Tutol na ako noon pa sa tila madaliang implementasyon ng K+12 Program ng Kagawaran ng Edukasyon [DepEd]. Malinaw na hindi pa handa ang bansa sa ganitong uri ng sistema. Bagama’t napakaganda ng ideya. Ang pagdadagdag ng taon sa pag-aaral ay dagdag gastos at mapapahaba ang panahon na bubunuin sa pag-aaral. Gayunpaman, mas magiging epektibo ang edukasyon kapag hindi pinagkakasya sa maiksing panahon ang mga asignatura.

Ngunit handa na nga ba tayo sa K+12? Ang dapat tutukan ng ating pamahalaan ay ang kakulangan ng mga gusali at iba pang pasilidad sa paaralan, ang kakulangan ng mga de kalidad na aklat at ang kakulangan ng kwalipikadong guro. Medyo mahaba-habang pagsasanay ito sa mga guro at marami-marami ring gusali ang dapat itayo.

Sabagay, dahil sa kaluwagan ng pamantayan ng mga pampublikong paaralan, madami ang nakakapasa na kulang sa kaalaman. Ang nangyayari, nagkikipag-sisiksikan ang mga “di dapat pumasa” sa mga nakapasa sa iisang silid aralan. Kapag  naghigpit ang mga guro, hindi na natin kakailanganin ng maraming dagdag na silid aralan. Mas makakabuti sa bansa ang konti ang graduates ngunit magagaling kesa nakaparaming nagtapos na walang namang alam. At siyempre, dapat maghigpit din sa pagpili ng guro. Bawal na dapat ang padrino system.

Dahil hindi na natin mapipigilan ang pagpapatupad ng K+12, imungkahi na lang natin sa DepEd na magdagdag ng pasilidad at higpitan ang pagsasala sa mga guro at istudyante. Dahil napapanahon man o hindi, umuusad na ang programa, at ito ang magdidikta sa kinabukasan ng paghuhubog ng kaisipan.

Earth Hour na naman mamaya. Papatayin natin ang mga ilaw sa loob ng isang isang oras. Napakaganda ng pakana na ito ng World Wildlife Fund [WWF], ngunit epektibo nga ba? Nabawasan nga natin ng isang oras ang pag-gasta ng kuryente, ngunit katiting lang ito kumpara sa 8,784 na oras ng taong ito, nasa 0.01% lamang. Sabagay, nakakatulong ito sa pagpapalaganap ng kamalayan sa Climate Change.

Nakailang Earth na tayo, tila walang epekto ito sa mga industriya. Patuloy ang pagbuga ng usok sa mga pagawaan sa Estados Unidos, ang bansang pinamulan ng WWF. At ang tsina ay patuloy sa pag-arangkada sa industriyalisasyon at humahabol sa Tate na maging numero unong tagabuga ng usok sa hangin. Patuloy din ang pagkalbo sa ating mga gubat, patuloy ang mga minahan. At ramdam na namin ang epekto sa mga sunod-sunod na sakuna.

Abnormal na ang klima. Hindi na ordinaryo ang buhos ng ulan. Sira na rin ang siglo: nagkakaroon na rin ng ulan sa tag-init at nagkakaroon ng tagtuyo sa tag-ulan. Dahil dito, apektado ang ilan sa mga pananim na naka-depende sa naturang siglo.

Bagaman maliit ang epekto, kalampag na rin siguro ito sa mga malalaking kumpanya at mga dambulahang bansa na magbawas ng buga ng karbon sa atmosphere dahil tayong maliliit ang lubos na naapektuhan.

Pero bilib din ako sa Tate. Napakabagal ang pagtugon nila sa usaping Climate Change habang nagpapadala sila ng kakarampot na “aid” sa mga mahihirap na bansa upang maglunsad ng mga programa sa “Climate Change Adaptation.”

Gayumpaman, sige lang. ‘Wag tayong makuntento sa pagpatay ng ilaw. Mag-rally tayo upang patigilin ang mga minahan at mga trosohan, isuplong natin ang mga nagdidinamita ng isda, magtipid na rin tayo ng tubig at kuryente. Higit sa lahat i-tsismis natin sa ating kapit-bahay ang tungkol sa Climate Change.

Guro

Disyembre 7, 2011

May ebolusyon ang salita,
May tilamsik ng diwa,
May pagtitimpi ang pagkakataon,
May pagbangon ang pagkapahiya.

