Pagtaas Ng Piso

Enero 26, 2013

IMG_0267Marami ang natatakot sa pagtaas ng piso, kesyo maapektuhan ang ating exports dahil sa paghina ng ating “selling power” at kesyo mababawasan ng kita ang ating mga OFW [Overseas Filipino Workers].

Sa isang banda tama rin. Pero pansamantala. Hindi naman habang buhay ganito tayo. Ang pagtaas ng piso ay tanda lamang na gumaganda na ang lagay ng ating ekonomiya. Ginagawa naman ng Banko Sentral na huwag maging mabilis ang pagtaas ng piso sa pamamagitan ng pagbili ng dolyar.

May isang magandang dulot ang pagtaas ng piso kontra dolyar: ang paglakas ng ating “buying power.” Unang-una bumaba ang ating pagkakautang sa ibang bansa dahil dito. Ikalawa, mas magiging mura ang pag-import ng mga produkto.

At ito naman ang isang bagay na hindi tinitingnan ng mga exporters natin: ang samantalahin ang paglakas ng piso sa pamamagitan ng pagbili ng mga makinaryang mag-papalakas ng produksyong pang-agrikultura, industriya at serbisyo. Hindi habang buhay ay aasa tayo lagi sa laki ng kinikita ng exports at OFW. Dapat matuto tayo sa pagpa-paunlad ng teknolohiya, pananaliksik at pag-imbento ng bagong kagamitan.

Gising mga kababayan!. Hindi habambuhay tayong magpapaalipin sa ibang bansa para kumita. Hindi lahat ng panahon ay nakatunganga lamang tayo at maghihintay na bumaba ang piso upang lumaki ang kita sa export.

Tunay na Mukha ng Pragmatismo

Disyembre 20, 2012

2012-12-15 11.02.41Napakahirap magsanib ang ideyalismo sa realismo. Parang isa lang itong tele-pastasyang nakakakilig ngunit di maapuhap sa hangin. Sa halos 15 taon kong pagmumuni sa pilosopiya, ngayon lang ako natisod sa eksenang diyalektika ng ideyolohiya at ekonomiya.

Sa pagtuturo ko ng ‘cultural tour guiding’ sa mga liblib na lugar ng El Nido doon ko nakita ang mahalagang aspeto ng pag-disenyo ng kwento ng isang bagay na ordinaryo. Ang ang kuwentong ito ang nagpapaiba sa pananaw at pagpapahalaga ng nakikinig. Doon ko rin nakita ang kahalagahan ng nasabing kuwento sa pag-preserba sa bagay ng sumisimbolo sa kulturang simibol sa isang lugar.

May ebolusyon ang kultura. Pwede rin itong pagkakitaan. Ngunit namamatay din ito o kaya’y kinakain ng isang pang kultura. May magagawa kaya ang k’wento ng isang tour guide upang manatili ang bagay na kultural at patuloy na dumaloy sa pang-araw-araw na buhay sa barangay?

Nagmamasid ako. At itinatala ko lahat sa isang mabuuong aklat.

Pagong Ng Ekonomiya

Nobyembre 9, 2012

Ambilis ng pag-usad na ating ekonomiya. Lumalakas ang piso kontra dolyar at tumataas ang Philippine Stock Exchange Index [PSEi]. Tumataas din ang koleksyon ng buwis kaya maraming proyekto ang naipapatupad. Sa kabila ng mabilis na paglagong ito, mabagal pa rin ang proseso sa pagkuha ng permit at isa ito sa mga dahilan kung bakit alanganin pa ring magbukas dito ng negosyo ang mga mamumuhunan.

Nais nga ni PNoy na paiksiin ito, at marami na rin sa mga pamahalaang lokal ang nakapag-patupad na ng pag-papaiksi ng prosesong ito. Napakagandang programa ngunit ang tanong – isasakripisyo ba natin ang regulasyon patungkol sa kalidad, kaligtasan ng publiko o kapakanan ng kalikasan?

Tatanggalin ba natin ang fire certificate, o ang building permit o kaya’y sanitary permit para lang mapaiksi ang proseso. Ang pinaka-matindi ay ang sitwasyon ng mga negosyo sa loob ng mga protected areas sa Palawan. Dahil ang isang protected  area ay pinamamahalaan ng Protected Area Management Board [PAMB] at lahat ng proyekto o investment ay nangangailan ng pahintulot ng PAMB.

