Tabula Rasa

Hunyo 9, 2015

  Ayon kay Aristotle, ang bawat isa ay isang “tabula rasa” o isang blangkong tableta (tipak na bato o luwad) na inuukitan ng mga letra noong kanilang kapanahunan.

Ibig sabihin nito’y noong tayo’y ipinanganak, wala tayong kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay. Magkakaroon lang tayo mga konsepto ng mga bagay kapag ang mga ito’y dumaan na sa ating limang sentido, ang pandinig, panlasa, pakiramdam, paningin at pang-amoy.

Taliwas ang kaisipang ito sa itinuro ng kanyang gurong si Plato tungkol sa “mundo ng mga ideya.” Ayon kay Plato, ang mga ideya ng mga bagay ay nasa utak na natin noong tayo’y ipinanganak.

Mula noon ay nahati ang mga alagad ng pilosopiya, ’empiricists’ ang naging tawag sa mga tagasunod ni Aristotle at “rationalists’ ang naging tawag sa mga alagad ni Plato.

Isa sa mga tanyag na empiricist ay si John Locke at napabilang naman sa hanay ng mga rationalist ay si Rene Descartes na nagpatanyag ng mga salitang “Cogito, ergo, sum” na ang ibig sabihin ay “Nag-iisip ako, samakatwid, ako ay umiiral.”

(Lektyur sa Epistemolohiya)

Alegorya Ng Kuweba

Setyembre 23, 2012

Ayon kay Plato, tayo ay tulad ng isang tao na nasa loob ng kuweba, naka-tanikala at nakaharap sa dingding ng yungib. May apoy sa ating likuran at ang tanging nakikita natin ay mga anino ng mga bagay sa labas ng kuweba. At dahil dito, kakailanganin nating humulagpos sa tanikala at lumabas ng kuweba upang makita ang katotohanan tungkol sa mga bagay.

Ang larawang ito ang buod ng rasyunalismo ni Plato at ito ay tinaguriang “Alegorya ng Kuweba.” Ayon kay Plato, ang mga imahe ng mga bagay na ating nakikita sa mundo ay pawang mga anino lamang ng katotohanan. Ang tunay na pag-iral ay nasa ‘Mundo ng mga Ideya.’ Ang mga konsepto ng bagay ay naroroon na sa isipan na natin mula  kapanganakan. Kakailanganin lamang nating gamitin ang ating pangangatwiran upang sila’y matuklasan.

Taliwas naman ang turo ni Aristotle, na kanyang naging estudyante. Ayon kay Aristotle, ang katotohanan ay ang karanasan sa pamamagitan ng ating mga mata, tenga, pandamdam, pang-amoy at panlasa. Ang mga ideya ay wala pa sa ating isip noong tayo’y ipinanganak, taliwas sa turo ng guro niyang si Plato. Ang isip ng tao ay tinagurian ni Aristotle na ‘Tabula Rasa’ na ang ibig sabihin ay blankong tableta. At bawat karanasan sa pamamagitan ng ating senses ay isinusulat sa nasabing tableta. Ang kaisipang ito ay tinawag na empirisismo.

Sa paglipas ng mga taon, mas pinanigan ng mga pilosopo at mga siyentipiko ang empirisismo. Kahit ako ay palo sa kaisipan ni Aristotle. Ngunit napag-isip-isip ko, bagama’t mali si Plato, may binuksan siyang pinto sa pagtahak sa mundo ng rasyunalismo – ang pagtingin lampas sa realidad na ating nakikita.

Sa tingin ko’y may punto pareho ang dalawang paham. Sa aking pananaw, sa aninong tinuran ni Plato, hindi ibig sabihi’y hindi katotohanan ang ating nakikita kundi may katotohanang mas makapag-papalaya na hindi makikita sa hugis. Hindi ba’t ang batong ating nakikita ay binubuo ng mga ‘atomos’ na iminungkahi ng dakilang si Democritus? Hindi ba’t ang materya ay patuloy na mahiwaga sa atin? Misteryo pa rin ang pinagmumulan ng grabiti at ang particle na mas maliit sa quark ay di pa rin natutuklasan. Kung titigil tayo sa mga bagay na ating nakikita lamang, wala nang pag-unlad sa ating agham.

