Noong nakaraang Huwebes, Oktobre 29, Nagpatawag ng public consultation ang pamahalaang probinsyal ng Palawan tungkol sa hiling ni Cong. Chikoy Alvarez na tanggalin ang limang protected area sa Palawan, kasama ang El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area, sa panukalang batas na Enhanced National Integrated Protected Areas System Law (ENIPAS).

Bagaman may halong panlilinlang ang presentasyon ng mga nag-nagpadaloy ng konsultasyon, ipinahayag pa rin ng mga residente ang pagtutol.

Narito ang ilan sa mga panlilinlang na nakasaad sa mga nasabing presentasyon:

1. Mas makapangyarihan ang ENIPAS kaysa IPRA LAW (Batas tungkol sa Katutubo) at mapapaalis ang mga katutubo sa loob ng protected area.

2. Bawal ang motorized vehicles.

3. Mas maraming bawal, mas mataas ang parusa.

4. Walang ginawang pag-sangguni ang senado bago ipasa ang batas.

Sa kabilang banda, narito naman ang katotohanan tungkol sa ENIPAS:

1.Iginagalang ng ENIPAS ang IPRA LAW. Sa katunayan, mananatili ang mga katutubo sa kanilang tahanan. Ang di lang pwede ay ang “naturalized” na katutubo na ginagamit ng mga investors para magamit ang protektadong gubat.

2. Nakasaad sa ENIPAS, hindi papayagan ang motorized vehicles kung walang lisensya mula sa mga kinauukulan, e.g., MARINA at LTO. Ito ay matagal nang nakasaad sa mga batas ng transportasyon.

3. Dapat lang na damihan ang bawal upang mapangalagaan ng husto ang likas yaman. Dapat lang ding taasan ang parusa upang matakot mga mapagsamantala.

4. Nagkaroon ng konsultasyon ang senado. Sa katunayan, pinatawag na nila ang mga kinatawan ng mga protected areas sa Palawan kasama ang pamahalaang probinsyal.

Maliban dito, ang ENIPAS ang magiging panangga ng El Nido sa mga mapanirang proyekto tulad ng mining at coal-fired power plant.

Basehan ang ganitong katotohanan, hinihikayat ko ang mga mamamayan ng El Nido, ng lalawigan ng Palawan at mga bisitang nagmamahal sa likas- yaman ng Palawan na manindigan at bantayan ang pagpasa ng ENIPAS. Dahil baka bukas o makalawa, magising na lang tayo na sira na ang gubat at buhay ilang sa Palawan.

 

Advertisements

Tunay na Mukha ng Pragmatismo

Disyembre 20, 2012

2012-12-15 11.02.41Napakahirap magsanib ang ideyalismo sa realismo. Parang isa lang itong tele-pastasyang nakakakilig ngunit di maapuhap sa hangin. Sa halos 15 taon kong pagmumuni sa pilosopiya, ngayon lang ako natisod sa eksenang diyalektika ng ideyolohiya at ekonomiya.

Sa pagtuturo ko ng ‘cultural tour guiding’ sa mga liblib na lugar ng El Nido doon ko nakita ang mahalagang aspeto ng pag-disenyo ng kwento ng isang bagay na ordinaryo. Ang ang kuwentong ito ang nagpapaiba sa pananaw at pagpapahalaga ng nakikinig. Doon ko rin nakita ang kahalagahan ng nasabing kuwento sa pag-preserba sa bagay ng sumisimbolo sa kulturang simibol sa isang lugar.

May ebolusyon ang kultura. Pwede rin itong pagkakitaan. Ngunit namamatay din ito o kaya’y kinakain ng isang pang kultura. May magagawa kaya ang k’wento ng isang tour guide upang manatili ang bagay na kultural at patuloy na dumaloy sa pang-araw-araw na buhay sa barangay?

Nagmamasid ako. At itinatala ko lahat sa isang mabuuong aklat.

Kwentong Kutsero

Oktubre 16, 2012

Sa pitong taon kong pagta-trabaho sa gobyerno bilang isang tourism officer sa paraisong bayan ng El Nido, isang malaking palaisipan sa akin kung papaano dadalhin ang turismo sa mga barangay. Nakilala ang bayan ng El Nido dahil sa magagandang mga aplaya at isla ngunit hanggang doon na lamang. Lahat ay nagsisiksikan sa bayan.