Dahil dito mag-aantay ang mga nais mag-negosyo ng isa hangang 3 buwan para makakuha ng PAMB endorsement. Pagkatapos ay mag-aanatay uli ng isa hangang 3 linggo para naman sa pagsang-ayon ng Sanguniang Bayan [SB]. Pagkatapos nito ay aantay uli sila ng isang buwan uli o mahigit para naman sa endorsement ng Palawan Council for Sustainable Development [PCSD]. Ang PCSD ay nabuo noong ipasa ang Strategic Environmental Plan [SEP] Law at ang PAMB naman ay nakasaad sa National Integrated Protected Areas [NIPAS] Act.

Pagkatapos sa PSCD ay mangangailangan uli ng endorsement mula sa Sangguniang Panlalawigan [SP] bago makakuha ng Environmental Compliance Certificate [ECC] mula sa Department of Environment and Natural Resources [DENR]. Ang lahat ng ito ang daraanan upang sila ay mabibigyan ng Building Permit mula sa munisipyo at ng pinaka-aantay na Mayor’s Permit.

Kung ikaw nga naman ang mamumuhunan, magdadalawang isip ka. Pero ang tanong. Kailangan bang bawasan ang proseso? Papaano naman ang kalikasan? Maapektuhan kaya ito kung aalisin ang ilan sa mga naparaming daanan?

Sa mga nabanggit na mga konseho, karamihan sa mga nakaupo ay mga pulitiko. Nakatulong nga ba sila na mapangalagaan ang kalikasan? Kailangan ba ang lahat ng endorsement at daanin sa botohan? Pwede naman sigurong ilagay ang mga teknikal na tao na magsasabi kung saan ang pwede at di pupuwede ayon sa batas at agham.

Hangga’t hindi nababago ang ganitong pagong na sistema, hindi tayo uusad at hindi tayo makakasiguro ng proteksyon sa kalikasan. At marahil, kailangan dito ang pag-bibigay daan ng mga pulitiko para sa isang pagbabago.

American Junk

Mayo 14, 2012

Marso 2012, dumaong sa El Nido ang pinakalaki at pinaka-modernong barko ng Pilipinas, ang BRP Gregorio del Pilar. Exited siyempre ako nang i-announce na may open house sa barko. Huling biyahe na ang nabutan ko papunta sa BRP Goryo.

Impressive ang laki ng barko pagdating namin. Ngunit bumagsak ang expectation ko nang makita ko ang “fully refurbished” na barko: mukhang luma pa rin, walang missile, walang torpedo. Ang tanging makabago ay ang computer aided na kanyon at machine gun. Ano ang ibubuga nito sa missile destroyers ng Tsina? Paano tatamaan ng kanyon nito ang mga kalabang submarino kung walang torpedo?

Ayon sa balita, darating daw ang ikalawang barko na katulad ng BRP Goryo. At isa pa raw sa 2013. Mayroon pa raw na parating na 12 na F-16 fighter jets na pinaglumaan din ng Tate. Sabagay maigi na ito kesa sa wala. Pero mukhang lugi tayo sa excess defense articles ng US. Bagsakan na nga tayo ng mga bulok na kagamitang militar ng kano binabayaran pa natin sa kanila ang mga ito. Dagdag gastos pa ang maintenance, dahil mas luma, mas mataas ang gastos sa pagkumpuni. Dagdag pa rito ang mga namamatay nating magagaling na piloto dahil sa mga lumang eroplanong “bigay” sa atin.

Isa lang ang nakita kong maganda sa BRP Goryo: mabilis ito dahil sa kanyang turbine engines. Pero ano ang laban ng bilis sa missiles at torpedo ng kalaban? Bilis ng takbo pagtakas? Hindi naman siguro.

Gayumpaman, nandoon ang tiwala ko sa katapangan ng ating hukbong sandatahan. Ang nais ko lang ay makabili tayo ng mga armas na mga bago, kahit konti basta bago at makabago. Dahil kung ang eroplanong bibilhin natin ay 20 taong gulang na, 10 taon na lang nating magagamit. ibawas mo pa ang 2 taon sa pagsasanay ng piloto. Matutulad lamang ito sa mga f-5 jets natin na grounded na dahil sa katandaan. Kung bibili tayo ng bago, kahit gawin pang 20% kumpara sa dami ng lumang bibilhin, sulit ang gamit natin at ligtas ang ating mga piloto.

Sa giriang nangyayari ngayon sa Scarborough Shoal, tama ang desisyon ng pamahalaan na dalhin sa International Tribunal on Laws on Seas [ITLOS] ngunit dapat ding maging tama rin ang desisyon natin sa pagpili ng armas.

SK Dapat Alisin

Disyembre 20, 2010

Napakaganda ng layunin ng pagkakatatag ng Sangguniang Kabataan [SK]: Ang maagang matuto sa pamamahala ang mga kabataan. Ngunit sa panahon ngayon, ang nangyayari ay maagang natututong maging corrupt ang mga bata. Nagiging training ground ng mga TRAPO [Traditional Politician] ang SK. Sa murang gulang ay natututo silang bumili at magbenta ng boto. Ito ang kalakalang laganap sa buong bansa. Hindi man naisin ng iba ay nadadala silang ng mga malalaking pulitikong gustong gamitin sila upang mapalawig ang kapangyarihan sa konseho.

