Masusunod Boss, Amo!

Hunyo 12, 2012

May iba’t-ibang uri ng pagsunod: ang unang uri ay ang pagtalima dahil sa pagmamahal;  ang ikalawa ay dahil sa kapalit at ang ikatlo ay ang pagtalima dahil sa pagbubulag-bulagan.

Ang pagtalima dahil sa pagmamahal ang unang hakbang sa pagiging isang mabuting lider. Ang pagtalima naman dahil sa kapalit ay ang unang hakbang tungo sa pagiging ‘plastik.’ At ang bulag na pagtalima ang unang hakbang tungo sa katiwalian.

Huwad Na Hugis

Enero 6, 2011

Piktyur Ni Jeric Delatado

Naglalakad kang walang humpay.
Suot ang isang maskara,
Sa mga kalye ng Bacolod.

Hindi naman nagsasaya,
Naghahagilap lang ng sarili
Sa mga hugis na nakasabit sa dingding
Apuhap ang pintig,
Gagap ang kamalayang
Minsang nanahan sa nakamaskarang ulirat.

Ramdam mo ang sarili
Sa mga avatar na nakabitin.
Nasa kaliwa ang pagkatulig,
Sa pagsasayang walang  laman.
Nasa kanan ang iskeptisismo
Sa mga ngiting nagdaraan.

Kung sa pagsapit mo sa dulo ng daan
Ay muling  marinig ang kakilanlan
Sa sarili mong buto at laman,
Lingunin mo naman ako,
Isang perdibleng nakasabit sa dingding,
Tangan ang mga hugis na nakabandera…

…sa mga maskarang nagdaraan.

Maskara ni Tomas F. Agulto

SK Dapat Alisin

Disyembre 20, 2010

Napakaganda ng layunin ng pagkakatatag ng Sangguniang Kabataan [SK]: Ang maagang matuto sa pamamahala ang mga kabataan. Ngunit sa panahon ngayon, ang nangyayari ay maagang natututong maging corrupt ang mga bata. Nagiging training ground ng mga TRAPO [Traditional Politician] ang SK. Sa murang gulang ay natututo silang bumili at magbenta ng boto. Ito ang kalakalang laganap sa buong bansa. Hindi man naisin ng iba ay nadadala silang ng mga malalaking pulitikong gustong gamitin sila upang mapalawig ang kapangyarihan sa konseho.

Sa aming lugar, umaabot ng 500 piso ang bayad sa bawat boto sa SK. Pagdating sa botohan ng SK Federation President, umaabot sa 10,000 piso plus cellphone ang bayaran. Naririyan pa ang kidnapan at pagkulong sa kanila sa isang bahay upang masiguro na hindi mabibigyan ng mas malaking halaga ng kabilang partido. Kawawa naman ang mga bata. Anong kinabukasan ang aasahan natin sa kanila? Paglaki ng mga ito, sila naman ang manggagamit dahil sanay na sila sa kalakalan ng maruming pulitika.

Hindi ako pabor sa mungkahi ng Sec. Jesse M. Robredo ng Department of Interior and Local Government [DILG] na ‘wag alisin ang SK kundi kelangan lamang ang reporma dito. Para sa akin, ang tunay na reporma ay tanggalin muna sa kabataan ang anumang kapangyarihan at pamamahala sa kaban ng bayan. Aminin man natin o hindi, hangga’t may hawak silang kapangyarihan at may pamamahala sila sa kaban ng bayan, gagamitin at gagamitin lamang sila ng mga matatanda na at beteranong mga TRAPO.

Puwede naman silang tumulong sa pamahalaan bilang organisasyong di-politikal. Maaari naman silang tumulong sa pagtatanim ng puno, paglilinis ng kapaligiran at iba pa pang programa sa espiritu ng bolunterismo. Basta ‘wag lamang muna silang bigyan ng kapangyarihan…   …dahil di pa natin kayang pagtiwalaan ang mga ganid na pulitikong nakapaligid sa kanila.