Sa ganang akin, ang hugis ng mga bagay na ating nakikita ay hugis ng kanilang gamit at ito’y buod ng relatibiti, ng ebolusyon ng pakikisalamuha sa iba pang materya. Alam kong mali ang konsepto ni Plato sa kanyang rasyunalismo ngunit gusto kong sundan ang kanyang lohika – ang pagtuklas sa mas malawak at makapagpapalayang na realidad.

Socratic Method

Agosto 2, 2011

Ang Socratic Method is isang uri ng pagtuturo kung saan ang guro ay ang nagtatanong sa estudyante sa halip na mag-lektyur. Sa ganitong paraan ang pagtatanong ay nagiging isang isang uri ng gabay na matumbok ng mag-aaral ang kasagutan sa pamamagitan ng sarili. Nasa likod nito ang pilosopiyang ang tao ay may kakayanang tuklasin ang katotohanan sa pamamagitan ng pangangatwiran.

Ipinangalan ang teknik na ito sa pilosopong nagpasimuno nito, si Socrates. Minsan daw kaseng tinuruan ni Socrates ng Math ang isang bata sa pamamagitan lamang ng pagtatanong. Natuto ang bata sa matematika sa pamamagitan ng sariling pagtuklas. Doon naghinala si Plato, isang disipulo ni Socrates, na ang mga ideya ay nasa loob na ng isip bago pa man ipanganak ang isang indibidwal. Doon nagsimula ang doktrinang rasyunalismo ni Plato. Ayon sa kanya ang katotohanan ay nasa “Mundo ng mga Ideya” at ang mga nakikita natin ay larawan lamang ng realidad mula sa mundong ito.

Ang hindi alam ni Plato, ang pangangatwiran ang nagdala sa bata sa karunungan at hindi ang ideya. Ito ang bagay na binigyan diin ni Aristotle sa kanyang doktrinang “empirisismo.” Ayon kay Aristotle ang isipan ng tao ay isang tabula rasa o blankong papel. Nagkakaroon tayo ng ideya dahil sa ating mga nakikita, naririnig at nadarama.

Sa ngayon, maraming nang guro ang gumagamit ng ganitong uri ng pagtuturo. At hindi lamang kaalaman ang hatid nito kundi kumpiyansa sa mga estudyante. Dito natututo ang mga estudyante sa pag-susuri, pagtatagni-tagni at pagbuo ng ideya gamit ang sariling abilidad. Gayunpaman, ito rin ang pinakamahirap sa pamamaraan dahil kailangan dito ang galing sa pag-gabay sa estudyante sa pagtumbok sa kasagutan.

Napakahalaga ng pagtatanong. Hindi lamang sa loob ng klasrum kundi sa ating mga sarili. Minsan nakakalimutan na nating magtanong sa mga bagay-bagay dahil bingi na tayo sa ingay ng mundo. At dahil dito, hindi na natin magawang lumago.

Sikolohiyang Pilosopikal

Hulyo 7, 2011

Nagsimula ang sikolohiya bilang pilopiya bago ito naging agham. Ipinanganak ito sa kulturang Griyego halos kasabayan ng pagsilang ng metapisika. Makikita din ito sa mga gawa ng mga naunang pilosopong Griyego na sila Thales at Plato. Ang sinulat ni Aristotle na De Anima ay halimbawa ng sikolohiyang pilosopikal. Ang salitang sikolohiya ay nagmula sa mga salitang Griyego na psykhe na ang ibig sabihin ay “hininga” o “kaluluwa” at logos na ang ibig sabihin ay “pag-aaral ng.”

Ang sikolohiyang pilosopikal ay nakatuon sa kalikasan ng tao, bilang katawang materyal at pag-iisip na imateryal. Dito nabuo ang konsepto ng kaluluwa na inihahalintulad sa hininga ng maraming kultura sa buong mundo. Tinatalakay dito ang relasyon nito sa katawan sa larangan ng paggalaw, pandamdam, kamalayan at buhay.