Sa aming lugar, umaabot ng 500 piso ang bayad sa bawat boto sa SK. Pagdating sa botohan ng SK Federation President, umaabot sa 10,000 piso plus cellphone ang bayaran. Naririyan pa ang kidnapan at pagkulong sa kanila sa isang bahay upang masiguro na hindi mabibigyan ng mas malaking halaga ng kabilang partido. Kawawa naman ang mga bata. Anong kinabukasan ang aasahan natin sa kanila? Paglaki ng mga ito, sila naman ang manggagamit dahil sanay na sila sa kalakalan ng maruming pulitika.

Hindi ako pabor sa mungkahi ng Sec. Jesse M. Robredo ng Department of Interior and Local Government [DILG] na ‘wag alisin ang SK kundi kelangan lamang ang reporma dito. Para sa akin, ang tunay na reporma ay tanggalin muna sa kabataan ang anumang kapangyarihan at pamamahala sa kaban ng bayan. Aminin man natin o hindi, hangga’t may hawak silang kapangyarihan at may pamamahala sila sa kaban ng bayan, gagamitin at gagamitin lamang sila ng mga matatanda na at beteranong mga TRAPO.

Puwede naman silang tumulong sa pamahalaan bilang organisasyong di-politikal. Maaari naman silang tumulong sa pagtatanim ng puno, paglilinis ng kapaligiran at iba pa pang programa sa espiritu ng bolunterismo. Basta ‘wag lamang muna silang bigyan ng kapangyarihan…   …dahil di pa natin kayang pagtiwalaan ang mga ganid na pulitikong nakapaligid sa kanila.

Kitikot

Setyembre 13, 2010

Hindi sa pagsusugpong
Kundi sa pag-uugnay,
Hindi sa pagdidikit
Kundi sa pag-anib…

…Nasa daloy ang buhay
Hindi sa agos.

Gugulin mo man ang hambambuhay
Ay di mo makikita ang kasagutan.

Neks taym kase…
Magbasa ka muna ng instructions.

Istyudent Anatomi

Nobyembre 16, 2009

Mga titser…   …halina at suriin natin ang anatomiya ng ating mga istudyante. Mahalaga kase na malaman natin ito upang magamit natin ang tamang pamamaraan sa pagtuturo. Bagaman may pamantayan ang mga institusyong ating pinagsisilbihan, kelangan din natin ng akma at epektibong istratehiya. Kadalasan kase, masyado tayong naging komportable sa ating mga nakagawian. Ang ilalahad ko sa inyo ay lagom ng pilosopiya lamang at hindi ang mga istratehiya mismo. Mula sa pilisopiyang ito, kayo na ang bumuo, maghagilap at sumaliksik sa mga teknik na kelangan nyo sa pagtuturo. Dahil hindi lahat ng pamamaraan ay akma sa kapaligirang ginagalawan ng mga istudyante, piliin nyong mabuti ang mga ito.

1. Atensiyon. Sa pagtangkilik sa telebisyon, cell phone, kompyuter at mga pirated na DVD, bumaba ang average attention span nating mga Pilipino. At eto ang dapat mong sukatin sa mga istudyante. Sa mga may matataas na attention span, pwede ang nakagawiang pagtuturo agad ng detalye ng paksa. At paki-usap lang ‘wag mo naman ituring silang sinumpa kung mababa man ang atensyon ispan nila. ‘Wag namang isisi nang husto ito sa mga gadget na pinauso ng teknolohiya. May mabuti namang dulot iyon. Di lang natin alam na tumataas ang kanilang intuitive IQ sa mga bagay na gustong gusto nila. Yun nga lang selective ang katalinuhan na ito kaya kelangan nating akitin ang kanilang atensiyon patungo sa leksiyon. Kung magagawa natin ito, epektibo nating maikikintal sa isip nila ang lagom ng leksyon at unti-unti ang mga detalye nito. Bahala ka na kung gagamit ka ng jokes, visual aides, kwento, tula, awit o video. Kung kinakailangang sumayaw at mag-split gawin mo. Siyempre ingatan mo pa rin ang reputasyon mo habang ginagawa ang mga nabanggit na proseso.

