at pagkamatay, pag-iral at pagkawasak. Muling babalik ang balanse upang kupkupin ang bagong pag-iral at hilumin ang pagkawasak.’

Nagpasalamat ako sa matanda at masayang lumakad pauwi. Di pa ako nakakalayo’y narinig ko ang sunod-sunod na utot.. ..napahinto ako ng lakad, napabuntong-hininga uli at saka lumakad muli pauwi. Nakuha ko na ngayon ang ibig sabihin ni Tandang Karunungan..   ..SUPERNOVA.

Iskeptisismo

Agosto 22, 2013

Maaaring totoo
Maaaring hindi.
Maaaring kalahating totoo
O kaya’y totoo paminsan-minsan.

Maaaring naglolokohan lang tayo.

Lohikal nga ba o sikolohikal?

Kahibangan o Pamamaraan?

Totoo kaya ang pusang tumatawid sa daan?
Baka guni- guni lamang.
Dinadaya kaya ako ng aking pandinig,
Ng aking pakiramdam na kumukulo na ang aking sikmura?

Hindi ko dapat lubos pagkatiwalaan
Ang aking panlasa at pang-amoy.

Umiiral nga ba ang batong lumilipad papunta sa ‘kin?

Ayun, narito na ako sa Ospital
Nang dahil sa punyetang Iskeptisismong yan.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.