Sa aking pagtitig sa ‘yong pagkusa,
Sa bahid ng katwiran sa ‘yong gilagid,
Bigkasin mo naman ang aking himig,
Upang sa aking paghulma
Sa nakalakhang sistema
Ay maririnig ko
Ang mga konseptong iyong iniukit
Sa imortal kong kaisipan.

Socratic Method

Agosto 2, 2011

Ang Socratic Method is isang uri ng pagtuturo kung saan ang guro ay ang nagtatanong sa estudyante sa halip na mag-lektyur. Sa ganitong paraan ang pagtatanong ay nagiging isang isang uri ng gabay na matumbok ng mag-aaral ang kasagutan sa pamamagitan ng sarili. Nasa likod nito ang pilosopiyang ang tao ay may kakayanang tuklasin ang katotohanan sa pamamagitan ng pangangatwiran.

Ipinangalan ang teknik na ito sa pilosopong nagpasimuno nito, si Socrates. Minsan daw kaseng tinuruan ni Socrates ng Math ang isang bata sa pamamagitan lamang ng pagtatanong. Natuto ang bata sa matematika sa pamamagitan ng sariling pagtuklas. Doon naghinala si Plato, isang disipulo ni Socrates, na ang mga ideya ay nasa loob na ng isip bago pa man ipanganak ang isang indibidwal. Doon nagsimula ang doktrinang rasyunalismo ni Plato. Ayon sa kanya ang katotohanan ay nasa “Mundo ng mga Ideya” at ang mga nakikita natin ay larawan lamang ng realidad mula sa mundong ito.

Ang hindi alam ni Plato, ang pangangatwiran ang nagdala sa bata sa karunungan at hindi ang ideya. Ito ang bagay na binigyan diin ni Aristotle sa kanyang doktrinang “empirisismo.” Ayon kay Aristotle ang isipan ng tao ay isang tabula rasa o blankong papel. Nagkakaroon tayo ng ideya dahil sa ating mga nakikita, naririnig at nadarama.

Sa ngayon, maraming nang guro ang gumagamit ng ganitong uri ng pagtuturo. At hindi lamang kaalaman ang hatid nito kundi kumpiyansa sa mga estudyante. Dito natututo ang mga estudyante sa pag-susuri, pagtatagni-tagni at pagbuo ng ideya gamit ang sariling abilidad. Gayunpaman, ito rin ang pinakamahirap sa pamamaraan dahil kailangan dito ang galing sa pag-gabay sa estudyante sa pagtumbok sa kasagutan.

Napakahalaga ng pagtatanong. Hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa ating mga sarili. Minsan nakakalimutan na nating magtanong sa mga bagay-bagay dahil bingi na tayo sa ingay ng mundo. At dahil dito, hindi na natin magawang lumago.

Workshops Offered: Bead Works, Fire Dancing, Percussion, Drums, Violin, Basic Guitar, Bass Guitar, Lead Guitar, Photography, Didgeridoo, Poetry, Theater, Basic News Writing, Creative Arts for Children, Basic Painting, Sand Art, Eco-Bag Making, Voice Lesson, Gods Forgotten Children Trainors Training, Shirt Printing and Basic Keyboard… …Registration Fee 100.00 for El Nido Residents

Guni-Guni

Disyembre 14, 2010

Tumatawid ako sa ilog na walang katapusan. Anlamig ng tubig na unting-unting nagiging maligamgam. Na-shock ako! Dahil nagiging berde ang tubig. Nakatawid akong nag-iisip, nagtataka at naguguluhan. Nililimi ang pagligamgam at pag-berde ng tubig. Bago ko lang naalala na wala palang katapusan ang ilog na aking tinatawid. Bakit ako naka-ahon?Kaya bumalik ako sa tubig.

Patuloy ang aking pagbagtas sa ilog na walang katapusan. Hanggang sa bawat hakbang ko’y isang pagtahak sa kalaliman. Lumubog ang aking dibdib, ang aking leeg hanggang sa bumbunan ko na lang ang nahahanginan. Aba! nakakahinga ako sa ilalim ng tubig. At ang tubig, lasang sopdrink. Hindi ko na maramdaman ang hila gravity. Dahil ako’y nakalutang na sa isang likidong di mawari ang laro sa mundo ng Chemistry o Physics.