2. Enerhiya. Kung sa una ay tayo ang kulang sa pansin, dito sa ikalawa ay sila ang uhaw sa atensyon. May mga istudyante na nasobrahan yata sa enerhiya o hyperactive. Sila ang mga istudyanteng di mapakali sa upuan, lakad nang lakad, di maubusan ng kwento at lahat ng pwedeng butingtingin ay kakalikutin. Huwag mo naman silang husgahan agad at igapos sa kanilang silya, turukan ng pampakalma o kaya’y kandaduhan sa locker. Di mo ba alam na ang ganitong mga istudyante ang magdadala ng pagbabago sa lipunan? Hindi lang kase natin nagagabayan sa tamang direksyon ang kanilang mga enerhiya. Pwede ka namang gumamit ng mga activity na akma sa daloy ng kanilang mga enerhiya at magtutulak sa kanila na makisangkot nang lubos sa iyong leksiyon.

Kung pagagalitan mo ang mga ito ay mas lalong bababa ang kanilang self-esteem na pinababa na marahil ng kawalan ng atensyon sa kanila ng kanilang magulang. Kung di naibigay sa kanila sa bahay ang hinahanap nilang personal na paglago, nawa’y ‘wag nating ipagkait ito sa apat na sulok ng silid-aralan.

3. Paghusga.  Bawat istudyante ay may kanya-kanyang paghusga sa iyong mga itinuturo ayon sa kapaligirang kanilang ginagalawan, kemikal na dumadaloy sa kanilang katawan at mga imaheng naglalaro sa kanilang imahinasyon. ‘Wag mong agad-agad na tawaging bobo kung mali ang kanilang paghusga sa leksyon mo. Alamin mo muna ang kanilang perspektibo at kung bakit nila nasabing gayun nga.

Mabisang paraan ang obserbasyon ngunit ‘wag ka lang tumingin sa iyong naririnig at nababasa sa kanilang pagsagot at pagsusulit. Minsan ay may mas malalim na paghusga na hindi naiihayag dahil sa hiya o pag-aalinlangan. Ito ang mas lalo mong bigyan ng atensyon. ‘Wag mong hayaang iilan lang sa klase ang nagpapahayag ng kanilang paghusga. Sikapin mong magsalita ang mga tahimik sa klase. Kung ayaw pa rin, hinahon lang, marami pa namang paraan. ‘Wag mo namang gamitan ng torture tulad ng paglulublob sa kanila sa tubig o kaya’y pagkuryente sa kanilang mga daliri sa paa’t kamay.

Maganda ring tingnan kung sa kanilang paghusga ay gumagamit sila ng isip o damdamin. Pareho namang mabuti ang dalawa ngunit kelangan nila ang bawat isa upang magkaroon ng balanse. Madali mong matuturuan ang palaisip na tao kung lohikal ang iyong pamamaraan ngunit matututo syang makipagtalastasan nang mas maayos kung lalagyan nya ng dadammin ang kanyang pagpapahayag. Ang madadamin naman ay madali mong makukuha sa lebel ng emosyon ngunit marapat ding turuan sya ng lohika upang magkaroon ng direksyon ang kanyang enerhiya.

4. Imahinasyon. Kadalasan pag masyadong seryoso ang ating pagtuturo at natapat pa sa mga oras ng dalaw ni antok, napupuno ng drowing ang kanilang mga notbuk. Huwag mo namang pagpupunitin ang kuwaderno at ipakain sa kanila. Kung sakaling madiskubre mo na mukha mo na pala ang idino-drowing nila, aba, matuwa ka dahil mahal ang magpa-portrait. Hingiin mo na lang sa kanila at ipa-frame agad. Ngunit kung nilagyan na nila ng sungay ito, aba, may karapatan ka nang mag-ala Incredible Hulk sa harap nila.

Maganda siguro kung meron kang mga module na hahamon sa kanilang malikot na imahinasyon. Di lang kase natin alam na ang imahinasyon ay higit na mas malakas sa verbal IQ bagamat ang huli ay kailangan pa rin upang lubos na maunawaan ang una. Tulad ng nasabi ko sa mga naunang post, malaki ang papel ng imahinasyon sa paglago ng kaisipan. Ito ang magiging dahilan ng pag-unlad at pagbagsak ng lipunan o pagkatao. Kaya kailangang tutukan ito upang magamit sa tama ng mga mag-aaral.

Marami pang dapat halukayin sa anatomiya ng ating mga istudyante ngunit sa kasalukuyan ay wala na akong mapiga sa aking isip. Kayo na lang siguro ang magdagdag. Sana kahit papaano ay nakatulong ito sa inyong pagtuturo. Mahirap halukayin ang laman-loob ng mga mag-aaral at napakahirap igiya ang mga ito sa tamang kalalagyan. Kailangan dito ng hinahon at dedikasyon. Ngunit sa huli ay mapapawi ang pagod mo kung nakikita mo na ang resulta.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.