Noong nakaraang Huwebes, Oktobre 29, Nagpatawag ng public consultation ang pamahalaang probinsyal ng Palawan tungkol sa hiling ni Cong. Chikoy Alvarez na tanggalin ang limang protected area sa Palawan, kasama ang El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area, sa panukalang batas na Enhanced National Integrated Protected Areas System Law (ENIPAS).

Bagaman may halong panlilinlang ang presentasyon ng mga nag-nagpadaloy ng konsultasyon, ipinahayag pa rin ng mga residente ang pagtutol.

Narito ang ilan sa mga panlilinlang na nakasaad sa mga nasabing presentasyon:

1. Mas makapangyarihan ang ENIPAS kaysa IPRA LAW (Batas tungkol sa Katutubo) at mapapaalis ang mga katutubo sa loob ng protected area.

2. Bawal ang motorized vehicles.

3. Mas maraming bawal, mas mataas ang parusa.

4. Walang ginawang pag-sangguni ang senado bago ipasa ang batas.

Sa kabilang banda, narito naman ang katotohanan tungkol sa ENIPAS:

1.Iginagalang ng ENIPAS ang IPRA LAW. Sa katunayan, mananatili ang mga katutubo sa kanilang tahanan. Ang di lang pwede ay ang “naturalized” na katutubo na ginagamit ng mga investors para magamit ang protektadong gubat.

2. Nakasaad sa ENIPAS, hindi papayagan ang motorized vehicles kung walang lisensya mula sa mga kinauukulan, e.g., MARINA at LTO. Ito ay matagal nang nakasaad sa mga batas ng transportasyon.

3. Dapat lang na damihan ang bawal upang mapangalagaan ng husto ang likas yaman. Dapat lang ding taasan ang parusa upang matakot mga mapagsamantala.

4. Nagkaroon ng konsultasyon ang senado. Sa katunayan, pinatawag na nila ang mga kinatawan ng mga protected areas sa Palawan kasama ang pamahalaang probinsyal.

Maliban dito, ang ENIPAS ang magiging panangga ng El Nido sa mga mapanirang proyekto tulad ng mining at coal-fired power plant.

Basehan ang ganitong katotohanan, hinihikayat ko ang mga mamamayan ng El Nido, ng lalawigan ng Palawan at mga bisitang nagmamahal sa likas- yaman ng Palawan na manindigan at bantayan ang pagpasa ng ENIPAS. Dahil baka bukas o makalawa, magising na lang tayo na sira na ang gubat at buhay ilang sa Palawan.

 

DSC_7229Ang Strategic Environmental Plan for Palawan [SEP Law] o ang Republic Act 7611 ay ginawa upang maprotektahan ang kalikasan ng Palawan. Isa sa mga mahalagang bahagi ng SEP Law ay ang Environmentally Critical Areas Network [ECAN] Map. Nasa mapang ito nakasaad ang mga sumusunod:

1. Core Zone – ang pinakasagrado sa lahat ng mga sona. Hindi pinapayagan dito ang pagtatayo ng istruktura o anumang gawain maliban sa siyentipikong panananaliksik, pangangasiwa sa kalikasan at mga ritwal ng mga katutubo.

2. Buffer Zone – ang sona kung saan pinapayagan lamang ang mga iilang gawain na walang masyadong epekto sa kalikasan. Ang buffer zone ay nakalagay palibot sa core zone.

3. Controlled Use Zone – ang mga lugar kung saan pinapayagan ang turismo, pangingisda at iba pang gawaing pangkabuhayan ngunit nalilimitahan ng mga mahigpit na patakaran.

4. Traditional Use Zone – ang sona kung saan pinapayagan ang mga nakasanayan nang gawain ng komunidad tulad ng pangunguha ng balinsasayaw at mga laman-dagat.

