Arteng Kusina

Pebrero 15, 2012

Sa panlabas, ang sining ay ang wastong pag-hinto, pagpapatuloy at paglalagay, napapanahong pagbilis at pagbagal at maaari ring ito’y ang tamang panahon at espasyo.

Ang sining ay ugali ng pag-inog ng panahon, hugis ng paggalaw, pahiwatig ng enerhiya at tilamsik ng ideya. Ngunit ang lahat ng ito’y pinag-tagni-tagni sa ilalim ng dikta ng panlasa.

Ang panlasa ay diyalektika ng genetics at praktis na pinatatapang ng determinasyon at disiplina. May ebolusyon ang panlasa at apektado ito ng maraming bagay: ang taong kausap, ang kapaligiran, ang mga ideyang nagtu-tunggalian at ang mga piyesa ng sining ng iba.

May mga behikulo ang panlasa: ang imahinasyon, ang tsamba, ang damdamin, karanasan at ideya. Sa mga ito siya umiinog, nabubuhay at lumilikha.

Napakadali sa isang artista ang gumawa ng sining. Ngunit napakahirap ipaliwang kung bakit ito sumisibol. Kung ano man ang misteryong bumabalot sa sining, isang mahalagang tanong lang ang dapat tandaan: papaano ba natin huhubugin ang ating panlasa?

Sining Para Sa Masa?

Oktubre 29, 2011

Minsan nagmungkahi ang isang batikang makata na si Tomas Agulto sa mga manunula na bakit hindi doon tumula sa kalye, sa Quiapo o kung saan ang mataong lugar sa halip na sa apat na sulok lamang ng conspi. Ayon kay Mang Tom, tanging mga manunula lamang at mga edukadong mulat na ang makakarinig ng mensahe kung di dadalhin ang tula sa kalye. Anong magiging epekto nito sa lipunan kung tayo-tayo rin lang naman ang nagkakarinigan?

Oo nga naman. Ayon nga kay Lourd de Veyra, nagpupunta ba sa CCP ang ordinaryong mamamayan? Paano mo naman imumulat at tutulungang makabangon sa kahirapang dulot ng katiwalian ang lipunan kung ang mga nakakakita at nakaka-appreciate ng art ay ang mga mulat na o ang mga nasa alta-sosyedad?

Nakakalunos na isipin na ang “art” na kinahuhumalingan ng masa ay ang “Eat Bulaga,” “Willing Willie” at anumang show tungkol sa buhay artista. Hindi naman masama ang mag-enjoy ang masa, ngunit saan nga ba sila dinadala ng sining? Makalikha kaya ang mga alagad ng sining ng mga obra na kakagatin ng masa? Magkakaroon kaya ng show na pang masa na kapupulutan ng aral?

Ito ang matinding hamon sa mga alagad ng sining – paano dadalhin ang art sa ordinaryong mamamayan. Ngunit kailangan ba talaga nila ito? Mababago ba sila nito? Baka kuntento na sila sa mga love songs at mga walang kabuluhang kanta ngunit nakakatuwa at minsan ay mahalay. O baka naman pwedeng targetin ang mga intelektuwal na nag-papainog ng buhay ng masa tulad ng mga pulitiko, panginoong may-lupa, may-ari ng kumpanya at mga lider ng organisasyon.

Bagaman may mangilan-ngilan nang arte ang kinagat ng masa tulad ng kanta ng Asin, ni Joey Ayala at Yano at marami na rin ang nagbabasa ng Pugad Baboy at Aklat ni Bob Ong, kulang pa rin. Ngunit hindi pa naman siguro huli ang lahat. Sana mas marami pang manood ng mga video ni Lourd de Veyra at Juana Change. Sana tangkilikin din ang Indie Films tulad ng “Busong.” At sana magkaroon din ng pagbabago ang mga TV shows. Sana maging educational ang kanilang mga palabas, hindi lang puro mga seksing babae lamang na gumigiling at mga pinamimigay na pera ang makikita. Sabagay, meron na ring TV shows na kapupulutan ng aral tulad ng Pinoy Explorer at Born to be Wild. At sana nga, madagdagan pa ang mga palabas na tulad nito.

Sakrilehiyong Obra

Hulyo 28, 2011


Distribyut si Mideo ng Painting Workshop Certificates

Una kong nakilala si Mideo Cruz noong 2006. Siya noon ang naimbitahang art forum facilitator sa pagdiriwang ng 2nd Kalugtan Arts Festival sa El Nido. Tahimik lang siya sa isang tabi, nagmamasid. Sa unang tingin, batid ko na agad na malalim na tao si Mideo. Sa mga kasama niyang artist ko nalaman na isa siyang international performance artist at kagagaling niya lang sa Japan bago siya tumulak papuntang El Nido. Noong taon ding ‘yon, isa siya sa 13 Cultural Center of the Philippines [CCP] awardees.

Naging art workshop facilitator si Mideo sa 6th at 7th Kalugtan Arts Festival. Doon ko nakita kung paano niya turuan ang mga bata na maging malikhain sa pamamagitan ng mga bagay ng pwede nilang madampot tulad ng bato, sanga at iba pa. Sa kanyang art exhibit sa Balay Tubay Galeri ko nakita ang kanyang abstract paintings na masarap sa mata at makahulugan.

