Tuyong Lupa

Disyembre 10, 2010

Kuha ni Arvin Acosta

Kasalukuyan ang tagtuyot…

Sa laksa-laksang kalayaan
Na pinag-isa ng tinatawag na republika,
Sa milyon-milyong kaisipan
Na nabansot sa bulok na sistema.

Aandap-andap ang agham,
Dukha ang imahinasyon ng bansa,
Limot na ang pagkamalikhain,
Wala na ring umuusbong na teorya.

Nasa test tube daw ang siyensiya.
Sa libro lamang makikita ang teknolohiya
At wala sa kamay na kumakalkal sa lupa,
Sa mga matang nagmamasid sa klima,
Sa tengang nakikinig sa pintig ng matematika.

Lahat ay nakatuon sa telebisyon,
Lulong ang nagwawalang imahinasyon
Sa opyong patuloy na nagluluklok
Sa mga artista at trapo.

Patuloy ang tagtuyot…

Advertisements

Photo by Cynthia Sumagaysay-Del Rosario

Tuligsain mo ang aking ideya,
Lurayin ang detalye,
Pagtawanan ang gramatika.

Durugin mo ang aking self-esteem.
Basagin mo ang natitirang respeto ko sa sarili.

Hamunin mo ang kapakinabangan ng aking teorya.

At kapag di ko na kaya,
Iduduwal ko ito at isusulat ang pait
Sa papel na basa ng sipon at luha.

At babalutin ko ito,
Pipigain ang katas
Sa pagkuyom ng aking palad…
…at saka isasampal sa magara mong mukha
habang inuusal ang salitang…

“Tenk yu!”

Pagkat nang dahil sa ‘yo’y…
…may naipasa akong report.

Absinthe

Disyembre 17, 2009

Ang absinthe ay isang uri alak na naging popular noong pagtatapos ng ika-19 siglo hanggang sa pagbubukas ng ika-20 siglo. Kakaiba ito sa ordinaryong alak. Parang itong droga na magdadala sa ‘yo sa mundong di makatotohanan. Dahil madalas maging dahilan ito ng krimen noon, ipinagbawal ang pagtitinda ng alak na ito sa maraming bansa. Ngunit noong Disyembre 2007, ito’y muling ibinalik sa Estados Unidos. Gayunpaman, kailangang tanggalin ang isang substansiyang nagiging dahilan ng pagkabangag bago ito pahintulutan ibenta sa nasabing bansa.

Hinihinala na ito ang madalas inumin noon ng pamosong pintor na si Vincent Van Gogh. Napraning siya noon at nagawa niyang putulin ang kanyang tenga upang ialay sa kasintahan pokpok. Ito rin marahil ang naglugmok sa kanya sa matinding depresyon na siya ring nagtulak sa kanyang tangkang pagpapatiwakal.

Popular ang absinthe sa mga artista noon sa Yuropa, lalong-lalo na sa bansang Pranses. At ito ay talagang nakaka-adik. Itinuring nila itong musa ng mga pintor, manunulat, kompositor, iskultor at iba pang mga alagad ng sining. Dahil sa berdeng kulay nito, binansagan itong “luntiang diwata” ng mga manginginom.

Sa makabagong panahon, may bagong mukha ang absinthe para mga artist. Merong medyo mabait na nagtitiis na lamang sa Tanduay, Gin Bulag o kaya’y Ursus. Ang mga walang pake ay tumitira naman tsongki at shabu. Meron namang gusto ay legal kaya tumutira ng lamang ng cough syrup. Sa mga kuripot naman at wala talagang pera ay nagtitiis na lamang sa paghitit ng katol o kaya’y paglanghap ng gamit na medyas na pinatuyo sa init ng araw.

Ako naman ay gustong maiba kaya nagsagawa ako ng isang eksperimento. At nakita kong epektibo ang aking imbensiyon. Ito ay ang pagpipigil ng utot hanggang sa punto na makakakita ka na ng mga pangitain. Dahil parang ka nang nilalagnat sa mga sandaling ‘yon, makikita mo na ang “luntiang diwata” na sumasayaw habang ikaw ay pinagpapawisan nang malamig.