5. Multiple Use Use Zone – ang sona kung saan maaaring magtayo ng istruktura at gawin ang normal na kalakal.

Napakaganda ng hangarin ng SEP Law dahil nais nitong pangalagaan ang ating kagubatan, mga katutubo at kabuhayan ng mga nakatira sa Palawan. Ngunit may pagkakamali ang batas na ito. Dahil karamihan sa mga nakaluklok sa Palawan Council for Sustainable Development [PCSD], ang konsehong tagapag-patupad ng SEP Law, ay mga pulitiko: ang gobernador ng Palawan, tatlong kongresista ng 3 distrito ng Palawan at ang mayor ng Puerto Princesa City. Dahil sa ganitong istruktura, walang magagawa ang iilang Civil Society Organizations [CSO] na miyembro rin ng PCSD pagdating sa mga kritikal na desisyon. Malaki ang tsansa na manaig ang layuning politikal kaysa pangangalaga sa kalikasan.

At nangyari nga ito kamakailan nang aprubuhan ng PCSD ang pagtatayo ng Coal-Fired Power Plant sa Narra, isang proyekto na magdudulot ng polusyon sa hangin, mga ilog at agrikultura.. Naganap ito nang walang ginawang pagsangguni sa mga apektadong mamamayan. Nakakalungkot dahil ang layunin ng batas ay pangalagaan ang kalikasan ng Palawan. Ngunit kabaliktaran, pinangalagaan ng PCSD ang interes ng mga politiko.

Hindi lamang ‘yon, Gawain din ng PCSD ang aprubahan ang mga mining operation sa Timog Palawan kahit na ang mga proyekto ay nakalagay sa core zone at lugar ng mga katutubo. Kapag magpapatuloy ang ganitong kalakalan, wala na talagang saysay ang nasabing batas na dapat sana ay mangangalaga sa mga likas yaman ng Palawan. Kaya dapat lang na baguhin ang SEP Law: tanggalin ang mga pulitiko sa PCSD at palitan ng mga siyentipiko at mga kinatawan ng mga pangkalikasang organisasyon.

Habang di pa nababago ang batas, kailangan nating magbantay. Kasalukuyan ngayong tinututulan ng mga taga-Palawan ang pagtatayo ng coal plant at nagsasagawa sila ng signature campaign para tutulan ang coal plant na inaprubahan ng PCSD. Naglagay din sila ng hashtag sa Twitter na #CoalFreePalawan upang ipahayag ang pagtutol. Patuloy ang laban at inaanyayahan ang lahat na makisangkot at magbantay dahil nakataya dito ang kahihinatnan ng isa sa pangunahin pinupuntahan ng mga turista dito sa Pilipinas at ang pananatili ng napakayamang kalikasan na naninirahan dito. Maliban pa rito, ang usok na ibubuga ng coal plant ay karagdagan sa pagbabago ng klima sa buong mundo.

1483049_10151849191807099_503970433_nKamakailan lamang, tinanghal ng Travel + Leisure Magazine ang Palawan bilang pinakamagandang isla sa buong mundo. Hindi na tayo magtataka dahil ang Palawan ay merong dalawang World Heritage Site, ang Puerto Princesa Underground River at ang Tubbataha Reef. Maliban dito, nariyan din ang magagandang destinasyong pangturismo tulad ng Port Barton, El Nido at Busuanga. Nasa Palawan din nakapaloob ang 8 na protected areas, 690,000 ektarya ng gubat, 42,500 ektarya ng bakawan, mahigit 447 specie ng bahura at 279 specie ng ibon.

Ang Palawan ay isa sa ilan na lamang na natitirang yaman ng Pilipinas. Ngunit sa kabila ng kanyang kagandahan, may isang higanteng kumpanya, ang DMCI, na nagnanais magtayo ng planta ng coal sa munti niyang bayang Aborlan. Kataka-takang inaprubahan ng lokal na pamahalaan, mula barangay hanggang munisipyo at hanggang pamahalaang probinsyal ang pagtatayo ng naturang planta sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan ng Aborlan. Ang tanging sangay ng gobyerno na tumutol sa proyekto ay ang Palawan Council for Sustainable Development [PCSD]. Kasabay ng pagtutol na ito ng PCSD ay ang isang malawakang protestang ginanap noong Nobyembre 28, 2013.