Kung susuriin mo ang mga gawa ni Mideo, performance art man o painting, may gusto siyang ipahiwatig tungkol sa pulitika, kapitalismo, relihiyon at sosyolohiya. At ang mga piyesa niya ay naghahamon sa budhi, nag-iimbita mag-isip at nakikipagtunggali sa emosyon. Sa madali’t sabi may enerhiya at mabibigat. Kaya’t di na ako nagulat nang mabalitaang kong tinutuligsa na siya ni Archbishop Oscar Cruz [binibiro namin na baka kamag-anak ni Mideo dahil ka-apelyido].

May kabigatan nga ang huling exhibit ni Mideo. Pinaghalo niya kase ang mga banal larawan ng pananampalatayang Katoliko sa mga bagay na makamundo tulad ng condom. Hindi naman masama na i-kondena ito ng Simbahan. Dahil may karapatan ang mananampalataya na igalang ang mga bagay na sagrado sa kanila. Ngunit dito masusukat ang tatag at kahinahunan ng Simbahan. Ipakukulong ba nila si Mideo ala-Carlos Celdran? Hindi ba’t Kristiyanong turo ang kapootan ang ginawang masama ngunit hindi ang gumawa. Dapat nga ipagdasal pa ng Simbahan si Mideo sa halip na kapootan. At ipagdasal din ng Simbahan ang imahen ni “Damaso” na di pa rin maalis sa paningin ng masang Pilipino.

Kung titingnan lamang ang panlabas ng larawan ay nakakasakit. Ngunit higit na masakit ang gustong iparating ni Mideo sa Simbahan at ang tunay na kalagayan ng Simbahan sa ginagalawan nating sosyedad. Hindi ko pa nakikita personal ang painting ngunit sigurado akong hindi magpipinta si mideo nang ganun kung walang malalim na dahilan at obserbasyon.

Isang masakit na imahe, isang imbitasyon sa paglalakbay at pagbabago sa loob ng Simbahan. Kung siguro’y naniniwala tayo na di na kailangan ng reporma sa Simbahan, ipakulong natin si Mideo at ‘wag nang isipin na may sugat tayong dapat gamutin.

Mahal ko ang Simbahan. Tutol din ako sa RH bill. Ngunit ayaw ko ang paraan ng Simbahan sa pagtrato sa mga tumutuligsa sa kanya tulad ni Mideo at Celdran. Meron pang mga Katoliko na nagbabanta at naghahamon ng away. Naiintindihan ko, ngunit kailangan nating maging mahinahon sa panahong ito ng krisis, at may higit na krisis kaysa sa larawan sa exhibit. Panawagan ko po sa lahat ng mga obispo at mananampalataya, sana maging mahinahon at bukas tayo sa diyalogo.

Paano Di Matawag Na Panget?

Disyembre 14, 2009

Pagdating sa usapin ng sining, abala ang mga artista sa pagpapalabas ng kagandahan, kahulugan, katatawanan, kaartehan, damdamin at kung anu-ano pang pwedeng ilabas mula sa kanilang mga obra. Merong humahagilap ng kasagutan mula sa sariling pagsisikap, meron naman mula sa karanasan at ang iba naman ay naglalaan ng pera at panahon sa pag-aaral. Pero ano ba talaga ang basehan ng kagandahan?

Sa mga pinalad na nakapag-aral sa mga pamantasan at dalubhasaan, siyempre lalabas diyan ang balance, depth, harmony, proportion, hue at iba pang mga sukatang itinakda ng estitika. Diyan mo na rin mararanasan na unti-unti ka nang naglalaway at nahuhumaling sa mga obra ni Mozart, Picasso at Shakespeare na dati’y di mo pinapansin o kaya’y binabato ng makahulugang hikab. At mapapansin mo na lang na nasusuka ka na kapag naririnig mo ang kantang Osto-Otso,  Totoy Bibo at Spaghetting Pababa na dati’y feel na feel mo pang sayawin.

Kung wala ka namang pera o panahong mag-aral ng sining o kaya’y wala ka talagang intensyong magpaka-dalubhasa, mapapansin mo na lamang na kusa pa ring lumalabas sa iyo ang sining. Habang ikaw ay nagtuturo, bigla na lang makakaisip ka ng joke na patok sa mga istudyante. Habang nag-aararo sa bukid mapapansin mo na lang bigla na magkakaroon ng magandang hugis ang lupang binungkal. Minsan ay mapapakanta ka ng ala-Luciano Pavarotti kapag nabagsakan ng maso ang iyong paa. Ngunit dahil hindi mo talaga mundo ang paggawa ng arte ay wala ka ring panahon upang kunsultahin ang mga institusyon kung tama ba o nasa pamantayan ang iyong nagawang sining nang di sinasadya.

Gayunpaman, alam mo na ang mga ito’y nakakatulong sa pagpapahayag mo ng saloobin o kaya’y paglalabas ng napaka-tinding emosyon. Alam mo ring dahil dito’y nailalabas mo ang stress mula sa trabaho, tensiyon mula sa mga problema at depresyon dala ng pagkamatay ng itong tuta. Minsan ay batid mo ring naililigtas ka nito mula sa tendency mo na masiraan ng tuktok dahil sa wala kang mautangan o dahil sa kaiisip kung nauna ba talaga ang itlog sa manok.

Maging ang masa ay may tinatangkilik na sining. Gaano man kababaw ang pagtanaw dito ng mga intelektwal, sining pa rin itong kanilang tinitingala. Dahil ito ang nagbibigay sa kanila ng aliw, aliw na maaaring minsa’y nagsisilbing pampamanhid sa kahirapang nararamdaman. Gayunpaman, meron din namang mga piyesang patok sa masa ngunit kapupulutan ng aral at minsa’y nagmumulat ng isip. Ang ang mga piyesang ito’y bihira mong makita sa merkadong umiinog lamang sa paksa ng ligawan, karahasan at katatawanan.

