Epistemolohiya

Disyembre 18, 2015

 Epistemolohiya – galing sa wikang Griyego na episteme na ang kahuluga’y kaalaman o pang-unawa at logos na ang ibig sabihi’y pag-aaral ng; isa itong sangay ng pilosopiya na nag-aaral kung paano natututo ang tao.

Katotohanan- ang pagtutugma kung ang nasagap ng isip mo’y siya ring uumiiral sa labas nito.

Parang relihiyon din ang pilosopo, kanya-kanyang pamamaraan ng pagsamba sa katotohanan at lahat ay nagsasabing sa kanilang panig ang katotohanan.

Naririto ang ilang uri ng relihiyon sa bubong ng epistemolohiya:

1. Rasyunalimo – ang kaalaman ay nasa isipan na natin mula pa noong tayo’y pinanganak.

2. Empirisismo – ang kaalaman ay masusumpungan sa pamamagitan ng mga sentido: pandamdam, paningin, pandinig, panlasa at pang-amoy.

3. Iskeptisismo – pinagdududahan na totoo ang mga nakikita, naa-amoy, nararamdaman, nalalasahan at naririg.

4. Monismo- namiwalang lahat ng nasa palugid nila ay bahagi ng kanilang sarili, sa ang indibidwal at uniberso ay iisa.

Kung papanig lamang tayo sa isa sa mga reliyong nabanggit maliligaw tayo. Kaya sumapi na lang kayo sa relihiyong itatayo ko, sa relihiyong ito itunuturo na ang kaalaman ay madusumpungan sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang;

1. Mga sentido – ang unang hakbang sa pagkakaroon ng kaalaman sa pamamagitan nag pagsagap ng mga hugis sa labas ng isip natin. Ito ang pagkakaroon ng konsepto.

2. Pangangatwiran – ang mga konsepto ay isinasaayos ng ating isip upang bigyan ng harmony ang mga konsepto. Ito ang tinatawag na lohika.

3. Pagka-malikhain – ito ang pagtuklas ng isipan sa mundong labas ng konsepto at lohika. Ang isip ay lumilikha ng mga bagay na wala pa sa kasalukuyang konsepto at lohika. Minsan, ito’y pagbabagong anyo ng konsepto o lohika o paglikha ng bagong konsepto at lohika batay sa kasalukuyang alam na natin sa mundo ng ating isipan.

4. Eksperimento – pagsubok kung ang bagong likhang isip ay uubra sa mundong pisikal.

6. Diyalektiks – pagsasalpukan ng kasalukuyan konsepto at lohika ang bagong likhang isip. At dito ipapapanganak ang “synthesis.”

Sa madaling-sabi, ang kaalaman ay isanh ebolusyon. Kung titigil lamang tayo sa isang hakbang, di tayo lalago.

Tungkol Sa Hinaharap

Hulyo 13, 2013

Naglalakad ako sa dalampasigan ng Santa Fe. nang makita ko si Karunungan, nakamasid sa paglubog ng araw sa kanluran. Matanda na si Karunungan. Kulubot na ang kanyang mukha at ang kanyang puting balbas ay bahagyang hinihipan ng hanging mula sa karagatan.

Lakas-loob akong natanong, ‘Kung malalaman ko po ang mangyayari sa hinaharap, Hindi na ba ako magiging malaya?’ Hindi umimik si Karunungan. ‘Halimbawa,’ dugtong ko, ‘Alam kong makukulong ako kapag ninakawan ko ang tindahan ni Mang Igme. Hindi ko na gagawin ‘yun dahil alam ko na ang mangyayari. Nasaan ang kalayaan doon?’

Hindi pa rin umiimik si Karunungan. Napabuntong hininga na lamang ako habang dinudukot ang Cloud 9 sa bulsa ng aking polo. ‘Kulang ako sa insulin,’ biglang nagsalita sa Karunungan, ‘Hindi gagana utak ko pag walang matamis.’ Agad kong iniabot ang isang Cloud 9.

‘Hindi ang kaalaman ng magaganap sa hinaharap ang magiging dahilan ng pagkawala ng iyong kalayaan, kundi ang iyong pagkagahaman, libog at iba pang masamang hanging nalunok mo habang ika’y lumalaki,’ ani Karunungan habang nginunguya ang tsokolate.

Umuwi ako sa bahay na tulala…

Titser Ka Ba?

Oktubre 26, 2009

euclidTitser ka ba? Ako naging titser din dati. Sabi nila, ang mga gurong Pilipino daw ang mga bayaning pinagkaitan ng disenteng sweldo. Bakit bayani? Dahil di biro ang makalbo sa kakulitan ng mga istudyante, maglamay magdamag para mag-tsek ng mga pagsusulit at mag-piga ang utak upang gumawa ng lesson plan. At marami ding ang dedikasyon ay nauwi sa pagpapaka-tandang dalaga. Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang sweldo upang bigyang katarungan ang pagtitiis ng mga guro.

