Kapital

Disyembre 16, 2010

Inisketch Ni Arvin Acosta si Alipin

Himlay na ang araw ngunit gumuguhit pa rin ang kanyang sinag sa dingding ni Kanluran. Kumakain ako sa aking sosyal na hapag kainan. Pagal ang aking isip sa maghapong usapin ng pangangasiwa ng aking tribu. Lumapit si Alipin upang ako’y pagsilbihan. Pabiro ko siyang tinanong, “Bakit mo ako pinagsisilbihan?” Sumagot si Alipin, “Dahil ito ang hinihingi ng batas kapital at pulitika.”

Nagulat ako, nangalisag ang balahibo. Ba’t ganito sumagot si Alipin? Ano kaya ang nakain nito? Lasing na ba ako sa kalahating basong Tuba? Inuntog ko ang ulo ko sa dingding upang matukoy kung lasing na ako o nananaginip lang. “Inuuntog mo ang ulo mo dahil alipin ka ng iskeptisismo,” turan ni Alipin. Nahintakutan ako at napabulalas, “Pantas ka ba, henyo, mad scientist o isang rapper?” Tumugon si Alipin, “Hindi ako pantas, rapper lang. Mapagmasid lamang ako sa galaw ng klima sa dagat, sa siglo ng pagtanim at sa pagtatagpo ng mga kaisipang magkasalungat.”

“Noong nakapangaso ang iyong mga ninuno nang higit sa sapat sa kanilang kailangan, nakapagpahinga sila sa pangangaso nang araw-araw. Nagkaroon sila ng panahon upang maimbento ang pana. At naging mas madali ang pangangaso. Ang unang sobrang pagkain ang unang kapital na lumago at nauwi sa pagtuklas ng iba pang teknolohiyang nagpayaman sa kanila upang makabili ng mga aliping tulad ko. Alipin ka ng pangangasiwa sa kapital na iyong minana.”

“Ngunit ako ang pinagsisilbihan mo,” hirit ko. Tumugon si Alipin, “Ang pasisilbi ka sa ‘yo ay bahagi lamang ng sistema ng kapital. Ikaw ang higit na alipin dahil nasa balikat mo nakasalalay ang paglago at paglaho ng kapital. Mas pinili kong maging malaya, makatulog ng mahimbing na walang pinangangambahang pagdating ng isang magnanakaw, ng isang mananakop o ng isang rebelyon.”

“Tapos na ang aking pagsisilbi. Ako’y yayaon na.” Di ako nakapagsalita. Di ko rin makain ang masasarap na pagkaing kanyang inihanda. Tulala akong pinagmamasdan si Aliping naglalakad palayo. “Text ka lang kung kulang ang kanin,” pahabol ni Alipin.

Advertisements

Bobo Ba Ang Pinoy?

Setyembre 11, 2009

Natatawa ako at naaaliw na basahin ang mga sulating naglalarawan ng kabobohan, kapalpakan at katangahan ng Pinoy. Ngunit kasabay ng pagtubo ng abs at pamumuo ng kabag sa tyan sa katatawa ay ang kurot sa budhi. Hindi ba’t tayong mga nag-a-“astang” intelektwal ang may kagagawan ng kabobohang pinag-durusahan ng ating lipunan? Hindi ba’t tayo ay bahagi rin sa kabobohang ito?

Hindi kataka-taka dahil nakikita natin ang kamangmangan ng Pinoy ayon sa pamantayang ipinagduldulan sa atin ng kanlurang kultura na nagpakilala sa atin ng plastic, kontrasepsyon at pulbura. Nakakalungkot na ang tinangkilik natin ay ang edukasyon na nabatay sa kanilang pamantayan na ang matalino ay ang marunong umingles, magbasa at magbilang.

Hindi lang natin nasilip, tayong mga “edukadong” naturingan, ang agham na kanilang ginagalawan tulad ng agham ng hilot, isang katutubong istilo ng panggagamot na maaari nating ipantay sa shiatsu ng hapon, at ang “jungle survival” ng mga Ita na pinag-aaralan pa ng hukbong Amerikano dito sa bansa.

Matalino ang Pinoy. Hitik sya sa agham na itinuro ng mga ninuno at ng kalikasan. Magaling sa diskarte at mayaman sa imahinasyon. Ngunit ano ang ating ginawa? Sinamba natin ang industrialisasyong ipinakilala ng kanluran. Tinabunan ang katutubong agham ng kultura ng plastic na nagkalat sa ating mga karagatan. Hinigop ng mga makinarya ang mga magsasaka sa bukid. Paano lilitaw ang natatagong galing ng Pinoy kung kulang sa nutrisyon ang kinakain? Wala nang food security sa bansa dahil panay panawid gutom lamang ang mga programa ng gobyerno. Dagdag pa dito ang opyo ng showbiz na pampamanhid sa gutom na nararanasan ng mga kaawa-awang maralita.

Bobo ba ang Pinoy? Hindi naman. Mismanaged lang. At bawat isa’y sangkot sa bugok na sistemang nagpabagsak sa antas ng pambansang kamalayan. Ano ang nagawa ng mga manunulat at artista upang malunasan ang maling direksyong tinatahak ng edukasyon, sining at agham ng bansa? Asan ang ating mga henyo at siyentipiko? Mukhang naroon sila sa mga bansang nagpakita ng interes sa kanilang katalinuhan. Hindi na yata interesado sa kanila ang ating pamahalaan.

Gayunpaman, nangangarap pa rin ako na balang araw ay makikilala rin ang “wa-is” na Pinoy. Ngunit habang wala pa ‘yon. Patuloy pa rin ako sa katatawa sa pagbabasa ng kabobohan ng Pinoy, tawa na nauuwi sa luha. Na-hu-hurt ako hindi dahil sa kabag na namuo sa t’yan ko kundi sa katotohanang kasama pala ako sa kabobohang ito.

Pero hindi talaga bobo ang Pinoy. Hindi lang halata na matalino.

Safehouse Infoshop

leaks of an un-boxed mind

densio

Just another WordPress.com site

Picturesque

release the endorphin

Pinay

I don't want to be defined

Likha ng Kamay

Artisans of the Aborlan Arts Program

sibaltan

a peaceful village by the sea ~ east el nido, palawan

Retired? No way!

Discovering my new island home

iskul ob pilosopi

imbitasyon na tayo'y mag-isip..

Mga Sulating Pilipino

...mga larawang isina-titik

kuntra krusada

Laban sa Kultura ng mga Hari

Bagong Pananaw

Ang paglalakbay ni Fransisko Kiamko (Pagtuklas sa Isang Moralidad na Hindi Nakabatay sa Tradisyunal na Diyos o Relihiyon)

WordPress.com

WordPress.com is the best place for your personal blog or business site.