Madalas tayo mag-panic makahanap lang ng musa. Ngunit sa bandang huli, tayo rin pala ang biktima. Hindi lang droga o katol ang musang nakakasama. Kasama na dito ang mga babaeng nag-gagandahan o kalalakihang binalutan ng masel. Minsan ay pera, katanyagan at kapangyarihan. Nakakapanghinayang na matapos mamulat natin ang ating kapwa dahil sa magagandang obra, tayo naman pala ang bubulusok sa walang hanggang karimlan.

Bobo Ba Ang Pinoy?

Setyembre 11, 2009

Natatawa ako at naaaliw na basahin ang mga sulating naglalarawan ng kabobohan, kapalpakan at katangahan ng Pinoy. Ngunit kasabay ng pagtubo ng abs at pamumuo ng kabag sa tyan sa katatawa ay ang kurot sa budhi. Hindi ba’t tayong mga nag-a-“astang” intelektwal ang may kagagawan ng kabobohang pinag-durusahan ng ating lipunan? Hindi ba’t tayo ay bahagi rin sa kabobohang ito?

Hindi kataka-taka dahil nakikita natin ang kamangmangan ng Pinoy ayon sa pamantayang ipinagduldulan sa atin ng kanlurang kultura na nagpakilala sa atin ng plastic, kontrasepsyon at pulbura. Nakakalungkot na ang tinangkilik natin ay ang edukasyon na nabatay sa kanilang pamantayan na ang matalino ay ang marunong umingles, magbasa at magbilang.

Hindi lang natin nasilip, tayong mga “edukadong” naturingan, ang agham na kanilang ginagalawan tulad ng agham ng hilot, isang katutubong istilo ng panggagamot na maaari nating ipantay sa shiatsu ng hapon, at ang “jungle survival” ng mga Ita na pinag-aaralan pa ng hukbong Amerikano dito sa bansa.

Matalino ang Pinoy. Hitik sya sa agham na itinuro ng mga ninuno at ng kalikasan. Magaling sa diskarte at mayaman sa imahinasyon. Ngunit ano ang ating ginawa? Sinamba natin ang industrialisasyong ipinakilala ng kanluran. Tinabunan ang katutubong agham ng kultura ng plastic na nagkalat sa ating mga karagatan. Hinigop ng mga makinarya ang mga magsasaka sa bukid. Paano lilitaw ang natatagong galing ng Pinoy kung kulang sa nutrisyon ang kinakain? Wala nang food security sa bansa dahil panay panawid gutom lamang ang mga programa ng gobyerno. Dagdag pa dito ang opyo ng showbiz na pampamanhid sa gutom na nararanasan ng mga kaawa-awang maralita.

Bobo ba ang Pinoy? Hindi naman. Mismanaged lang. At bawat isa’y sangkot sa bugok na sistemang nagpabagsak sa antas ng pambansang kamalayan. Ano ang nagawa ng mga manunulat at artista upang malunasan ang maling direksyong tinatahak ng edukasyon, sining at agham ng bansa? Asan ang ating mga henyo at siyentipiko? Mukhang naroon sila sa mga bansang nagpakita ng interes sa kanilang katalinuhan. Hindi na yata interesado sa kanila ang ating pamahalaan.

Gayunpaman, nangangarap pa rin ako na balang araw ay makikilala rin ang “wa-is” na Pinoy. Ngunit habang wala pa ‘yon. Patuloy pa rin ako sa katatawa sa pagbabasa ng kabobohan ng Pinoy, tawa na nauuwi sa luha. Na-hu-hurt ako hindi dahil sa kabag na namuo sa t’yan ko kundi sa katotohanang kasama pala ako sa kabobohang ito.