Habang umuusad ang sining ng kabihasnan, tahimik na nag-a-agaw-buhay ang katutubong arte sa mga pusod ng gubat. Dahil nangangabulok ang mga dahon at balat ng kahoy na nagtaglay ng mga liriko, kwento at guhit nila, umaasa na lamang ang pananatili nito sa pagsasalin-salin sa mga dila ng henerasyon. Mabuti na lamang at hindi nabubulok ang kanilang mga gawang yari sa luwad. Walang hugis, walang sinusunod na batas at walang merkadong nagtatanyag…      …ngunit mayaman sa ekspresyon, malayang pag-iisip at walang bahid ng pagkukunwari. Sa paglipas ng panahon ay nanatili itong tapat sa pagnanais na papurihan ang higit na nakakataas na pag-iral at i-respeto ang kalikasang kanilang kinagisnan.

Sa pagsipat mula sa mga ibat-ibang perspektiba ng pagtingin sa sining, naguguluhan na ako kung saan sa mga ito ang tamang pamantayan ng sining upang masabi na maganda o panget ang isang gawa. Nangangamba na kase ako na tawaging panget ang aking gawa. Baka lalong bumaba ang aking self-esteem. Baka hindi na ako magpatuloy sa pagpinta, pagsusulat at paglikha ng awit. Baka isang araw ay may dalubhasang pumuna sa sa aking mga obra.

Mga obrang hitik sa diwa ng pamantasan, mga gawang kusang lumabas lamang dala ng pangangailangan o mga ekspresyon ng payak na pakikipagniig sa kalikasan…   …sino nga ba ang totoo sa mga ito? Saan ako papanig? Nagsisimula na akong magpanic. Hindi na ako makakain. Hindi na rin ako makatulog. Para na akong sinapak sa laki ng aking aybags. Pinagpapawisan na ako nang malagkit. Namumutla na ang aking mga labi. Pang gustong kong sumigaw ng “Saklolo!”

Gayunpaman, may positibong enerhiya akong nararamdaman sa kasalukuyan. Dahil natututunan ko nang i-appreciate…    …ang mga likha ni Fanny Seranno, Pitoy Moreno at Boy Abunda.

Magpakatotoo Ka!

Oktubre 6, 2009

Katotohanan…    …isa sa napakahalagang sangkap ng pag-iral. Ngunit, paano natin matatatanto ang rurok ng katotohanan? Sa “Alegorya ng Kweba” ni Plato, inilahad na ang lahat ng nakikita ay hindi ang katotohanan mismo. Ang mga ito ay mga larawan lamang ng totoong mundo, ang “Mundo ng mga Ideya.” Nagsimula ang ideyalismo ni Plato nang makita nya ang gurong si Socrates na tinuruan ang batang walang alam sa matematika. Namangha sya nang matututo ang bata sa pamamagitan lamang ng pagtatanong. Naisip tuloy ni Plato na ang mga ideya ay nasa isip na ng mga tao bago ipanganak at ang tao ay bilanggo ng mga imaheng nakikita na inakala nyang totoo.

Ayon kay Plato, ang hugis [form] ng mga bagay ay nag-lalarawan sa katotohanan na naroon sa “Mundo ng Ideya.” Ang hugis ang sumasagot sa tanong na “Ano yan?” Ito ang esensiya, ang kaanuhan, pagiging ano, ang pagka-ano at ka-kwanan ng mga bagay. Ang gulo ni Plato no? Pero in fairness, henyo sya. Mantakin mo, ito ang isa sa naging pundasyon ng metapisika.

Hindi sang-ayon dito ang mga realist. Ayon sa kanila ang katotohan ay umiiral kahit hindi mo man isipin o pansinin. Nasa labas ng isip ang katotohanan. Ito rin ang paniniwala ni Aristotle, ang istudyante ni Plato. Ayon kay Aristotle, ang isip ng tao ay isang “tabula rasa” o blangkong papel. Dito sinusulat ang katotohanan sa labas ng isip. Samakatwid, sa labas ng kaisipan ang katotohanan at nasasagap lamang nito ng pandamdam.

Dumaan ang mga siglo at naging madugo ang pagtatalo kung nasaan ang katotohan. Nasan nga ba ang katotohanan? Nasa isip ba o nasa labas ng isip? Paano mo masasabi na ang rumaragasang trak papunta sa iyo ay totoo? Papaano kung ito’y guni-guni lamang? Marahil kung mabangga ka na nito, masasabi mong totoo pala ang trak. Maaari namang matapos mabangga ng trak ay ma-alaala mo na bangag ka lang pala sa droga, o nagdidiliryo dahil sa malaria. Sino nga ba ang tama, si Plato o si Aristotle?

Pareho silang tama. Tama si Aristotle na nasa labas ng isip ang katotohanang materyal. At sa pamamagitan ng pandamdam ay nababatid natin ito. Tama rin si Plato tungkol sa hugis. Dahil hindi naman maaaring ipasok ang materya sa utak mo. Siyento porsyento, sargo ito pag nagkataon. Ang hugis na esensiya ng mga bagay lamang ang may kakayanang pumasok sa utak nang walang pinsalang hatid. At ang esensiya ang patunay na ang katotohan ay maaaring umiral kahit walang materya. Ito ang tinatawag ngayong imateryal na pag-iral.

