Gambalain Mo Ako

Hulyo 12, 2014

20140712-194759-71279583.jpgLahat ay gustong makinig ng kuwento; mga kwentong nakakatuwa, nakakaaliw, nakakakilig at nakakabilib; mga kwentong tila drogang nagpapalimot sa mapait na katotohanang tinatahak.

Bibihira lamang ang gustong makinig sa mga kuwentong nakakagambala, mga kwentong nanunuot sa budhi at lumuluray sa bawat hibla ng kahihiyang sumasaplot sa ating pagkatao.

Kay sarap hambalusin ang ganung kwento, lurayin at itapon sa kadiliman sa labas habang tinatakpan ang ating tenga at nagko-kontempleyt sa bumbilyang biglang lumilitaw sa itaas ng ating bumbunan.

Kay sarap tagpian ang sugat upang di na gumaling; kay sarap harapin sa salamin ang mukhang hindi totoong atin.

Naglalakad akong nakapiring at tumutulay patiwarik. Huwag n’yo akong akayin, huwag n’yong tanglawan ang aking mata, huwag n’yong iparinig sa akin ang kwentong nakakagambala. Okey lang ako! Peks man. Okey na okey ako.

Parang awa nyo na..

Pagod Ako

Mayo 4, 2011

Lawit na ang aking dila.
Tila walang nang katapusan ang pagpapagal.
Wala na ring sagot sa ‘king mga dasal.

Tagaktak ang pawis,
Bugbog ang kalamnan,
Nalosyang na ang aking kagandahan.

Hapdi ng sikat ng araw,
Kirot ng namamagang sugat
Ang nangingibabaw sa aking gunita.

Malayo pa ba ang lalakbayin?

Ngunit ang walang katapusang pasakit
Ay likha lang pala ng isip
Na nagtakda ng sukatan,
Ng isang perpektong konsepto.

Akala ko tuloy ay bigo na ang lahat
Ng pagbabata at pagtitiis.

Tumubo na pala ang buto
Na aking itinanim
Noong panahong inakala kong…

…nakukuha sa iglap ang kaganapan.

Hudyat

Enero 7, 2011

Kuha ni Arvin Acosta

Ipagdiinan ko man
Ang pagtupad ng hangin
Sa direksyong itinakda ng unos,
Hindi maikaila ang pagtanggi
At pagbabagong hugis.

Basag na ang latang
Gumugulong sa bitak-bitak na kalsada;
Maligagam na ang patak ng luha
Sa pisngi ng nakaupong matanda.

Isa-isang lumalagpak ang mga butil ng palay
Sa lupang hindi na kailanman bubungkalin;
Makulimlim na ang dapithapon
Habang inaawit ko ang himig ng pagpanaw.

Walang humpay kong tutugtugin ang aking gitara
Hanggang sa tumigas na ang aking panga,
Hanggang sa mapudpod na ang aking daliri,
Hanggang sa mabasag na ang aking lalamunan.

At kung wala nang lirikong mamutawi sa aking bibig,
Basahin mo na lang ang aking isip.
Gawin mong salamin ang aking mga mata
At bilangin ang ritmo ng aking paghinga.

At Kapag umagos ng ang dugo sa aking dila,
Silaban mo na ang tumpok ng kahoy
Na pinagtiyagaan kong tipunin…

…Noong uso pa ang tag-araw.

Kapital

Disyembre 16, 2010

Inisketch Ni Arvin Acosta si Alipin

Himlay na ang araw ngunit gumuguhit pa rin ang kanyang sinag sa dingding ni Kanluran. Kumakain ako sa aking sosyal na hapag kainan. Pagal ang aking isip sa maghapong usapin ng pangangasiwa ng aking tribu. Lumapit si Alipin upang ako’y pagsilbihan. Pabiro ko siyang tinanong, “Bakit mo ako pinagsisilbihan?” Sumagot si Alipin, “Dahil ito ang hinihingi ng batas kapital at pulitika.”

