Noong nakaraang Huwebes, Oktobre 29, Nagpatawag ng public consultation ang pamahalaang probinsyal ng Palawan tungkol sa hiling ni Cong. Chikoy Alvarez na tanggalin ang limang protected area sa Palawan, kasama ang El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area, sa panukalang batas na Enhanced National Integrated Protected Areas System Law (ENIPAS).

Bagaman may halong panlilinlang ang presentasyon ng mga nag-nagpadaloy ng konsultasyon, ipinahayag pa rin ng mga residente ang pagtutol.

Narito ang ilan sa mga panlilinlang na nakasaad sa mga nasabing presentasyon:

1. Mas makapangyarihan ang ENIPAS kaysa IPRA LAW (Batas tungkol sa Katutubo) at mapapaalis ang mga katutubo sa loob ng protected area.

2. Bawal ang motorized vehicles.

3. Mas maraming bawal, mas mataas ang parusa.

4. Walang ginawang pag-sangguni ang senado bago ipasa ang batas.

Sa kabilang banda, narito naman ang katotohanan tungkol sa ENIPAS:

1.Iginagalang ng ENIPAS ang IPRA LAW. Sa katunayan, mananatili ang mga katutubo sa kanilang tahanan. Ang di lang pwede ay ang “naturalized” na katutubo na ginagamit ng mga investors para magamit ang protektadong gubat.

2. Nakasaad sa ENIPAS, hindi papayagan ang motorized vehicles kung walang lisensya mula sa mga kinauukulan, e.g., MARINA at LTO. Ito ay matagal nang nakasaad sa mga batas ng transportasyon.

3. Dapat lang na damihan ang bawal upang mapangalagaan ng husto ang likas yaman. Dapat lang ding taasan ang parusa upang matakot mga mapagsamantala.

4. Nagkaroon ng konsultasyon ang senado. Sa katunayan, pinatawag na nila ang mga kinatawan ng mga protected areas sa Palawan kasama ang pamahalaang probinsyal.

Maliban dito, ang ENIPAS ang magiging panangga ng El Nido sa mga mapanirang proyekto tulad ng mining at coal-fired power plant.

Basehan ang ganitong katotohanan, hinihikayat ko ang mga mamamayan ng El Nido, ng lalawigan ng Palawan at mga bisitang nagmamahal sa likas- yaman ng Palawan na manindigan at bantayan ang pagpasa ng ENIPAS. Dahil baka bukas o makalawa, magising na lang tayo na sira na ang gubat at buhay ilang sa Palawan.

 

1483049_10151849191807099_503970433_nKamakailan lamang, tinanghal ng Travel + Leisure Magazine ang Palawan bilang pinakamagandang isla sa buong mundo. Hindi na tayo magtataka dahil ang Palawan ay merong dalawang World Heritage Site, ang Puerto Princesa Underground River at ang Tubbataha Reef. Maliban dito, nariyan din ang magagandang destinasyong pangturismo tulad ng Port Barton, El Nido at Busuanga. Nasa Palawan din nakapaloob ang 8 na protected areas, 690,000 ektarya ng gubat, 42,500 ektarya ng bakawan, mahigit 447 specie ng bahura at 279 specie ng ibon.

Ang Palawan ay isa sa ilan na lamang na natitirang yaman ng Pilipinas. Ngunit sa kabila ng kanyang kagandahan, may isang higanteng kumpanya, ang DMCI, na nagnanais magtayo ng planta ng coal sa munti niyang bayang Aborlan. Kataka-takang inaprubahan ng lokal na pamahalaan, mula barangay hanggang munisipyo at hanggang pamahalaang probinsyal ang pagtatayo ng naturang planta sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan ng Aborlan. Ang tanging sangay ng gobyerno na tumutol sa proyekto ay ang Palawan Council for Sustainable Development [PCSD]. Kasabay ng pagtutol na ito ng PCSD ay ang isang malawakang protestang ginanap noong Nobyembre 28, 2013.

Maging ang mga alagad ng sining ay nakiisa sa protesta. Noong Disyembre 1, 2013 binuksan ang isang art exhibit sa Robinson’s Palawan bilang protesta sa pagtatayo ng nasabing planta. Ang exhibit ay magtatapos sa Diyembre 6 kung saan magkakaroon ng kosiyerto si Lolita Carbon ng ASIN.