Nga naman, hindi lang ang mga bagay na nakikita ang umiiral. At ang mga bagay na ito ang nakapagpapalaya, nagbubukas ng isip at naglalapit sa atin sa tunay na sarili. Ito ang mga bagay na hindi na saklaw ng siyensiya at matematika, mga bagay na hindi nasusukat ngunit nahahagilap ng pangangatwiran.

Sa pag-usad ng panahon, patuloy pa rin ang paglimi sa misteryong bumabalot sa katotohanan. At marami pang anggulong nakikita sa pagsipat dito. Ngunit sa iba’t ibang pagsipat ay nagkakaroon ng panibagong kahulugan. At maraming pantas na sinasadyang baguhin ang mukha ng katotohanan upang pagsilbihan ang pansariling interes tulad ng pagpapayaman, pagpapalawig ng kapangyarihan at katanyagan. Nakakalungkot na pati ang sining, lathalaan, pulpito at media ay nagagamit sa pagkubli ng mukha ng katotohanan.

Gayunpaman, biniyayaan tayo ng katwiran at konsiyensya upang timbangin ang katotohanang pinamumudmod ng mga naturingang institusyon ng kaalaman. Maging mapanuri. Huwag maging bulag. Kung tayo ay magbubulagbulagan at sasang-ayon na lamang, hindi lalao’t matutulad tayo sa bilanggong nag-enjoy sa kadiliman ng kweba at hindi na nagtangkang lumabas.

Napakahirap ang pagtahak sa pagtuklas ng katotohanan. Matarik ang bangin at nakaamba ang bitag ng huwad na katotohanan. Ngunit isang bagay lamang ang kailangan upang di ka maligaw…   …katapatan sa sarili. Ibig sabihin, magpakatoo ka. Maluwag mong tanggapin kung malabo ang mata mo, kung hindi ka pa tiyak sa ‘yong paghuhusga at kung di na kaya ng IQ mo. Sabagay di mo naman kelangan ng mataas ng IQ para malaman ang katotohanan. Kelangan mo lang na ito’y maramdaman at maunawaan. Dahil ang katotohanan ay dumadaloy sa iyong hininga, gumagapang kasabay ng hadpi ng sugat, sumasayaw sa dahong ihip ng hangin at pumipintig sa likaw ng iyong bituka.

Mararanasan ang katotohanan kahit di mo man isipin ngunit mananatili kang uhaw sa kanya. Sapagkat ang katotohanan ang dahilan ng paggalaw, ang katwiran ng pag-iral, ang sustansiya ng materya at ang prinsipyo ng kaisipan. Siya ang daloy ng uniberso, ang “Dao” ni Lao-Tzu, ang “Logos” ni Heraclitus at ang “Apieron” ni Anaximander. Siya ang siglo ng pagsilang at kamatayan, ng paglago at pagguho. Kahit saan mo ibaling ang iyong paningin, nariyan siya. Sapagkat sa lahat ng meron naroroon siya, at siya ang tinutumbok ng iyong pag-iral. Isipin mo man o hindi naririyan si katotohanan. Ipikit mo man ang iyong mata, sarhan mo man ang iyong pang-unawa. In short, wala syang pake sa ‘yo.

Ngunit sino ang salarin sa kawalan ng katotohanan o kasinungalingan? Ang isip…    …doon nagbabago ang katotohan. Kaya nga ang isyu ng katotohanan ay mas higit na epistemolohikal kesa metapisikal. Bakit isip? Dahil dito siya nayuyupi, naitatago, nababago ang anyo at nababawasan…    …nagiging kapirasong katotohan, mukhang katotohanan, nilutong katotohanan o kaya’y binaliktad na katotohanan. Samakatwid, makasalanan ang isip. Dahil dito namamahay ang kalayaang magpasya. Ngunit kahit sa kalayaan naipapanganak ang kasinungalingan, dito naman bumubukal ang pagka-malikhain.

Nakaka-stress ang pag-hahanap ng katotohanan ngunit nakaka-tanggal ng pagod kapag natagpuan na ito. At ito’y nakakapag-palaya ng kaisipan at ng buong pagkatao. Ngunit ang kalayaan ay napepeke. Subukan mong maglakad-lakad. Marami kang masasalubong na nagkukunwaring malaya. At maaaring kasama ka doon…     …dahil hindi ka nagpakatotoo…    …dahil sinungaling ka, mapagkunwari, ngiting-aso, hunyango, bolero, salamangkero, plastic!

Imahinasyon

Setyembre 25, 2009

Artwork by Kutchai JoviImahinasyon…    …isang makapangyarihang  bahagi ng ating isip kung saan nalilikha ang sining, imbensyon, disenyo at daloy ng sistema. Malaya, makapangyarihan at mayaman ito sa ideya. Dito naglalaro ang mga konsepto na matibay na nakabatay sa mga bagay na umiiral.  Dito rin binabago ang hugis, niyuyupi ang esensiya at nilalalapastangan ang lohika upang makalikha ng mga bagay na maganda, rasyunal o kaya’y kapakipakinabang.

Suriin natin ang tulang “Kakatwa” ni Arvin Acosta [ako rin yun]…

Nakakulong ako sa ice box.
Anlamig…
Nanunuot sa aking kalamnan.
Nag-uumpugan na mga ipen ko,
Tumutulo ang laway,
Tumitirik ang mata,
Nagdidiliryo,
Umuungol,
Umiiling
At sumisinghot ng sipon.

Di rin ako nakatiis, lumabas ako sa ice box.
Di naman pala malamig dito sa sa labas.
Maraming puno,
May buhangin sa dalampasigan
Nainip ako…
Naglakad sa ibabaw ng tubig.
Aba! Bongga!
Sinilip ang kalaliman sa mga paa ko,
Yun nga lng wala ako makita
Maliban sa tatak ng tsinelas ko.