Nagsimulang maghiwalay ang sikolohiya sa pilosopiya noong itinayo ang mga laboratoryo para sa pananaliksik sa sikolohiya. Noong 1879, itinayo ni Wilhelm Wundt ang unang laboratoyo para sa experimental psychology. Nakita ng mga siyentipiko noon ang halaga ng eksperimento at mga obserbasyong empirikal sa pag-aaral ng kaisipan at emosyon.

Sa pagsilang ng sikolohiya bilang agham, nahati ang sikolohiya sa dalawa: ang sikolohiyang eksperimental at sikolohiyang rasyunal. Sa pag-usad ng panahon, mas naging popular ang sikolohiyang eksperimental at ang terminong sikolohiya ay naging magkasing-hulugan sa sikolohiyang eksperimental.

Sa sikolohiyang agham, naka-pokus ang paksa sa pag-uugali ng indibidwal, problemang emosyonal at kalusugan ng pag-iisip. Napalawig lalo ang disiplinang ito ng mga siyentipikong sina William James at Sigmund Freud. Dahil dito marami ang mga natuklasan at nalunasan ang iba’t ibang sakit sa pag-iisip at problema sa emosyon.

Sa panahon ngayon, mangilan-ngilan na lamang ang nag-aaral ng sikolohiyang rasyunal. Ngunit ang kahalagahan nito ay di pa rin mababalewala bagamat tila napag-iiwanan na ng panahon at di na “uso.” Maaaring malayo na ang narating ng sikolohiyang agham, ngunit may isang bagay sa sikolohiya ang hindi kailanman maisasalang sa eksperimento…  …ang kaluluwa.

Magpakatotoo Ka!

Oktubre 6, 2009

Katotohanan…    …isa sa napakahalagang sangkap ng pag-iral. Ngunit, paano natin matatatanto ang rurok ng katotohanan? Sa “Alegorya ng Kweba” ni Plato, inilahad na ang lahat ng nakikita ay hindi ang katotohanan mismo. Ang mga ito ay mga larawan lamang ng totoong mundo, ang “Mundo ng mga Ideya.” Nagsimula ang ideyalismo ni Plato nang makita nya ang gurong si Socrates na tinuruan ang batang walang alam sa matematika. Namangha sya nang matututo ang bata sa pamamagitan lamang ng pagtatanong. Naisip tuloy ni Plato na ang mga ideya ay nasa isip na ng mga tao bago ipanganak at ang tao ay bilanggo ng mga imaheng nakikita na inakala nyang totoo.

Ayon kay Plato, ang hugis [form] ng mga bagay ay nag-lalarawan sa katotohanan na naroon sa “Mundo ng Ideya.” Ang hugis ang sumasagot sa tanong na “Ano yan?” Ito ang esensiya, ang kaanuhan, pagiging ano, ang pagka-ano at ka-kwanan ng mga bagay. Ang gulo ni Plato no? Pero in fairness, henyo sya. Mantakin mo, ito ang isa sa naging pundasyon ng metapisika.

Hindi sang-ayon dito ang mga realist. Ayon sa kanila ang katotohan ay umiiral kahit hindi mo man isipin o pansinin. Nasa labas ng isip ang katotohanan. Ito rin ang paniniwala ni Aristotle, ang istudyante ni Plato. Ayon kay Aristotle, ang isip ng tao ay isang “tabula rasa” o blangkong papel. Dito sinusulat ang katotohanan sa labas ng isip. Samakatwid, sa labas ng kaisipan ang katotohanan at nasasagap lamang nito ng pandamdam.

Dumaan ang mga siglo at naging madugo ang pagtatalo kung nasaan ang katotohan. Nasan nga ba ang katotohanan? Nasa isip ba o nasa labas ng isip? Paano mo masasabi na ang rumaragasang trak papunta sa iyo ay totoo? Papaano kung ito’y guni-guni lamang? Marahil kung mabangga ka na nito, masasabi mong totoo pala ang trak. Maaari namang matapos mabangga ng trak ay ma-alaala mo na bangag ka lang pala sa droga, o nagdidiliryo dahil sa malaria. Sino nga ba ang tama, si Plato o si Aristotle?