Kasama sa kilos protesta ay ang sulating ito na nagnanais na iparating sa inyo ang mga paglilinaw sa mga sumusunod na isyu:

1. Hindi ang kakulangan sa power generators ang dahilan ng malawakang brown-outs. Ang tunay na dahilan ay ang hindi matinong pamamahala ng pamamahagi ng kuryente. Sa katunayan, 54 MW na kuryente ang kayang ibigay ng Palawan Mainland Grid ngunit ang pinaka-malalaking kable na dinadaluyan ng kuryente ay hindi akma sa ganito kalakas na daloy.

2. Hindi totoong walang nagawang plano na magtayo ng renewable energy source sa Palawan. Katunayan, mula pa 2007 limang proposals na para sa hydro-electric power plant ang isinumite sa pamunuan ng PALECO [Palawan Electric Cooperative] at NAPOCOR [National Power Corp.] Nagkaroon din ng proposal para sa bio-mass at solar energy.

3. Hindi totoong mahal ang renewable energy. Bagaman malaki ang kapital na kailangan sa hydro-electric at solar power plants, maliit lamang ang babayaran ng mga gumagamit dahil mababa ang operational costs ng mga ito. Maliban dito, ang mga konsyumer ng renewable energy ay di saklaw ng 12% Value Added Tax [VAT].

4. Hindi totoo ang konbersyon mula coal patungong biomass ng gatong ng planta sa loob ng 3 taon. Ito’y isang panlilinlang dahil ang ganitong konbersyon ay mangangailangan ng kumplikadong teknolohiya na napakamahal.

5. Hindi rin totoo ang “Clean Coal Technology” na pinangangalandakan ng DCMI. Sa katotohan, wala pang teknolohiya para gawing malinis ang usok na lumalabas sa coal power plant.

Lubhang napakahalaga ang isyung ito dahil kapag magagawa nila ito sa Palawan, mas lalo na sa lahat ng bahagi ng bansa. Hindi kaila sa atin na umiinit na ang klima ng mundo at ito’y nagdudulot ng malalakas na bagyo tulad ng Yolanda. Sa puntong ito, dapat na nating tutulan ang anumang magpapalala sa patuloy na umiinit na mundo at isulong natin ang malinis na pagmumulan ng enerhiya.

Wag mag-alala, hindi pa huli ang lahat. May magagawa ka pa..

Ang One Palawan ay isang organisasyong itinatag upang tutulan ang operasyon ng pagmimina sa Palawan. Binubuo ito ng mga kinatawan mula sa Non-Government Organizations [NGO], pribadong sektor, akademya at simbahan. Kamakailan lamang ay naglunsad sila ng isang signature campaign laban sa mina. Nais ng grupo na maka-kolekta ng 10 milyong lagda upang himukin ang pamahalaan na ideklara na “No Mining Zone” ang Palawan.

Bagaman mayaman sa depositong mineral ang Palawan, nanganganib na masira ang napakayamang buhay ilang nito kapag nagpatuloy ang mga mining operations sa probinsiya. Ayon sa mga datos, ang Palawan ay may 17 key bio-diversity sites, 2 UNESCO World Heritage sites at 8 na protected areas. Nagtataglay din ito ng 690,000 ektarya ng gubat, 42,500 ektarya ng bakawan, 379 specie ng bahura at 279 specie ng ibon.

Likas yaman ang pinagkukunan ng pagkain ng mga magsasaka at mangingisda sa lugar. Ito rin ang tahanan ng mga katutubong Tagbanua, Tao’t Bato at Batak. Sa kasalukuyan ay nararamdaman na ang epekto ng mina. Nakikita na ng mga katutubo ang pagdumi ng kanilang mga ilog. Pati ang ilang irigasyon ay kontaminado na rin. Dahil dito apektado ang produksyon ng sektor ng agrikultura sa mga kanayunan. Ang industriya ng turismo, na siyang mabilis na lumalago sa Palawan ay nanganganib na maapektuhan na rin.

Sa kasalukuyan, mayroong 354 na aplikasyon na ng pagmimina sa Palawan. At kung papayagan lahat, wala nang matitirang tingkad ang dati’y tinawag nilang “Last Frontier” ng Pilipinas. Di pa marahil huli ang lahat. Kung pakikinggan lamang ng pamahalaan ang ating mga lagda.