Hinabol ko ang ibon sa himpapawid.
Para akong saranggola.
Oops! Bakit ako bumubulusok?
Ahh! Naubusan ako ng gasolina.
Bumagsak ako sa sa putikan,
Baon ulo.
Nagdilim ang paligid…
Pagmulat ko ng mata…
Aba! Nandito ako sa gasolinahan!

Gusto ko pa rin mag-explore.
Dumampot ako ng bato.
Kinagat…
Aba! Lasang chocolate!!!
Kumain pa ako ng maraming bato
Na lasang chocolate
Ngunit di ako nabubusog.
Kumain pa rin ako ng kumain
Halos walang katapusan
Habang pinapanood ang paglubog ng araw.

Ngunit ba’t ayaw lumubog ng araw?
Kanina pa ako dito.
Awts! nauntog pala sa isla.
Di bale, mababasag din ang isla,
Mababasag din ang isla,
Mababasag… mababasag…
Hindi pa rin nababasag ang isla.
Nakupo! Nayupi ang araw!
Hay! Malayo pa naman ang talyer.

Wala akong magawa kundi palakpakan ang araw,
Este ang isla.
Teka! Bat wala nang isda sa swimming pool?
Hmmmn! Nagtampo sila.
Di bale gagawa na lang ako ng isda
‘Yung sosyal na isda…
‘Yung hindi marunong magtampo…
Tulad ko
Di lang mapalamon ay kumakanta na.

Sandali…
Bat ganyan ang tingin mo?
Nagtataka ka ba kung bakit ko nagagawa ang mga ito?
Puwes, magsulat ka rin!

Malay ko ba kung gawin mong tatlo ang tenga ng kalabaw.

Sa imahinasyon magagawa mong gawing tsokolate ang bato, kaya mong pigilan ang paglubog ng araw at makakaya mong lumipad. Makakalikha ka mga bagay na totoo at hindi totoo, posible at imposible, rasyunal at kabaliwan. Ngunit kahit ano pa man ang gawin mo sa iyong imahinasyon, may isang bagay na dapat isaalang-alang bago ito ilabas sa madla…    …responsibilidad.

Ang gawang sining, imbensyon, teorya at iba pang produktong likha ng malikot na pantasma ay makaka-apekto sa damdamin, kaisipan at pamumuhay ng mga madlang nakakapansin. Sangkot ka sa kaguluhan, pag-unlad,  pagkamulat, pagpapatiwakal, hiwalayan, aliw, pagnanasa, pagbubuklod at pagkabaliw na idudulot nito sa pamayanan.

Nasa atin ang kontrol ng pagkamalikhain. Tayo ang nagdidikta sa pintig, hugis, sustansiya, langhap at tapang ng mga kosepto at esensiya. At sa larangan ng imahinasyon ay dapat isaisip na:

1. May mga nalilikha na hindi totoo ngunit naglalapit sa katotohan;

2. May mga bagay na imposible ngunit nagluluwal ng walang katapusang posibilidad;

3. Ang kapangitan ay nagiging sangkap ng isang napakagandang obra;

4. Ang kabaliwan ay nagiging pundasyon ng karunungan;

5. Ang kababawan ay nauuwi sa malalim na pagtingin sa pag-iral;

6. Ang pagkakamali ay nagbabagong anyo tungo sa kabanalan;

7. At ang kahinaan ay nagiging daan sa isang matatag na sistema.

Kung gagamitin lang natin nang wasto ang imahinasyon, uunlad tayo sa buhay. Maipapanganak ang marami pang imbensyong magdudulot ng pag-usad sa bayan. Mamamayagpag ang sining na magmumulat sa madla sa tunay na pag-ibig. Mapagyayaman ang agham na nilumot na ng kapabayaan. At lalago ang pilosopiyang mag-aakay tungo sa landas ng katotohanan. Nakakalungkot lang na maraming imahinasyon ang:

1. Nalunod sa alak at droga…    …at nauwi sa halusinasyon;

2. Naligaw dahil sa kalaswaang hatid ng mga babasahin at pelikula…    …at nauwi sa pantasya;

3. Ayaw ipakita dahil sa hiya…    …at nakulong sa apat na sulok ng kaisipan;

4. Hindi lumago dahil minaliit ng mga intelektwal…    …at nauwi sa kamangmangan;

5. Makapangyarihan ngunit wala sa tamang direksyon…     …at nagdulot ng pagkasira.

Napakayaman sa imahinasyon ang bansa. Hindi lamang nabibigyan ng pansin at hindi nai-ukol sa nararapat. Napabayaan ba ito ng mga guro o walang nagmalasakit na pumansin? Tila maraming abilidad ang nagagamit sa panglalamang sa kapwa, pagpinsala at pagkamakasarili. Mas hitik pa yata sa pagkamalikhain ang mga magnanakaw ng kaban ng bayan. Kung gagamitin lang ng lahat ito sa tama ay mababayaran na natin ang utang ng bansa at may tubo pa tayo. Di na tayo magdidildil ng asin bilang selebrasyon sa pambansang ekonomiya at bilang preparasyon sa pagpapatiwakal ng republika.

Hayan, nakatunganga ka na naman. Kung iniisip mo na ang imahinasyon ay sa sining, imbensyon at disenyo lamang ang pakinabang…    …aba, gumising ka! Naghihintay sa pagkamalikhain mo ang sirang bubong ng bahay mo, ang mga basurang nagkalat sa may pinto at ang masangsang na amoy ng kanal sa tapat bakuran nyo. Huwag mong sayangin ang iyong imahinasyon…   …at baka mauwi sa pangangarap nang gising.