Pareho silang tama. Tama si Aristotle na nasa labas ng isip ang katotohanang materyal. At sa pamamagitan ng pandamdam ay nababatid natin ito. Tama rin si Plato tungkol sa hugis. Dahil hindi naman maaaring ipasok ang materya sa utak mo. Siyento porsyento, sargo ito pag nagkataon. Ang hugis na esensiya ng mga bagay lamang ang may kakayanang pumasok sa utak nang walang pinsalang hatid. At ang esensiya ang patunay na ang katotohan ay maaaring umiral kahit walang materya. Ito ang tinatawag ngayong imateryal na pag-iral.

Nga naman, hindi lang ang mga bagay na nakikita ang umiiral. At ang mga bagay na ito ang nakapagpapalaya, nagbubukas ng isip at naglalapit sa atin sa tunay na sarili. Ito ang mga bagay na hindi na saklaw ng siyensiya at matematika, mga bagay na hindi nasusukat ngunit nahahagilap ng pangangatwiran.

Sa pag-usad ng panahon, patuloy pa rin ang paglimi sa misteryong bumabalot sa katotohanan. At marami pang anggulong nakikita sa pagsipat dito. Ngunit sa iba’t ibang pagsipat ay nagkakaroon ng panibagong kahulugan. At maraming pantas na sinasadyang baguhin ang mukha ng katotohanan upang pagsilbihan ang pansariling interes tulad ng pagpapayaman, pagpapalawig ng kapangyarihan at katanyagan. Nakakalungkot na pati ang sining, lathalaan, pulpito at media ay nagagamit sa pagkubli ng mukha ng katotohanan.

Gayunpaman, biniyayaan tayo ng katwiran at konsiyensya upang timbangin ang katotohanang pinamumudmod ng mga naturingang institusyon ng kaalaman. Maging mapanuri. Huwag maging bulag. Kung tayo ay magbubulagbulagan at sasang-ayon na lamang, hindi lalao’t matutulad tayo sa bilanggong nag-enjoy sa kadiliman ng kweba at hindi na nagtangkang lumabas.

Napakahirap ang pagtahak sa pagtuklas ng katotohanan. Matarik ang bangin at nakaamba ang bitag ng huwad na katotohanan. Ngunit isang bagay lamang ang kailangan upang di ka maligaw…   …katapatan sa sarili. Ibig sabihin, magpakatoo ka. Maluwag mong tanggapin kung malabo ang mata mo, kung hindi ka pa tiyak sa ‘yong paghuhusga at kung di na kaya ng IQ mo. Sabagay di mo naman kelangan ng mataas ng IQ para malaman ang katotohanan. Kelangan mo lang na ito’y maramdaman at maunawaan. Dahil ang katotohanan ay dumadaloy sa iyong hininga, gumagapang kasabay ng hadpi ng sugat, sumasayaw sa dahong ihip ng hangin at pumipintig sa likaw ng iyong bituka.

Mararanasan ang katotohanan kahit di mo man isipin ngunit mananatili kang uhaw sa kanya. Sapagkat ang katotohanan ang dahilan ng paggalaw, ang katwiran ng pag-iral, ang sustansiya ng materya at ang prinsipyo ng kaisipan. Siya ang daloy ng uniberso, ang “Dao” ni Lao-Tzu, ang “Logos” ni Heraclitus at ang “Apieron” ni Anaximander. Siya ang siglo ng pagsilang at kamatayan, ng paglago at pagguho. Kahit saan mo ibaling ang iyong paningin, nariyan siya. Sapagkat sa lahat ng meron naroroon siya, at siya ang tinutumbok ng iyong pag-iral. Isipin mo man o hindi naririyan si katotohanan. Ipikit mo man ang iyong mata, sarhan mo man ang iyong pang-unawa. In short, wala syang pake sa ‘yo.