Nagulat ako, nangalisag ang balahibo. Ba’t ganito sumagot si Alipin? Ano kaya ang nakain nito? Lasing na ba ako sa kalahating basong Tuba? Inuntog ko ang ulo ko sa dingding upang matukoy kung lasing na ako o nananaginip lang. “Inuuntog mo ang ulo mo dahil alipin ka ng iskeptisismo,” turan ni Alipin. Nahintakutan ako at napabulalas, “Pantas ka ba, henyo, mad scientist o isang rapper?” Tumugon si Alipin, “Hindi ako pantas, rapper lang. Mapagmasid lamang ako sa galaw ng klima sa dagat, sa siglo ng pagtanim at sa pagtatagpo ng mga kaisipang magkasalungat.”

“Noong nakapangaso ang iyong mga ninuno nang higit sa sapat sa kanilang kailangan, nakapagpahinga sila sa pangangaso nang araw-araw. Nagkaroon sila ng panahon upang maimbento ang pana. At naging mas madali ang pangangaso. Ang unang sobrang pagkain ang unang kapital na lumago at nauwi sa pagtuklas ng iba pang teknolohiyang nagpayaman sa kanila upang makabili ng mga aliping tulad ko. Alipin ka ng pangangasiwa sa kapital na iyong minana.”

“Ngunit ako ang pinagsisilbihan mo,” hirit ko. Tumugon si Alipin, “Ang pasisilbi ka sa ‘yo ay bahagi lamang ng sistema ng kapital. Ikaw ang higit na alipin dahil nasa balikat mo nakasalalay ang paglago at paglaho ng kapital. Mas pinili kong maging malaya, makatulog ng mahimbing na walang pinangangambahang pagdating ng isang magnanakaw, ng isang mananakop o ng isang rebelyon.”

“Tapos na ang aking pagsisilbi. Ako’y yayaon na.” Di ako nakapagsalita. Di ko rin makain ang masasarap na pagkaing kanyang inihanda. Tulala akong pinagmamasdan si Aliping naglalakad palayo. “Text ka lang kung kulang ang kanin,” pahabol ni Alipin.

Namalayan ko na lng ang aking sarili sa nasa isang madilim na silid. Tahimik, wala akong naririnig kundi mga mumunting patak ng tubig mula sa isang gripong di gaanong nasarhan. May munting sinag na lumalagos sa isang maliit na bintana. At sa kaunting liwanag na ‘yon ay nababanaagan ko ang mga tanikalang iginuhit sa pader.

Di ako gumagalaw mula sa aking pagkakaupo sa sahig. Nakatitig ako sa mga iginuhit na tanikala, titig na matagal, ninanamnam ang kanyang kahulugan. Hindi ko namamalayan na pumapatak na ang aking mga luha. Ang mga iginuhit na tanikala, tila sa akin nakagapos; pumupulupot sa buo kong katawan. Sinasakal n’ya ang aking mga bisig, paa, leeg, pati ang aking laman-loob, ang aking baga, puso, atay at balunbalunan. Parang binabanat ang aking mukha at ang aking isip ay umiinog sa mundong walang pakialam.

Ramdam ko sa mula sa aking kaloob-looban ang hadpi ng kahapon. Nagpupumiglas ang mga damdaming pinigilan ng matagal na panahon, gustong kumawala, gustong maging malaya. Nagpupuyos naman ang galit na lagi kong nilulukuban ng mabait at pasensyosong mukha. Umaalma ang mga pagnananasang tinakpan ko ng disenteng kasuotan at iskapularyo. At gustong sumambulat ang mga ideyang itinuring ko na marumi at kalapastanganan. Lahat sila’y pinigil ng tanikala.

Nakatitig pa rin ako sa pader. Ramdam ko ang kanyang pahiwatig. Patuloy ang pag-agos ng aking luha. Sumama ang aking sipon. Tumulo na rin ang aking laway. At pabulong ngunit galit kong sinabi, “Tangna mo, tanikala, TANTANAN MO ‘KO!!!” Bigla, may narinig akong tinig, “HINDI KITA TATANTANAN!!!” Aba! Nagsalita si tanikala! Ka-boses n’ya si Mike Enriquez. Namamalikmata ba ako? Naistorbo ko ba ng mga anito’t kaluluwang naglipana sa silid na ‘to? Wala naman akong nagawa sa kanilang masama kundi ang mag-emote dito mag-isa.

Napabuntong hininga na lang ako, umiiling, habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo. Sa wakas, nahimasmasan na rin ako. Wala na ang tinig, normal na uli ako. Hindi na rin nagsasalita ang tanikalang iginuhit sa pader. At naipangako ko sarili ko…  hindi na ako muling hihitit ng katol. Hinding hindi na. Promise!