Pamantayan

Agosto 27, 2009

5848_114601190975_632825975_2773866_2084719_n

Artwork by Kutchai Jovi

Pamantayan. Lahat ay may pamantayan. Kahit sa sining, may parametrong sumusukat kung maganda o panget, kung nakakasuka o nakakaaliw, kung korni o nakakatawa, kung makahulugan o walang laman ang mga gawa mo. At eto ang tanong…     …sino ang may karapatang magtakda ng parametro? Simple lang ang sagot…   …kategorya. Lahat ng sining ay nakapaloob sa mga kategorya. Kung sino ang naitakdang maging diyos ng bawat kategorya s’ya ang magdidikta ng maganda at panget.

Sa sining walang absolut na parametro, walang tao o institusyon na makapag-de-deklara ng rurok na batayan. Alam mo kung bakit? Dahil ang sining ay hindi natura o likas na naririyan. Ang sining ang oposisyon ng natura dahil s’ya ay gawang tao. Sa natura lang pu-puwede ang absolut ba basehan.

Balik tayo sa kategorya. Saang kategorya ba nabibilang o gustong ibilang ang gawa mo?

1. Masa. Dito pasok ang paksang artista,  boksing, basketbol at pulitika. Pwede mo na ring isama ang  tele-pantasya, usaping pag-ibig at kung an0 ano pang sa tingin mo’y kakagatin ng karamihan. Kung ang kategoryang ito ang pipiliin mo, matindi ang fan base mo dito. Kung magiging matagumpay ka ay baka maihanay ka sa mga celebrity. At ikaw na ang susunod na titilihan ng mga tao.

2. Akademya. Mahirap ito. Kelangan mo ang pupusang pagpapaka-henyo. Maliban lang kung ipinanganak kang artista. Dito matindi ang surian. Pihikan ang mga mata, tenga at panlasa ng mga nasa institusyon. Hindi pwede ang pa kyut na art dito. Kelangan ang seryosong paggawa, malalim na pagtanaw sa realidad at dibdibang pagsasaliksik. Dito kelangan mong magsunog ng kilay at magpitpit ng hintuturo. Dito hindi ka pagkakaguluhan sa mall ngunit titingalain ka ng mga dalubhasa.

3. Konsyumer. Kung ako sa ‘yo, dito ka na. Dahil dito, yayaman ka. Dito, kung ano ang patok sa konsyumer ng produkto, yun ang gagawin mo. Pag nabili ang produkto, siyempre kasunod na yan ang bonus sa ‘yo. Ngunit kung barat ang amo mo. Ang kumpanya ang yayaman sa ‘yo at hindi ikaw. Problema mo lang, hindi ka sisikat dito dahil sa produkto nga sila nakatingin, hindi sa artist.

4. Adhikain. Dito hindi ka sisikat. Hindi ka rin yayaman. Ngunit karamihan ng artista ay dito nakakatagpo ng malalim na pagkilala sa sarili. Dito ka makikisangkot sa adbokasya para sa kalikasan, demokrasya, karapatang pang-tao at iba pa.

5. Sarili. Dito panalo ka. Wala kang aalalahanin dahil sarili mo ang maghuhusga sa iyong piyesa. Kelangan mo lamang ang tinatawag na pagiging totoo sa sarili.

Kaya huwag kang matakot sumabak sa larangan ng sining dahil marami kang pagpipilian kung saang kategorya ka maaaring ibilang. At ang pinaka-prinsipyo dito ay…   …kung ano ang hinihingi ng batayan. Ang sining ay pakikipagniig ng malilikha sa pandamdam. Kaya ang laro dito ay kung paano tugunan ang kiliting hinihingi ng panlasa. At nasasa-iyo kung kaninong panlasa and tutugunan mo. Mag-enjoy ka sa paggawa at maging malaya. Pasasaan at may mata, tenga at ilong na makakapansin ng iyong obra.

Artist Na Ba Ako?

Agosto 9, 2009

Marahil ay naguguluhan ka o kaya’y nag-aalangan. At minsa’y natatanong mo sa sarili mo, “Artist na ba ako? O baka feeling artist lang. O kaya’y trying hard na artist.” At madalas kung baguhan ka sa larangan ng sining, masasabi mo sa sarili mo, “Baka mali ang ginawa ko!”

Takot ka ba sa kritiko? Para mawala ang takot, sabihin mo sa harapan n’ya, “Tangna mo, kritiko! Huwag mo akong ikahon sa mga parametro ng iyong institusyon.” Kung magalit sa ‘yo ang kritiko, ibig sabihin taga-institusyon s’ya. Kung doon s’ya napanting sa salitang “Tangna!” mababaw ang pagtingin n’ya sa realidad. Kung natawa naman s’ya, aba’y ilibre mo na ng beer. Bihira ka lang makakita ng kritiko na matapos murahin ay tatawa pa. Pero kung maglabas na s’ya ng itak, tumakbo ka na.

Minsan sa takot natin sa kritiko ay nag-a-alangan tayong sumawsaw nang tuluyan sa larangan ng sining. Takot tayong masabi na mali ang ginawa natin. Kung ganun lagi ang iyong disposisyon sa sining, ‘wag mo na itong pasukin. Manood ka na lang ng sine.