Pero hindi talaga bobo ang Pinoy. Hindi lang halata na matalino.

Pamantayan

Agosto 27, 2009

5848_114601190975_632825975_2773866_2084719_n

Artwork by Kutchai Jovi

Pamantayan. Lahat ay may pamantayan. Kahit sa sining, may parametrong sumusukat kung maganda o panget, kung nakakasuka o nakakaaliw, kung korni o nakakatawa, kung makahulugan o walang laman ang mga gawa mo. At eto ang tanong…     …sino ang may karapatang magtakda ng parametro? Simple lang ang sagot…   …kategorya. Lahat ng sining ay nakapaloob sa mga kategorya. Kung sino ang naitakdang maging diyos ng bawat kategorya s’ya ang magdidikta ng maganda at panget.

Sa sining walang absolut na parametro, walang tao o institusyon na makapag-de-deklara ng rurok na batayan. Alam mo kung bakit? Dahil ang sining ay hindi natura o likas na naririyan. Ang sining ang oposisyon ng natura dahil s’ya ay gawang tao. Sa natura lang pu-puwede ang absolut ba basehan.

Balik tayo sa kategorya. Saang kategorya ba nabibilang o gustong ibilang ang gawa mo?

1. Masa. Dito pasok ang paksang artista,  boksing, basketbol at pulitika. Pwede mo na ring isama ang  tele-pantasya, usaping pag-ibig at kung an0 ano pang sa tingin mo’y kakagatin ng karamihan. Kung ang kategoryang ito ang pipiliin mo, matindi ang fan base mo dito. Kung magiging matagumpay ka ay baka maihanay ka sa mga celebrity. At ikaw na ang susunod na titilihan ng mga tao.

2. Akademya. Mahirap ito. Kelangan mo ang pupusang pagpapaka-henyo. Maliban lang kung ipinanganak kang artista. Dito matindi ang surian. Pihikan ang mga mata, tenga at panlasa ng mga nasa institusyon. Hindi pwede ang pa kyut na art dito. Kelangan ang seryosong paggawa, malalim na pagtanaw sa realidad at dibdibang pagsasaliksik. Dito kelangan mong magsunog ng kilay at magpitpit ng hintuturo. Dito hindi ka pagkakaguluhan sa mall ngunit titingalain ka ng mga dalubhasa.

3. Konsyumer. Kung ako sa ‘yo, dito ka na. Dahil dito, yayaman ka. Dito, kung ano ang patok sa konsyumer ng produkto, yun ang gagawin mo. Pag nabili ang produkto, siyempre kasunod na yan ang bonus sa ‘yo. Ngunit kung barat ang amo mo. Ang kumpanya ang yayaman sa ‘yo at hindi ikaw. Problema mo lang, hindi ka sisikat dito dahil sa produkto nga sila nakatingin, hindi sa artist.

4. Adhikain. Dito hindi ka sisikat. Hindi ka rin yayaman. Ngunit karamihan ng artista ay dito nakakatagpo ng malalim na pagkilala sa sarili. Dito ka makikisangkot sa adbokasya para sa kalikasan, demokrasya, karapatang pang-tao at iba pa.

5. Sarili. Dito panalo ka. Wala kang aalalahanin dahil sarili mo ang maghuhusga sa iyong piyesa. Kelangan mo lamang ang tinatawag na pagiging totoo sa sarili.

Kaya huwag kang matakot sumabak sa larangan ng sining dahil marami kang pagpipilian kung saang kategorya ka maaaring ibilang. At ang pinaka-prinsipyo dito ay…   …kung ano ang hinihingi ng batayan. Ang sining ay pakikipagniig ng malilikha sa pandamdam. Kaya ang laro dito ay kung paano tugunan ang kiliting hinihingi ng panlasa. At nasasa-iyo kung kaninong panlasa and tutugunan mo. Mag-enjoy ka sa paggawa at maging malaya. Pasasaan at may mata, tenga at ilong na makakapansin ng iyong obra.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.