Teka, ‘wag muna nating pag-usapan kung ano ang maitutulong sa atin ng gobyerno dahil para lang tayong nag-kwentuhan ng science fiction. Pag-usapan natin muna kung papaano ang epektibong pagmumulat sa ating kabataan ngayon. Hindi biro ang ating tungkulin dahil dito nakasalalay ang pagkadapa at pagbangon ng bansa.

Kayo na ang humusga kung epektibo sa sitwasyon nyo ang artikulong ito na pinagtagpi-tagpi ko mula sa aking mga karanasan bilang guro, mga natutunan mula pagdalo sa mga pagsasanay, paglilimi sa epistemolohiya at pagbabasa ng libro sa sikolohiya. Marahil karamihan dito o lahat dito ay alam niyo na at matagal niyo nang ginagawa. Maaaring kulang pa ‘to at meron kayong alam na di ko nabanggit. Malugod ko pong tatanggapin ang inyong dagdag na ideya…

Una, alamin mo ang iyong sarili. Paano mo nga naman maituturo ang kaalaman kung sarili mo’y di mo alam. Siyempre alamin mo ang kakayanan mo. Ano bang natapos mo? Ano’ng mga natutunan mo sa mga seminars at ano na ang napatunayan mo sa larangan ng pagtuturo. Alamin mo rin ang intelektwal mong kakayahan. ‘Wag kang mahiya kung ang IQ mo ay below 70. Alalahanin, hindi IQ ang basehan ng epektibong pagtuturo kundi diskarte at dedikasyon. Maraming guro ngayon ang sobrang talino ngunit di maunawaan ng mga istudyante. Wala rin silang tyaga at pagkukusa na bumaba sa lebel nila.

Kulang ka ba sa kaalaman? Hindi problema yan. Maraming seminars d’yan na pwedeng kunan. Pwede ka namang tumambay sa library para mag-research. Uso na rin ngayon ang internet. Di naman masama kung gagamit ka ng search engines tulad ng google, answers.com at wikipedia. Alalahanin na di porke’t guro na tayo ay nasa atin na lahat ng karunungan. Maging ang mga dalubhasa na ay patuloy pa rin sa pagsasaliksik. Ang pagsisikap na lumago araw-araw ay indikasyon na tayo’y may dedikasyon na maibahagi ang karunungan sa mga nagnanais matuto. Ang hindi pagtanggap sa kakulangan ay pagtanggi sa personal na pag-unlad.

Alamin mo rin ang iyong mga talent. Malaking tulong kung magaling kang magpatawa dahil hindi ka tutulugan ng mga mag-aaral. “Yun nga lang minsan, ang joke mo na lang ang kanilang naaala-ala hindi ang leksyon. Kung korni ka, praktis lang, baka sakali makuha mo rin ang kiliti nila. Pero, kung isang taon na ang lumipas at korni ka pa rin, ‘wag mo nang pilitin magpatawa, baka mas lalong bumaba ang iyong repustasyon. Pwede mo naman gawin ang ibang stunts tulad ng pagkanta, pagsasayaw o kaya’y pagtawid sa alambre.

Alamin mo rin ang iyong ugali. Mainitin ba ang iyong ulo? Malambing ka ba? Mahilig ka bang magsermon? Paano ka magdamit? Istrikto ka ba? Dapat maging totoo ka at tanggapin kung may kulang sa iyong pagkatao at kakayanan. Hindi naman masama kung kulang ka sa abilidad o kaya’y may di kanais-nais na ugali. Kaya mo nga pag-aaralan ito ay upang makagawa ka ng angkop na pamamaraan.

Dapat alamin mo rin ang iyong istudyante. Ang istudyante mo ba ay fast learner or slow learner[mild term sa bobo]? Di porke’t hirap siya umintindi ay talagang sinumpa na siya. Baka naman kase wala lang siyang interest o baka naman sa estilo ng pagtuturo mo ang may depekto. Ikaw na lang ang mag-adapt sa istudyante mo. Tanungin mo rin kung kumain na s’ya. Baka naman dahil gutom s’ya kaya wala syang focus. Baka naman kulang din ang sustansyang binibigay sa kanya ng pagkain nya. Subukan mong patakan ng iodized salt dila nya baka sakaling umepekto. Alamin mo rin ang attention span nya. Kulang ba sya sa pansin? Baka minsan kaya siya magulo sa klase dahil wala sa kanya ang atensyon ng magulang nya. Alamin mo rin ang kanyang mga pangarap at hilig.