Ang takot ang s’yang naglulumpo sa ating malikhaing imahinasyon, at naglalayo sa atin sa mga tinaguriang henyo, pantas at mga guro. Ano bang pinagkaiba nila sa atin? Hindi naman masama ang makinig sa guro. Pakinggan mo ang mga sinasabi nila bilang rekomendasyon o payo. Makakatulong ito upang lumago. Ngunit kung ituring mong batas ang mga ito, simulan mo na silang halikan sa paa. Hindi ka na artist kundi sunod-sunurang alipin, hindi na ikaw ang may akda kundi ang institusyon. Sunod ka na lang sa istilo. At masasama ka sa hanay ng mga unipormadong artista. At least matatawag ka nang lehitimong artista dahil pasok ka sa pamantayan.

Punyetang pamantayan! Mas mahalaga pa ba ang istruktura sa kahulugan? Padaluyin mo naman ang gawa mo sa paraang ikaw. Busisiin mo naman ang realidad. Painugin mo naman ang kahulugan sa bawat litid ng iyong obra.

Upang kumawala sa istrukturang iginuhit ng mga institusyon, ng mga kalipunang nagluluklok at nagbibigay ng mga parangal, ng mga nasa hanay na nagtatakda ng maganda at pangit, alay ko ang mga pariwarang opinyon na ito para sa mga tulad kong nagsisimulang mag feeling artist:

1. Magmasid. Titigan ang mga obra ng iba. Titig lang, di mo na kelangang mag-isip. Dahil kung mag-iisip ka baka ma-stress ka pa at bumagal ang iyong imahinasyon. Sanayin mo lang ang iyong mata. Kung musika, e di syempre ang iyong tenga. Sa prosesong ito, di mo namamalayan nakakabuo ka na pala ng taste sa art. Ang panlasang ito ang magagamit mo sa paghusga ng sariling gawa. Kung di mo ma-gets sa una. ulit-ulitin mo. Kung sa tagal ng panahong katititig ay di mo pa rin makamit ang inaasam na panlasa, aba’y mag-negosyo ka na lang.

2. Makisangkot. Ang sining, bago pumailanlang sa imahinasyon, ay nagmumula pa rin sa realidad. Maliban lamang kung sa tindi ng iyong pantasma ay kaya mong bigyang buhay ang mga bagay di mo pa nakikita. Magbabad ka sa mga totoong tao at pangyayari. Ramdamin mo at amuyin hindi lang ang magaganda kundi pati na rin ang mga pangit at mabaho.

Ang pakikisangkot ay hindi nagtatapos sa sining. Ito ay nagpapatuloy hangga’t ang gawa mo ay nakikita, naririnig, naaamoy at nalalasahan ng mga dumadaan, nakikiusyoso at pumapasok sa mundo mo. Kaya dito papasok ang responsibilidad ng artista sa epekto ng kanyang sining sa madla. Kaya, kung dahil sa sining mo ay may nagpatiwakal, sangkot ka dito.

3. Maging malikhain. Sa umpisa okey lang na uminog ang piyesa mo sa mga bagay na gustong-gusto mo. Pero habang tumatagal, kumawala ka naman sa hawla mo at pumailanlang sa walang hanggang posibilidad. Pigain mo naman ang iyong imahinasyon. Kung wala kang mapiga, e, di maghintay ka. Kung inabot ka na ng isang taon sa kahihintay, aba magtrabaho ka naman. ‘Wag kang tumunganga sa kahihintay ng ga-patak na biyaya ng iyong pantasma.

4. Bigyang diin ang kahulugan. Okey lang na paminsan-minsan ay gumawa ng mga pa-kyut at nakakatuwang mga obra. Pero tanungin mo naman, para saan ba ang mga gawa ko? Ano ang kahulugan ng aking gawa? Pagkatapos tumawa at kiligin ang mga tao, ano ang mahihita nila dito? Merong kahulugan na kusang inilalapat ng maylikha at meron naman na natsambahan lang. Kung sakaling tsamba lang ang paglitaw ng kahulugan sa iyong obra, ‘wag mo na lang ipahalata. Baka gumuho pa paghanga nila sa ‘yo.

5. Diyalektikong proseso. Maganda ring pakinggan ang puna, lalo na ‘yung negatibo. Ngunit ‘wag mong isakripisyo ang kakilanlan ng iyong gawa. Pumasok ka sa diyalektikong proseso. Tanggapin mo ang mga puna, dikdikin, haluin, timplahin at nguyain. Tapos, sabihin sa kritiko, “Tenk yu!” Sa prosesong ito ay lalabas ang tinatawag na synthesis, pinagsanib na ideya mo at ng kritiko. Gayunpaman, igiit mo ang estilo mo. Ang obra mo pa rin ang nasa gitna at ang puna ay palamuti lamang na umiinog sa natural na pagkakasundong tinawag nilang harmoniya. At kung pangit ang kinalabasan, sabihin mo sa kritiko, “Pak yu! Wala kang silbi!”

6. Maging agresibo. Gawa ka lang nang gawa. Hindi masama na sa simula ay pangit, korni o nakakasuka ang iyong gawa. Kung mahal mo talaga ang sining, maging agresibo ka. Matututunan mo rin ang tamang bagsak, tikwas, hagod, singhot at iri sa kalaunan. Pero kung sa tagal ng panahon ay nanatiling pangit, korni at nakakasuka ang iyong gawa, pumasok ka na lang sa pulitika. At least, mapapakinabangan mo ang pagiging agresibo at dito, in na in ang mga nakakasukang gawa.