Eto ang pangitaing nakikita ko: kapag nagsiksikan ang turista sa bayan, nanganganib masira ang kalikasan at hindi magiging balanse ang ekonomiya sa lugar. Pati mga residente ay magsisiksikan sa bayan dahil nandun ang trabaho. Iiwan na ng mga magsasaka ang kanilang lupa at ng mga mangingisda ang palaisdaan dahil mas madali ang pera sa bayan. Kakulangan sa suplay ng pagkain ang magiging dulot nito.

Ang tangi kong pag-asa ay ang isulong ang Community-Based Rural Tourism Program, ang pagdala ng turismo sa mga liblib na lugar. Ngunit papaano? Hindi gaanong magaganda ang mga aplaya sa baryo.

Natumbok ko ang kasagutan nang makilala ko ang isang Amerikanang museologist na si Lace Thornberg. Inilatag niya ang kanyang balak na proyekto sa barangay Sibaltan, sa lugar kung saan ako lumaki. Sinabi niya sa akin na plano niyang magtayo sa isang museong bayan [community museum]. Natuwa ako’t matutupad na rin ang pangarap kong dalhin sa mga barangay ang turismo.

Isa sa mga workshop na ibinigay nya sa mga taga-barangay ay ang pagdala ng anumang bagay na kanilang madaanan papunta sa Barangay Hall. At bawat isa’y pina-kwento tungkol sa bagay na kanilang nadampot. Doon ko napagtanto na hindi lang pala magandang beach ang pwedeng puntahan ng mga turista. Kahit anong bagay pala, kapag nai-kwento nang mahusay ay nagiging maganda.

Pagkatapos ng mga workshops ay nakukuha kami ng tulong pinansyal mula sa U.S. Embassy. Nakabalik na si Lace sa Amerika habang ginagawa ang museo. Nakatakda itong magbukas ngayon Disyembre. Gayunpaman, hindi ang pagkatatag ng museo ang lubos kong ikanagalak..  ..kundi ang natutunang paraan ng paggawa ng kwento sa mga bagay na dati’y ordinaryo sa aking paningin.

American Junk

Mayo 14, 2012

Marso 2012, dumaong sa El Nido ang pinakalaki at pinaka-modernong barko ng Pilipinas, ang BRP Gregorio del Pilar. Exited siyempre ako nang i-announce na may open house sa barko. Huling biyahe na ang nabutan ko papunta sa BRP Goryo.

Impressive ang laki ng barko pagdating namin. Ngunit bumagsak ang expectation ko nang makita ko ang “fully refurbished” na barko: mukhang luma pa rin, walang missile, walang torpedo. Ang tanging makabago ay ang computer aided na kanyon at machine gun. Ano ang ibubuga nito sa missile destroyers ng Tsina? Paano tatamaan ng kanyon nito ang mga kalabang submarino kung walang torpedo?

Ayon sa balita, darating daw ang ikalawang barko na katulad ng BRP Goryo. At isa pa raw sa 2013. Mayroon pa raw na parating na 12 na F-16 fighter jets na pinaglumaan din ng Tate. Sabagay maigi na ito kesa sa wala. Pero mukhang lugi tayo sa excess defense articles ng US. Bagsakan na nga tayo ng mga bulok na kagamitang militar ng kano binabayaran pa natin sa kanila ang mga ito. Dagdag gastos pa ang maintenance, dahil mas luma, mas mataas ang gastos sa pagkumpuni. Dagdag pa rito ang mga namamatay nating magagaling na piloto dahil sa mga lumang eroplanong “bigay” sa atin.

Isa lang ang nakita kong maganda sa BRP Goryo: mabilis ito dahil sa kanyang turbine engines. Pero ano ang laban ng bilis sa missiles at torpedo ng kalaban? Bilis ng takbo pagtakas? Hindi naman siguro.

Gayumpaman, nandoon ang tiwala ko sa katapangan ng ating hukbong sandatahan. Ang nais ko lang ay makabili tayo ng mga armas na mga bago, kahit konti basta bago at makabago. Dahil kung ang eroplanong bibilhin natin ay 20 taong gulang na, 10 taon na lang nating magagamit. ibawas mo pa ang 2 taon sa pagsasanay ng piloto. Matutulad lamang ito sa mga f-5 jets natin na grounded na dahil sa katandaan. Kung bibili tayo ng bago, kahit gawin pang 20% kumpara sa dami ng lumang bibilhin, sulit ang gamit natin at ligtas ang ating mga piloto.