Ramdam Ang Kaunlaran

Setyembre 14, 2009

Hindi ako ekonomista. Ngunit naguguluhan ako sa “kaunlarang” ipinangangalandakan ng administrasyon sa kabila ng pagdami ng mga nagugutom at walang trabaho. Sapat na bang batayan ang pagdami ng minahan sa bansa? Sukatan ba ang remittances [Capital LBC] na pinapadala ng mga OFW? E bakit, patuloy pa rin ang pagkadismaya ng sambayanang Pilipino?

Baka naman nakasama sa bansa ang pagkakaroon ng mga ekonomistang nag-aral sa mga akademya ng ibang bansa. Baka di akma sa atin ang sinasambang ekonomiyang kanluran na nag-pakilala sa atin ng plastic [at kapalstikan], pestisidyo, krudo, mina at pulbura. Marahil ay di akma ang parametrong pilit nilang ipinagduldulan sa mga mahihirap na bansa. Marahil ay masyado tayong kinilig sa industrialisasyong naghatid ng bilyong tonelada ng Carbon sa atmosphere.

Buksan natin ang ating mga mata. Ano ba ang dulot ng maka-kanlurang ekonomiya sa bansa? Naging dependent ang ating mga sakahan sa pestisidyo. Naging marumi ang ating karagatan sa plastic at latak ng pabrika. Nangitim ang hangin sa mga siyudad dahil sa krudo. At marami ang nagkasakit dahil sa pagmimina.

Mukhang nalunod tayo sa mga pigura ng Gross Domestic Product [GDP] at nakaligtaan natin na ang esensiya ng kaunlaran ay hindi nakabatay sa DGP kundi sa GDH [Gross Domestic Happiness]. Tila hindi natin nabigyang pansin ang mga sumusunod na mga indikasyon ng kaunlaran:

1. Kasiguruhan sa Pagkain. Bakit natuon nang labis ang pansin natin sa pag-unlad na dulot ng industriyalisasyon at nakaligtaan natin ang sektor ng agrikultura? Lahat ay gusto sa siyudad. Lahat ay gusto magtrabaho sa pabrika at opisina. Wala na ang gustong mag-aral ng agrikultura. Iniwan nang tiwangwang ang mga lupain. Pinalala pa ito ng wala sa pusong pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Ang resulta. umaangkat pa tayo ng bigas sa Vietnam, Thailand at China. Nakakahiya dahil ang mga bansang ito ay nagpadala ng mga dalubhasa sa Pilipinas upang mag-aral ng teknolohiya sa pagtatanim ng palay. Ngayon, tayong pinagmulan ng agham ang salat sa bigas at sila ang tumutugon sa kakulangang iyon.

2. Malusug na Mamamayan. Hindi ba’t ang kalusugan ay batayan din ng maunlad na pamayanan? Aanhin ang mga gusali’t iba pang inprastraktura kung laganap ang sakit at malnutrisyon. Ito ang bagay, kasama ng kalikasan,  na ipinagpalit natin sa “yamang” bigay ng mina.

3. Protektadong Kalikasan. Sustainable Development – ito ang gasgas na salitang patuloy na ginagamit sa industriyang turismo. Ngunit napigilan ba ang kontaminasyon ng tubig na dulot ng tinatawag nilang “mass tourism?” Napigilan ba ng pagkasira ng bahura dahil sa pagdagsa ng mga iresponsableng turista? Matagumpay ba ang DENR sa pangangalaga ng protected areas? O baka naman sila ang dahilan ng pagkasira nito.

Sa kalikasan nakasalalay hindi lang ang pangmatagalang industriyang turismo kundi na rin ang kasiguruhan sa pagkain. Ang maayos at organisadong pangangalaga ng kalikasan ang kailangan ng naghihingalong gubat at bahura ng bansa.

4. Mataas na Antas ng Karunungan. Isa ring batayan ng pag-unlad ang karunungan at kaalaman. Ngunit hindi sapat ang pagpapatayo ng mga paaralan at hindi rin sapat ang mababang tuition fee, libreng aklat at karagdagang guro. Makikita ang pag-unlad sa kakayanan ng mga mag-aaral na mamuno, kasanayan sa larangan ng agham at malawak ng pag-unawa sa mga nangyayari sa bansa.

Tila may depekto ang sistema ng edukasyon ngayon sa bansa. Tila nakaligtaan bigyan ng importansya ang kumpiyansa sa sarili, pagkamalikhain at pagpapahalaga sa karunungan ng mga mag-aaral. Gayunpaman, nakatulong din kahit papaano ang iodized salt campaign ng pamahalaan.