Maging ang mga alagad ng sining ay nakiisa sa protesta. Noong Disyembre 1, 2013 binuksan ang isang art exhibit sa Robinson’s Palawan bilang protesta sa pagtatayo ng nasabing planta. Ang exhibit ay magtatapos sa Diyembre 6 kung saan magkakaroon ng kosiyerto si Lolita Carbon ng ASIN.

Kasama sa kilos protesta ay ang sulating ito na nagnanais na iparating sa inyo ang mga paglilinaw sa mga sumusunod na isyu:

1. Hindi ang kakulangan sa power generators ang dahilan ng malawakang brown-outs. Ang tunay na dahilan ay ang hindi matinong pamamahala ng pamamahagi ng kuryente. Sa katunayan, 54 MW na kuryente ang kayang ibigay ng Palawan Mainland Grid ngunit ang pinaka-malalaking kable na dinadaluyan ng kuryente ay hindi akma sa ganito kalakas na daloy.

2. Hindi totoong walang nagawang plano na magtayo ng renewable energy source sa Palawan. Katunayan, mula pa 2007 limang proposals na para sa hydro-electric power plant ang isinumite sa pamunuan ng PALECO [Palawan Electric Cooperative] at NAPOCOR [National Power Corp.] Nagkaroon din ng proposal para sa bio-mass at solar energy.

3. Hindi totoong mahal ang renewable energy. Bagaman malaki ang kapital na kailangan sa hydro-electric at solar power plants, maliit lamang ang babayaran ng mga gumagamit dahil mababa ang operational costs ng mga ito. Maliban dito, ang mga konsyumer ng renewable energy ay di saklaw ng 12% Value Added Tax [VAT].

4. Hindi totoo ang konbersyon mula coal patungong biomass ng gatong ng planta sa loob ng 3 taon. Ito’y isang panlilinlang dahil ang ganitong konbersyon ay mangangailangan ng kumplikadong teknolohiya na napakamahal.

5. Hindi rin totoo ang “Clean Coal Technology” na pinangangalandakan ng DCMI. Sa katotohan, wala pang teknolohiya para gawing malinis ang usok na lumalabas sa coal power plant.

Lubhang napakahalaga ang isyung ito dahil kapag magagawa nila ito sa Palawan, mas lalo na sa lahat ng bahagi ng bansa. Hindi kaila sa atin na umiinit na ang klima ng mundo at ito’y nagdudulot ng malalakas na bagyo tulad ng Yolanda. Sa puntong ito, dapat na nating tutulan ang anumang magpapalala sa patuloy na umiinit na mundo at isulong natin ang malinis na pagmumulan ng enerhiya.

Wag mag-alala, hindi pa huli ang lahat. May magagawa ka pa..

Ang One Palawan ay isang organisasyong itinatag upang tutulan ang operasyon ng pagmimina sa Palawan. Binubuo ito ng mga kinatawan mula sa Non-Government Organizations [NGO], pribadong sektor, akademya at simbahan. Kamakailan lamang ay naglunsad sila ng isang signature campaign laban sa mina. Nais ng grupo na maka-kolekta ng 10 milyong lagda upang himukin ang pamahalaan na ideklara na “No Mining Zone” ang Palawan.

Bagaman mayaman sa depositong mineral ang Palawan, nanganganib na masira ang napakayamang buhay ilang nito kapag nagpatuloy ang mga mining operations sa probinsiya. Ayon sa mga datos, ang Palawan ay may 17 key bio-diversity sites, 2 UNESCO World Heritage sites at 8 na protected areas. Nagtataglay din ito ng 690,000 ektarya ng gubat, 42,500 ektarya ng bakawan, 379 specie ng bahura at 279 specie ng ibon.