Sa giriang nangyayari ngayon sa Scarborough Shoal, tama ang desisyon ng pamahalaan na dalhin sa International Tribunal on Laws on Seas [ITLOS] ngunit dapat ding maging tama rin ang desisyon natin sa pagpili ng armas.

Sakrilehiyong Obra

Hulyo 28, 2011


Distribyut si Mideo ng Painting Workshop Certificates

Una kong nakilala si Mideo Cruz noong 2006. Siya noon ang naimbitahang art forum facilitator sa pagdiriwang ng 2nd Kalugtan Arts Festival sa El Nido. Tahimik lang siya sa isang tabi, nagmamasid. Sa unang tingin, batid ko na agad na malalim na tao si Mideo. Sa mga kasama niyang artist ko nalaman na isa siyang international performance artist at kagagaling niya lang sa Japan bago siya tumulak papuntang El Nido. Noong taon ding ‘yon, isa siya sa 13 Cultural Center of the Philippines [CCP] awardees.

Naging art workshop facilitator si Mideo sa 6th at 7th Kalugtan Arts Festival. Doon ko nakita kung paano niya turuan ang mga bata na maging malikhain sa pamamagitan ng mga bagay ng pwede nilang madampot tulad ng bato, sanga at iba pa. Sa kanyang art exhibit sa Balay Tubay Galeri ko nakita ang kanyang abstract paintings na masarap sa mata at makahulugan.

Kung susuriin mo ang mga gawa ni Mideo, performance art man o painting, may gusto siyang ipahiwatig tungkol sa pulitika, kapitalismo, relihiyon at sosyolohiya. At ang mga piyesa niya ay naghahamon sa budhi, nag-iimbita mag-isip at nakikipagtunggali sa emosyon. Sa madali’t sabi may enerhiya at mabibigat. Kaya’t di na ako nagulat nang mabalitaang kong tinutuligsa na siya ni Archbishop Oscar Cruz [binibiro namin na baka kamag-anak ni Mideo dahil ka-apelyido].

May kabigatan nga ang huling exhibit ni Mideo. Pinaghalo niya kase ang mga banal larawan ng pananampalatayang Katoliko sa mga bagay na makamundo tulad ng condom. Hindi naman masama na i-kondena ito ng Simbahan. Dahil may karapatan ang mananampalataya na igalang ang mga bagay na sagrado sa kanila. Ngunit dito masusukat ang tatag at kahinahunan ng Simbahan. Ipakukulong ba nila si Mideo ala-Carlos Celdran? Hindi ba’t Kristiyanong turo ang kapootan ang ginawang masama ngunit hindi ang gumawa. Dapat nga ipagdasal pa ng Simbahan si Mideo sa halip na kapootan. At ipagdasal din ng Simbahan ang imahen ni “Damaso” na di pa rin maalis sa paningin ng masang Pilipino.

Kung titingnan lamang ang panlabas ng larawan ay nakakasakit. Ngunit higit na masakit ang gustong iparating ni Mideo sa Simbahan at ang tunay na kalagayan ng Simbahan sa ginagalawan nating sosyedad. Hindi ko pa nakikita personal ang painting ngunit sigurado akong hindi magpipinta si mideo nang ganun kung walang malalim na dahilan at obserbasyon.

Isang masakit na imahe, isang imbitasyon sa paglalakbay at pagbabago sa loob ng Simbahan. Kung siguro’y naniniwala tayo na di na kailangan ng reporma sa Simbahan, ipakulong natin si Mideo at ‘wag nang isipin na may sugat tayong dapat gamutin.

Mahal ko ang Simbahan. Tutol din ako sa RH bill. Ngunit ayaw ko ang paraan ng Simbahan sa pagtrato sa mga tumutuligsa sa kanya tulad ni Mideo at Celdran. Meron pang mga Katoliko na nagbabanta at naghahamon ng away. Naiintindihan ko, ngunit kailangan nating maging mahinahon sa panahong ito ng krisis, at may higit na krisis kaysa sa larawan sa exhibit. Panawagan ko po sa lahat ng mga obispo at mananampalataya, sana maging mahinahon at bukas tayo sa diyalogo.

Bangang Naghihikab

Oktubre 11, 2009

yawn

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.

Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?

Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.

panguyabBakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.