Ngayong alam mo na ang tungkol sa iyong sarili at sa istudyante mo, alamin naman natin ang mga prosesong mag-uugnay sa inyong dalawa…

1. Pag-unawa sa leksyon. Huwag mong presure-in ang istudyante mo na mag-memorya ng sandamakmak na mga termino. Ok lang ‘yun basta nauunawaan lang nilang mabuti ang mga kataga. Dahil ang memorized terms ay di nagtatagal ngunit ang pag-unawa dito ay maaaring umabot ng habambuhay.

2. Praktis. Ang mga teorya, pormula at iba pang kaalaman na merong operasyon ay nangangailangan ng praktis. Dahil kahit nauunawaan na nila ito, malilimutan nila ang sequence at magiging madalas ang kanilang pagkakamali sa aktwal na aplikasyon. Kelangan dito ang paulit-ulit na pagsasanay hanggang mabawasan kundi man tuluyang mawala ang pagkakamali. Lagi mo silang bigyan ng math o science problems upang mahasa ang kanilang galing at kumpiyansa sa sarili.

3. Pagbuo ng kumpyansa sa sarili. Napakahalaga nito dahil ito ang magiging barometro ng kanilang pag-gawa sa tunay na mundo. Kaya sa loob pa lang ng silid aralan ay hubugin na ito. Makakatulong ang pagpuri sa kanilang magagandang gawa, ideya o ugali. ‘Wag naman ang di makatotohanang pagpuri dahil pambobola na ‘yun. Baka lalo silang mapasama dahil akala nila’y tama o maganda na ang kanilang ginagawa. Iwasan ang pambubulyaw kung sila’y nagkakamali. Nakakadurog kase ito ng self-steem at nakaka-udlot ng tumutubong pagkamalikhain.

4. Pagpapalabas ng likhang isip. Mayaman ang imahinasyon ng bawat isa. Kaya ang tungkulin nating mga guro ay halukayin iyon. Hayaan nating likha nila ang lumabas at hindi ang sa atin. Dahil baka sa halip na lumabas ang kakilanlan nila sa mga ideya ay anyo natin ang lumabas. Hindi ba’t nakaka-kilabot na pangitain? Kung mauwi sila sa pagngongopya at panggagaya ng gawa ng iba at kung masyado silang umaasa sa mga tinuturo lamang sa kanila, maaaring may kulang sa ating pamamaraan.

5. Paghubog ng mapanuring kaisipan. Ang epektibong guro ay hindi iyong nagtuturo lamang ng leksyon kundi ang naghahamon sa istudyante upang mag-isip at maging mapanuri. Matuwa ka kung dahil sa ‘yo ay tanong na nang tanong mga istudyante mo. Ibig sabihi nito’y nagsisikap silang matuto. Pero depende pa rin sa uri ng tanong nila, kung may sense ba o wala.

6. Pagtahak sa malinaw na direksyon. Kadalasan turo lang tayo nang turo at nakakaligtaan nating ipaliwanag kung para saan ang mga pinag-aaralang mga teorya, pormula at mga termino. Minsan naituro lang natin ang operasyon ng pormula ng skewness sa stat ngunit di natin naibabahagi kung para saan ba ito sa totoong buhay. Kahit magaling na silang mag-compute ng Boyle’s formula, kung di nila alam kung paano ito gagamitin sa aktwal na teknolohiya…    …wala rin itong saysay. Dapat malinaw sa istudyante kung saan ang patutunguhan ng kanyang mga nalalaman.

7. Kasarinlan. Hindi habambuhay ay sa iskul ang mag-aaral. Kaya sa murang idad pa lang ay turuan mo na syang maging resourceful, adaptable at innovative. Makalimutan man nya lahat ng tinuro mo, makakalikha sya ng sariling ideya na baka mas mainam pa sa tinuro mo sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Turuan mo syang tumugon sa hamon ng kanyang kapaligiran at turuan mo syang lampasan ang mga pagsubok ng buhay upang sa huli’y masabi nya sa ‘yo, “Titser, kaya ko na ‘to! Di na kita kelangan sa buhay ko.”

Marami pang mga prosesong pwede nyong idagdag. Nawa kahit papaano’y may nai-ambag din ako sa inyo. At kahit hindi tayo guro, nasa atin pa rin nakaaatang ang tungkulin na magmulat ng ating mga anak, kapatid, kaibigan, kabagang, kabaro at kapanalig. Lugmok na sa kahirapan ang bansa. Nadidimlan na tayo dahil sa panlolokong ginagawa ng goyerno, kapabayaan ng media at mundong nilikha ng konsumerismo. Kung ang sagot mo sa tanong kong “Tister ka ba?” ay “Hindi…    …nawa’y “Oo” ang isagot mo kung may magtanong sa ‘yong “Tutulong ka ba sa pambansang pagmumulat?”

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.