Sa Pagpinid Ng Pintuan

Agosto 26, 2010

Konting ipon pa
Ng lahat ng sakit, hapdi at pag-aalipusta.
At dahan-dahan kong iguguhit ito sa sahig.

Ikakalat ko ang pintura
At ilararawan ko
Ang lahat ng takot na bumabagtas sa aking kamalayan.

Hayaan mong bumagal ang aking pagpinta,
Kasabay ng pagbagal ng aking hininga.
At sa huling patak ng tubig ulan
Ay hindi ko na maigagalaw ang aking hinlalaki.

Paralisado na ang buo kong katawan,
Luray na ang aking mga litid,
Nilamon na ng mga multo ng nakaraan.

Nais kong ituwid ang pagkakamali…

…Ngunit sa bawat pag-usad ng oras
Ay ang pagpinid ng pintong di na maaaring balikan.

At sa paghugot ko ng malalim na buntong hininga
Ay ang panghihinayang sa mga bagay na dapat sana’y aking ginawa.

Nakalupasay na ako sa sahig,
Iniinda ang hagupit ng nakalipas
Na nakatitik sa aking kaugatan.

Humihiyaw ako
Ngunit walang nakikinig.
Panaghoy ko’y nagkalat sa karimlam
Na pinaghaharian ng mga kuliglig

Akitin mo ako ng iyong titig
At iipunin ko ang natitirang lakas
Upang itulak ang kasalukuyan.

At hindi na ako muling magtatanong…

…kung naimbento na nga ba ang time machine.
Dahil di na ako muling paalipin sa nakaraan.

Gusto Kita…

Marso 20, 2010

Taliwas sa mga isinulong ng asceticism cynicism at stoicism, hindi naman talaga masama ang pagnanasa. Ang pagnanasa ang nagpapanatili sa eksistensya ng organikong materya. Kung wala and pagnanasa hindi magkukusa ang mga tanim at hayup na lumago, humanap ng pagkain at magtalik. Kaagapay nito ang takot, bagaman negatibo ang natura nito, sa nasabing subsistensiya.

Paparusahan ko ba ang sarili? Hindi ba dapat akong mag-enjoy sa kinakain kong pakbet o sinigang? Teka, masama din naman kung hindi natin ma-appreciate ang ligayang dulot ng pag-iral. Sabagay, may dulot ding maganda ng pagpipigil sa sarili…  …disiplina. Pero dapat ay malinaw kung ano ang nais mong marating. Hindi porke’t sinaktan mo ang sarili mo’y nakagawa ka na ng kabutihan. Aktwali, masama ang pananakit sa sarili. Nagiging mabuti lamang ito kung nais mo lamang matutung pahalagahan ang eksistensiya kesa sa pagnanasa.

Sa pagpapatuloy ng ating pag-iral, kakambal na nito ang pagnanasa. Ang tanong…    …paano natin pinangangasiwaan ito? Baka naman sa halip na pangangasiwa ay pagpapaalipin dito ang ginagawa natin. Imbitasyon ito upang magmuni. Baka taglay na natin ang mga sumusunod na sintomas ng masyadong pagpapahalaga sa pagnanasa kesa sa eksistensiya:

1. Pagkagahaman sa anumang bagay na materyal tulad ng pagiging mukam-pera, masiba at mapagsamantala.

2. Pagkapit-tuko sa pwesto sa pamamagitan ng pagkapal ng mukha at bulsa.

3. Hindi na alam bigkasin ang salitang “kuntento na ako” dahil lahat ng pwedeng ariin ay pinagnanasaan.

4. Hindi na marunong magsabi ng totoo. Hindi rin totoo sa pakikitungo…  …in short, plastik.

Marami pang mga sintomas na di nabanggit at nakakatakot na sa halos lahat ng sulok ng lipunan at naroon ang mga ito. Kelan kaya tayo magigising isang umaga at natatanto na nasa atin na halos lahat ng kelangan natin? Wala naman masama sa maghangad pa ngunit isipin natin na baka sa proseso nito ay maipagkait natin ang pangangailan ng iba.