Likas yaman ang pinagkukunan ng pagkain ng mga magsasaka at mangingisda sa lugar. Ito rin ang tahanan ng mga katutubong Tagbanua, Tao’t Bato at Batak. Sa kasalukuyan ay nararamdaman na ang epekto ng mina. Nakikita na ng mga katutubo ang pagdumi ng kanilang mga ilog. Pati ang ilang irigasyon ay kontaminado na rin. Dahil dito apektado ang produksyon ng sektor ng agrikultura sa mga kanayunan. Ang industriya ng turismo, na siyang mabilis na lumalago sa Palawan ay nanganganib na maapektuhan na rin.

Sa kasalukuyan, mayroong 354 na aplikasyon na ng pagmimina sa Palawan. At kung papayagan lahat, wala nang matitirang tingkad ang dati’y tinawag nilang “Last Frontier” ng Pilipinas. Di pa marahil huli ang lahat. Kung pakikinggan lamang ng pamahalaan ang ating mga lagda.

Bangang Naghihikab

Oktubre 11, 2009

yawn

Noong 1965, isang kakaibang artifak ang natagpuan ni Dr. Robert B. Fox sa kuweba ng Leta-Leta sa Isla ng Lagen, El Nido, Palawan. Ang nasabing artifak ay isang bangang yari sa luwad na ang hugis ay tulad ng isang taong naghihikab. Tinatayang nilikha noong 265 B.C, ang nasabing banga, na tinaguriang “The Yawning Jar,” ay payapang nakalagak ngayon sa Pambansang Museo. At ang mga replika nito ay makikita sa El Nido Tourism Office at Ille Cave archaeological site sa New Ibajay.

Bagaman napakahalaga niya sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa, nanatili lamang ang Bangang Naghihikab na di napapansin sa apat na sulok ng museo sa loob ng 4 na dekada. Sa kabilang dako, ang Banga ng Manunggul ay nakaluklok sa katanyagan bilang simbolo ng napaka-halagang natuklasan sa kuweba ng Tabon. Sa katunayan, makikita siya sa perang papel na isang libo na ginagamit ng sambayanang Pilipino araw-araw. Ngayong naging matagumpay ang grupo ni Dr. Victor Paz, archaeology professor ng University of the Philippines, sa paghuhukay sa kweba ng Ille sa El Nido, makuha rin kaya ng Banga ng Leta-Leta ang pagkilala ng mamamayang Pilipino tulad ng kanilang ibinigay sa Manunggul?

Ang Yawning Jar ang simbolo ng tuklas arkeyolohikal na dapat bigyang pansin sa hilagang bahagi ng Palawan tulad ng natagpuang cremation sites na tinatayang 7,000-9,000 taon ang tanda at mga labi ng tigre sa Dewil Valley sa El Nido. At sa kasalukuyan, pinag-i-igting ng El Nido Tourism Office ang pagpapakilala sa nasabing banga upang kasama nitong makilala ang mga artifak na nakuha sa Cudugnon Cave, Bukal Island, Ille Rockshelter at Sibaltan Open Site. Hindi lamang ang pagdagsa ng turista ang pakay ng proyekto kundi na rin ang pag-papakita ng mayamang kultura ng lugar.

panguyabBakit nga ba naghihikab ang banga? Maaaring isang simbolo ito ng paghiling sa masaganang ani. Meron ding isang haka-haka na ito ay aksidenteng tumabingi habang nasa proseso pa lamang ng pagluto at ginawan na lamang ng disenyong mata at tenga. Kung ano man ang ibig sabihin ng paghikab ng banga ay di pa tukoy ng mga eksperto. Bagaman nananatiling paisipan, ang hikab ay isang matibay na pagpapatunay sa pagka-malikhain ng mga sinaunang Pilipino. Nawa’y hindi ito simbolo ng kanilang pagiging antukin.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.