7. Kutob. Ang kutob ay isang paglundag sa konklusyon na hindi na dumadaan sa tamang proseso ng pangangatwiran. Basta feeling mo na ‘yun, ‘yun na ‘yun. In short, wag mo nang pag-isipan. Magtiwala ka sa instinct. Pero s’yempre, kelangan mo ang seryosong pagbababad at pakikisangkot sa proseso ng buhay. Sa kutob kusang bumubukal ang lalim ng nasabing pakikisangkot at pagbabad. At kung sa kutob mo ay artist ka na nga, yun na ‘yun

8. Kakilanlan. Ang kasinuhan ng iyong obra ang nagtatangi nito sa gawa ng iba. Lagyan mo ito ng buhay, hininga at persona. Ngunit bago mo gawin ito. Ayusin mo muna ang kakilanlan ng iyong sarili at ng pamayanan na iyong ginagalawan. At kung magpahanggang ngayon ay di mo pa rin kilala ang iyong sarili…   …google yourself.

Di ko naman sinasabi sa gawin mo lahat yan. Sinulat ko lang at baka makatulong…    …upang hindi ka na tanong nang tanong sa sarili mo, “Artist na ba talaga ako?” At paulit-ulit na isasagot mo, “Kulit mo!”

Photo by Pamela Gabuco

Photo by Pamela Gabuco

Dantaon na ang nakalipas nang pasimulan ni Socrates ang konsepto ng umiiral bilang pinakaunang prinsipyo. Dito unang naghiwalay ang payak na pilosopiya sa mitolohiya. Mula dito ay itinayo ni Aristotle ang pundasyon ng metapisika.

Lumipas ang mga siglo, niyakap ng kanlurang kaisipan ang metapisika. Ngunit marami ang tumuligsa sa mga abstraktong konsepto nito. Isa sa mga matinding kritiko nito ang eksistensiyalismo na pinasimulan ni Soren Kierkegaard (1813-1855) noong ika-19 siglo. Gayumapan, nanatili itong gamit ng mga teyologo sa pag-aaral ng mga bagay na imateryal.

Lumipas na ang ng dalawang milenyo, nanatiling sa mga imateryal na bagay lamang kadalasan nagagamit ang abstraksyon. Tila ang hirap i-ugnay ito sa mga pilosopong praktikal tulad ng pragmatismo at esthetiks. Ang tanging tila malapit na hambing ay ang epistemolohiya, ang teorya ng kaalaman. Isinasaad dito na ang proseso ng kaalaman ay nangyayari sa pag-abstrak ng hugis ng mga bagay.

Ayon sa aking opinyon, ang abstraksyon ay may kaugnayan sa larangan ng siyensiya, teknolohiya at sining. Ang mga konsepto ay nilalaro sa malikhaing imahinasyon. At doon nagaganap ang prosesong distorsiyon, manipulasyon, pag-uugnay at paghahambing ng mga hugis upang makabuo ng isang sining, disenyo o imbensyon.

Gayunpaman, hindi lang abstraksyon ang proseso ng paglikha. Mayroon ding nagmumula sa instinctive design at accidental creation. Nais ko lang bigyan diin na isa ang abstrakyon sa mga proseso ng pagiging malikhain.

Marahil, kelangan ang isang masusing balik-tanaw sa mga prinsipyo ng epistemolohiya at isang tahasang paghahambing nito sa proseso ng sikolohiya. Dahil marami pa ang dapat ungkatin at marami pa ang maaaring matuklasan na pwedeng makapagpabago sa sistema ng edukasyon, siyensya at sining sa hinaharap.

Bawat umiiral ay may hugis na s’yang nasasagap ng ating isipan. Katulad ng lahat ng mga umiiral, ang hugis ang nagbibigay ng kakilanlan sa mga gawang sining. Dito nakapaloob ang esensya ng sining mismo at ito ang lagom ng piyesa sa pamamagitan ng abstraksyon.

Kaya sa larangan ng sining, napakahalaga ng hugis. Dahil ito ang direktang natutukoy ng kutob at agarang nababanaagan ng imahinasyon. Ito rin ang kaluluwa ng gawa ng sining na tulad ng hininga ay ibinubuga ng piyesa at nasisinghot ng madla. Ang hugis ay nagiging buhay na sining kapag ito’y gumagalaw, tumitimo sa damdamin, nanunuot sa panlasa at nakikisangkot sa buhay at, higit sa lahat, kung ito ay ang totoong representasyon ng gumawa ng sining mismo.

Ang hugis ay nababanaagan sa pag-iral, ayon sa larangan ng metapisika, ngunit sa larangan sining ito ay nililikha, hinuhubog at pinalalago, ito man ay totoong umiiral, posibleng umiral o imposibleng umiral. Dagdag pa dito, ang hugis ay kayang laruin ng malayang imahinasyon ng may akda upang makabuo ng magandang piyesa.

Hindi ibig sabihin na mahalaga ang hugis ay ito lagi ang nauuna sa pagbuo ng piyesa kundi s’ya ang dapat itukoy ng mga bahagi o detalye ng konsepto. Ang mga bahagi ay nagkakaroon lamang ng harmoniya kapag sa pagsasanib ng lahat ay mararanasan sila bilang iisang konsepto.

Sa huli, dalawang bagay lamang ang magiging sukatan ng kagandahan ng hugis: ang pagiging payak at ang pagiging buhay.

Picturesque

release the endorphin

Pinay Unlimited

I don't want to be defined.

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

Sustainable tourism in action

The official website of El Nido Resorts' Environment Department

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Walang Diyos o Relihiyon)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 28 other followers