5. Malinis na Pamumuhay. Ito ang pinakamataas na batayan ng pag-unlad. Indikasyon ito na may sapat na pagkain dahil hindi na naiisipan ng karamihan ang magnakaw at manlamang ng kapwa. Kung sapat ang talino, may malawak na pang-unawa sa bawat isa at kung malinis ang kalikasan, malinis din ang magiging pag-iisip ng mga mamamayan.

“Ramdam ang pag-unlad!” Ano ba ang batayan ng pamahalaan? Ang parametro ng kanluran, ang mga numero ng GDP o ang sangkatutak na inprastraktura na mas lalong nagbaon sa atin sa utang? Eto ang tunay na kalagayan ng bansa: laganap ang katiwalian sa gobyerno, masyadong mabagal ang hustisya at wala ang tapat na layunin na ipatupad ang batas.

Tila wala nang pag-asa ang sitwasyon ng bansa. At tila ayaw nang umalis sa pwesto ang mga naging dahilan ng pagbulusok natin sa kahirapan. Gayunpaman, may magagawa pa rin tayo para tahakin ang totoong pag-unlad. Simulan natin sa ating mga sarili.

Bobo Ba Ang Pinoy?

Setyembre 11, 2009

Natatawa ako at naaaliw na basahin ang mga sulating naglalarawan ng kabobohan, kapalpakan at katangahan ng Pinoy. Ngunit kasabay ng pagtubo ng abs at pamumuo ng kabag sa tyan sa katatawa ay ang kurot sa budhi. Hindi ba’t tayong mga nag-a-“astang” intelektwal ang may kagagawan ng kabobohang pinag-durusahan ng ating lipunan? Hindi ba’t tayo ay bahagi rin sa kabobohang ito?

Hindi kataka-taka dahil nakikita natin ang kamangmangan ng Pinoy ayon sa pamantayang ipinagduldulan sa atin ng kanlurang kultura na nagpakilala sa atin ng plastic, kontrasepsyon at pulbura. Nakakalungkot na ang tinangkilik natin ay ang edukasyon na nabatay sa kanilang pamantayan na ang matalino ay ang marunong umingles, magbasa at magbilang.

Hindi lang natin nasilip, tayong mga “edukadong” naturingan, ang agham na kanilang ginagalawan tulad ng agham ng hilot, isang katutubong istilo ng panggagamot na maaari nating ipantay sa shiatsu ng hapon, at ang “jungle survival” ng mga Ita na pinag-aaralan pa ng hukbong Amerikano dito sa bansa.

Matalino ang Pinoy. Hitik sya sa agham na itinuro ng mga ninuno at ng kalikasan. Magaling sa diskarte at mayaman sa imahinasyon. Ngunit ano ang ating ginawa? Sinamba natin ang industrialisasyong ipinakilala ng kanluran. Tinabunan ang katutubong agham ng kultura ng plastic na nagkalat sa ating mga karagatan. Hinigop ng mga makinarya ang mga magsasaka sa bukid. Paano lilitaw ang natatagong galing ng Pinoy kung kulang sa nutrisyon ang kinakain? Wala nang food security sa bansa dahil panay panawid gutom lamang ang mga programa ng gobyerno. Dagdag pa dito ang opyo ng showbiz na pampamanhid sa gutom na nararanasan ng mga kaawa-awang maralita.

Bobo ba ang Pinoy? Hindi naman. Mismanaged lang. At bawat isa’y sangkot sa bugok na sistemang nagpabagsak sa antas ng pambansang kamalayan. Ano ang nagawa ng mga manunulat at artista upang malunasan ang maling direksyong tinatahak ng edukasyon, sining at agham ng bansa? Asan ang ating mga henyo at siyentipiko? Mukhang naroon sila sa mga bansang nagpakita ng interes sa kanilang katalinuhan. Hindi na yata interesado sa kanila ang ating pamahalaan.

Gayunpaman, nangangarap pa rin ako na balang araw ay makikilala rin ang “wa-is” na Pinoy. Ngunit habang wala pa ‘yon. Patuloy pa rin ako sa katatawa sa pagbabasa ng kabobohan ng Pinoy, tawa na nauuwi sa luha. Na-hu-hurt ako hindi dahil sa kabag na namuo sa t’yan ko kundi sa katotohanang kasama pala ako sa kabobohang ito.

Pero hindi talaga bobo ang Pinoy. Hindi lang halata na matalino.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.