Alegorya Ng Kuweba

Setyembre 23, 2012

Ayon kay Plato, tayo ay tulad ng isang tao na nasa loob ng kuweba, naka-tanikala at nakaharap sa dingding ng yungib. May apoy sa ating likuran at ang tanging nakikita natin ay mga anino ng mga bagay sa labas ng kuweba. At dahil dito, kakailanganin nating humulagpos sa tanikala at lumabas ng kuweba upang makita ang katotohanan tungkol sa mga bagay.

Ang larawang ito ang buod ng rasyunalismo ni Plato at ito ay tinaguriang “Alegorya ng Kuweba.” Ayon kay Plato, ang mga imahe ng mga bagay na ating nakikita sa mundo ay pawang mga anino lamang ng katotohanan. Ang tunay na pag-iral ay nasa ‘Mundo ng mga Ideya.’ Ang mga konsepto ng bagay ay naroroon na sa isipan na natin mula  kapanganakan. Kakailanganin lamang nating gamitin ang ating pangangatwiran upang sila’y matuklasan.

Taliwas naman ang turo ni Aristotle, na kanyang naging estudyante. Ayon kay Aristotle, ang katotohanan ay ang karanasan sa pamamagitan ng ating mga mata, tenga, pandamdam, pang-amoy at panlasa. Ang mga ideya ay wala pa sa ating isip noong tayo’y ipinanganak, taliwas sa turo ng guro niyang si Plato. Ang isip ng tao ay tinagurian ni Aristotle na ‘Tabula Rasa’ na ang ibig sabihin ay blankong tableta. At bawat karanasan sa pamamagitan ng ating senses ay isinusulat sa nasabing tableta. Ang kaisipang ito ay tinawag na empirisismo.

Sa paglipas ng mga taon, mas pinanigan ng mga pilosopo at mga siyentipiko ang empirisismo. Kahit ako ay palo sa kaisipan ni Aristotle. Ngunit napag-isip-isip ko, bagama’t mali si Plato, may binuksan siyang pinto sa pagtahak sa mundo ng rasyunalismo – ang pagtingin lampas sa realidad na ating nakikita.

Sa tingin ko’y may punto pareho ang dalawang paham. Sa aking pananaw, sa aninong tinuran ni Plato, hindi ibig sabihi’y hindi katotohanan ang ating nakikita kundi may katotohanang mas makapag-papalaya na hindi makikita sa hugis. Hindi ba’t ang batong ating nakikita ay binubuo ng mga ‘atomos’ na iminungkahi ng dakilang si Democritus? Hindi ba’t ang materya ay patuloy na mahiwaga sa atin? Misteryo pa rin ang pinagmumulan ng grabiti at ang particle na mas maliit sa quark ay di pa rin natutuklasan. Kung titigil tayo sa mga bagay na ating nakikita lamang, wala nang pag-unlad sa ating agham.

Sa ganang akin, ang hugis ng mga bagay na ating nakikita ay hugis ng kanilang gamit at ito’y buod ng relatibiti, ng ebolusyon ng pakikisalamuha sa iba pang materya. Alam kong mali ang konsepto ni Plato sa kanyang rasyunalismo ngunit gusto kong sundan ang kanyang lohika – ang pagtuklas sa mas malawak at makapagpapalayang na realidad.

Advertisements

Bangang Naghihikab

Oktubre 11, 2009

yawn

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.

Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?

Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.

panguyabBakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.