Inilipat mula sa lumang ko blog “Mga Kathang Isinulat Sa Dagta.”

Gusto Kita…

Marso 20, 2010

Taliwas sa mga isinulong ng asceticism cynicism at stoicism, hindi naman talaga masama ang pagnanasa. Ang pagnanasa ang nagpapanatili sa eksistensya ng organikong materya. Kung wala and pagnanasa hindi magkukusa ang mga tanim at hayup na lumago, humanap ng pagkain at magtalik. Kaagapay nito ang takot, bagaman negatibo ang natura nito, sa nasabing subsistensiya.

Paparusahan ko ba ang sarili? Hindi ba dapat akong mag-enjoy sa kinakain kong pakbet o sinigang? Teka, masama din naman kung hindi natin ma-appreciate ang ligayang dulot ng pag-iral. Sabagay, may dulot ding maganda ng pagpipigil sa sarili…  …disiplina. Pero dapat ay malinaw kung ano ang nais mong marating. Hindi porke’t sinaktan mo ang sarili mo’y nakagawa ka na ng kabutihan. Aktwali, masama ang pananakit sa sarili. Nagiging mabuti lamang ito kung nais mo lamang matutung pahalagahan ang eksistensiya kesa sa pagnanasa.

Sa pagpapatuloy ng ating pag-iral, kakambal na nito ang pagnanasa. Ang tanong…    …paano natin pinangangasiwaan ito? Baka naman sa halip na pangangasiwa ay pagpapaalipin dito ang ginagawa natin. Imbitasyon ito upang magmuni. Baka taglay na natin ang mga sumusunod na sintomas ng masyadong pagpapahalaga sa pagnanasa kesa sa eksistensiya:

1. Pagkagahaman sa anumang bagay na materyal tulad ng pagiging mukam-pera, masiba at mapagsamantala.

2. Pagkapit-tuko sa pwesto sa pamamagitan ng pagkapal ng mukha at bulsa.

3. Hindi na alam bigkasin ang salitang “kuntento na ako” dahil lahat ng pwedeng ariin ay pinagnanasaan.

4. Hindi na marunong magsabi ng totoo. Hindi rin totoo sa pakikitungo…  …in short, plastik.

Marami pang mga sintomas na di nabanggit at nakakatakot na sa halos lahat ng sulok ng lipunan at naroon ang mga ito. Kelan kaya tayo magigising isang umaga at natatanto na nasa atin na halos lahat ng kelangan natin? Wala naman masama sa maghangad pa ngunit isipin natin na baka sa proseso nito ay maipagkait natin ang pangangailan ng iba.

Kaya sa susunod na sasabihin mo sa ‘yong crush na “gusto kita…” idugtong mo ang mga katagang “…dahil nais kong pahalagahan ang eksistensiya.”

Hinahon

Nobyembre 22, 2009

Buhay ang enerhiya sa loob,
Hindi mapakali,
Gustong gibain ang mga pader
Na tinawag nilang kabaitan.
Gusto nitong kumawala
At sumambulat sa hangin
Upang tangayin ng along humihikbi sa dalampasigan.

Nginig na ang aking moog,
Ngatal na ang aking kalasag.
Tila daluyong humagupit ang reklamo sa aking katinuan.
Ayoko nang marinig
Ang mga katagang pag-asa.
Ayaw ko nang paniwalaan
Ang pangitain ng pagbabagong anyo.

Dinig ko ang lagutok ng aking litid,
Ramdam ko ang pintig ng aking pulso.
At bawat tiktak ng orasa’y
Nagbabadya ng kawalang-hanggan.
Gusto kong hilahin ang panahon,
Gusto kong hudyatan ang bilis.
Ang isang saglit ay tila dantaong lumilipas.

Ubos na ang aking pasensiya.
Patid na ang aking pisi.
Wawakasan ko na ang pagtitimpi.

Naipakita ko na ang aking kahinahunan.
Naubos na ang aking pagpipigil sa sarili.
Kailangan nang isaalang-alang
Ang naghihingalong eksistensiya.

Dapat sana’y nakinig ako.
Pinaniwalaan ko sana ang mga dalubhasa.
Tama nga pala ang sinabi ng doktor…

…masama talagang pigilin ang utot.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.