Ngunit sino ang salarin sa kawalan ng katotohanan o kasinungalingan? Ang isip…    …doon nagbabago ang katotohan. Kaya nga ang isyu ng katotohanan ay mas higit na epistemolohikal kesa metapisikal. Bakit isip? Dahil dito siya nayuyupi, naitatago, nababago ang anyo at nababawasan…    …nagiging kapirasong katotohan, mukhang katotohanan, nilutong katotohanan o kaya’y binaliktad na katotohanan. Samakatwid, makasalanan ang isip. Dahil dito namamahay ang kalayaang magpasya. Ngunit kahit sa kalayaan naipapanganak ang kasinungalingan, dito naman bumubukal ang pagka-malikhain.

Nakaka-stress ang pag-hahanap ng katotohanan ngunit nakaka-tanggal ng pagod kapag natagpuan na ito. At ito’y nakakapag-palaya ng kaisipan at ng buong pagkatao. Ngunit ang kalayaan ay napepeke. Subukan mong maglakad-lakad. Marami kang masasalubong na nagkukunwaring malaya. At maaaring kasama ka doon…     …dahil hindi ka nagpakatotoo…    …dahil sinungaling ka, mapagkunwari, ngiting-aso, hunyango, bolero, salamangkero, plastic!

Isa Ka Pa!

Setyembre 9, 2009

Matematikal na pag-iral…   …ano ito? Salungat sa aktwal na pagmemeron, ang matematikal na pag-iral ay nananatili lamang sa isipan. Isa itong uri ng abstraksyon na nagbibigay ng  posibleng hugis, sukat, lawak at hangganan. Ito rin ang nagbibigay ng imateryal na deskripsyon ng materya at enehiya. Samakatwid, ang tuldok, linya, decimal, praksyon at digit ay walang pagmemeron at aktwal na materyalismo…    …maliban sa isa. Ang numero na isa [1] ay ang natatanging pigura sa matematika na umiiral pareho sa dimensyong matematikal at sa aktwal.

Ano ang isa? Ang isa ay ang pikamahalagang katangian ng kabuuang lawak na itinakda ng materyal na limitasyon. Ang pagkabasag o pagkaputol ay panganganak ng maraming bagong isa. Ito ang tinatawag ni Plato na absolute unity kung saan ang pagkakahati ay magre-resulta lamang ng pagdami ng mga isa. Ang dalawa, tatlo, atbp. ay deskripsyong matematikal lamang ng materyal na pluralismo. Ang dalawang lapis ay isang lapis na umiiral at isa pang lapis na umiiral. Ang isa lamang ang may kakayanang mag-ako sa pagmemeron ng lapis hindi ang dalawa. Sinasaad lang ng dalawa ang bilang ng umiiral ngunit ang isa ay nagsasaad ng eksistensiya.

Ang bilang na lampas sa isa ay nagsasaad ng dami sa loob ng kategorya o pagkakapareho ng mga bagay. Halimbawa dalawanpung atis, limampung sibuyas at sampung bato. Hindi mo pwedeng sabihin na walumpung atis, sibuyas at bato kundi walumpung mga bagay. [Bilang x kategorya]  = Deskripsyon ng mga bagay na umiiral. Ang ekspresyon ay 20atis+50sibuyas+10bato. Samanatalang ang isa ay 1 = pag-iral.

Ang kaisahan ay pag-iral at ang pag-iral ay pagiging isa. Iisa ang buong uniberso kung titingnan mo sa kategorya ng pagka-uniberso. Ngunit kung gagamitin mo ang kategorya ng galaxy at solar system, makikita mo na binubuo pala ito ng maraming materyang may tig-iisang esensiya. Ang pagiging isa ang sentro ng kasinuhan ng lahat ng bagay na bawat isa’y matatawag mong kaiba sa lahat.

Kung natatanong mo sa sarili mo na ang pag-iral ba ang dahilan kung bakit ka nag-iisa, huwag ka muna munang magpatiwakal. Basahin mo muna uli ang artikulong ito.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Environment and Sustainability

El Nido Resorts: Sustainable Tourism in Action

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.