Nagpasirko-sirko ako sa lawak ng malalim na dagat. Napakaraming bula…   …at unti-unting kinakain ng bula ang aking balat, patungo sa aking kalamnan hanggang sa aking mga litid. At bago patuloy na maluray ang aking mga buto ay minabuti ko nang ihinto ang pangangarap nang gising.

Mataas na ang araw nang matagpuan ko ang aking sarili sa tabi ng dalampasigan, sa mundong tunay, sa kasalukuyang kinalalagyan ng aking katawang lupa.

Gumuhit ako sa lupa. Iginuhit ko ang laksa-laksang imahinasyong itinatapon lang sa kawalan ng mga walang magawa. Kung titipunin sana ang imahinasyon ng lahat ay makakabuo ng isang pagkilos na magsusulong sa paglago ng agham, ekonomiya at edukasyon.

Hitik sa imahinasyon ang bansa. Dama ko ang pintig nito kabi-kabila. Ngunit ang mga ito’y imahinasyong walang direksiyon, walang kahulugan, walang pinatutungkulan, walang pangangasiwa, walang pagpapahalaga. Kailan kaya itatayo ng republika ang kagawarang mangangasiwa sa ating guni-guni? Paano kaya tatawagin ito? Kagawaran ng Imahinasyon? Pangasiwaan ng Guni-guni?

Paano tuturuan ng kritikal na pag-iisip ang mga mag-aaral kung ang kagawaran ng edukasyon mismo ay wala nito? Hindi karagdagang taon ang kailangan kundi ang pagbabago ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Talagang desidido na ang Kagawaran ng Edukasyon, sa pangunguna ni Sec. Armin Luistro, na ipatupad ang kanilang K+12 Program. Layon ng programang ito na dagdagan ng 2 taon ang pag-aaral ng mga bata sa elementarya at hayskul. Ayaw paawat ng kagawaran, kahit na kabi-kabila ang kilos protesta, sa paniniwalang meron silang “political will.”

Kawawa naman ang mag-aaral ng Pilipinas dahil nagkamali si PNoy sa pagtatalaga ng DepEd Secretary. Kawawa sila dahil ano na lang ang matututunan nila kung mismong ang namumuno sa kagawaran ay wala nang pag-asang matuto, hindi nakikinig, hindi kritikal mag-isip at walang creativity.

Gayunpaman, may ilang praktikal na mungkahi ako para sa kagawaran:

1. Una, magkaroon muna ng assessment pa-tungkol sa takbo ng edukasyon sa bansa: tungkol sa sistema ng pagtuturo, kakayahan ng mga guro, pasilidad at kalidad ng mga teksbuk. Magkaroon ng pagsasaliksik na galing sa kagawaran mismo, hindi ‘yung babasehan lamang nila ang pag-aaral mula sa ibang bansa.

2. Bigyan ng kaukulang training ang mga guro na hindi papasa sa assessment. Turuan sila sa mga epektibong paraan ng pagtuturo.

3. Magsagawa ng isang pagsasaliksik sa mga estudyante mismo. Alamin kung anong paraan ang mas makakatulong upang magkaroon sila ng atensyon sa mga itinuturo.

4. Magkaroon ng monitoring system sa mga guro upang masiguro na hindi sila nagpapabaya sa tungkulin at ang kalidad ng kanilang istratehiya ay epektibo.

5. Magkaroon ng sistema ng akreditasyon sa mga mga textbooks. Dapat ang aprubahan lamang ay ang may kalidad at hindi ang akda ng “malalapit” lamang sa mga nagpapatakbo ng kagawaran.

6. Linisin ang kagawaran sa kurapsyon. Gamitin ang matitipid na pondo sa karagdagang libro at mga pasilidad.

7. Turuan ang mga bata ng tamang pagkain. ‘Yung mura at masustansya, hindi ang mga titsirya at softdrinks. Nakakatulong ang tamang nutrisyon sa pagkakaroon ng kaalaman.

8. Ang “attitude” ng bata sa klase ang pinaka-makakatulong sa kanya. Hubugin silang maging masipag, creative, kritikal mag-isip at tapat.

9. Palitan si Sec. Armin Luistro kung hindi niya gagawin ang mga bagay na ito at kung ipagpipilitan pa rin niya ang sinasambang K+12 Program.

Mga mungkahi lamang ito. Hindi naman kelangan maging isa kang pilosopo upang makaisip ng mga praktikal na sulusyon sa mga kakulangan ng DepEd.

Isang mensahe para kay Sec. Luistro: “Common sense!”

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.