Kaya sa susunod na sasabihin mo sa ‘yong crush na “gusto kita…” idugtong mo ang mga katagang “…dahil nais kong pahalagahan ang eksistensiya.”

Okey Lang Ako…

Pebrero 13, 2010

Takipsilim…
Banayad ang ambon
Na bahagyang bumasa sa aking bumbunan.
Parang nagnanais
Na ako’y apuyin ng lagnat.

Pagod ako…
Sa maghapong paglalakbay.
Kumakalam na ang aking sikmura.
Sa pagdidilim ng aking pagal na isip
At sa paglabo ng aking matang
Walang mahagilap na katotohanan…

…Ay iniabot mo ang iyong kamay.

Salamat sa pagkain…
Ngunit ako’y busog pa.
Salamat sa balabal…
Ngunit ako’y di nilalamig.
Mapagkunwari ang aking mga ngiti
Upang ikubli sa ‘yo ang aking kakulangan.

Di ko mawari…
Kung dignidad ba ang aking pinoprotektahan,
O ayaw ko lang na ikaw ay abalahin,
O kaya’y likas lang akong matiisin.
Baka naman alipin lamang ako
Ng kulturang nag-ugat sa mga balag ng kasaysayan.

Hindi ko alam…

…Kung sasabihin ko ring
“Okey lang ako”
Upang manatili sa kahirapan
At makuntentong alipin ng mga hari.
Pangatawanan ko kaya ang aking kabaitan
Dahil takot akong may masabi sa akin.

Papayagan ko na kayang manatili
Ang kabulukan ng sistemang nakagisnan?
Marahil ay ayaw kong makialam
Dahil mas mahalaga ang aking sarili
At sapat na sa akin ang tawaging
“Mabuting kaibigan.”

At kung sakaling…
Magkaroon ako ng lakas ng loob
Na tanggapin ang hamon ng pagbabago,
Asahan mong susunggaban ko agad
Ang alok mong pagkain
Dahil sa totoo lang,
Nanginginig na ako sa gutom.

Sa pagkakataong ‘yon…

…Magkaroon ka naman kaya
Ng tibay at lakas ng loob
Na sabihin sa akin na…

“Hoy! Magtira ka naman!”

Na Hurt Ako Dun…

Nobyembre 3, 2009

Artwork by Kutchai Jovi

Hapdi, kirot, sakit…
Laman ng panaghoy at hikbi,
Banaag sa mukhang nakangiwi
At sa nginig ng bawat himaymay.

Katarungan ba ang kanyang hatid
O sa liko’y siya ang magtutuwid? ,

Mapapalaya ba nito ang isip
Mula sa presohang tinawag nilang katawan?

Pakiwari ko ito’y sekwensiya
Ng materyang naglalakbay, tumatawid
Sa mga riles ng di matalikdang pagbabago.
Walang lihis, walang mintis
Sa litid ay mananalaytay,
Sa balat mananagana ang mga pasa’t sugat
Hanggang maisakatuparan ang pagdidilim ng isip…

At sa dulo ng dila’y ihahayag ang katagang “Aray!”

Balanse naba ang uniberso?
Nabigyang katarungan na ba ang eksistensiya?
Bakit di umi-ire ang mga batong nagsasalpukan?
Bakit ayaw umangal ang lupang tinatapakan?

Marahil, bahagi nga ito ng proseso…
Ng kalayaan, kamalayan at organikong pag-iral.

At sa pagnanasang makatakas…
Ay nasilayan ko ang lunas.
Sa kakarampot na halaga’y nagawa ko silang tipunin.
Nagkalat sila ngayon sa mesa…
…sandamakmak na mefenamic acid.

Bukas, makalawa’y di na ‘ko magigising
At di ko na muling mawawari…
…ang pag-amba ng kawalan ng pag-iral.

At saka ko mapapagtanto
At buong panghihinayang kong sasambitin…
“Mas mainam palang gamitin ang salompas!”

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.